Tsuper at opereytor, nagpiket sa bahay ni Aquino


Nagpiket ngayong umaga sa bahay ni president-elect Benigno “Noynoy” Aquino III sa Times St., Quezon City ang militanteng mga tsuper sa ilalim ng Piston (Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide) at hinamon si Aquino na tuparin ang pangakong uusigin si Pangulong Arroyo. Isang liham ang kanilang isinumite sa uupong pangulo. Naglalaman ito […]

Nagpiket ngayong umaga sa bahay ni president-elect Benigno “Noynoy” Aquino III sa Times St., Quezon City ang militanteng mga tsuper sa ilalim ng Piston (Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide) at hinamon si Aquino na tuparin ang pangakong uusigin si Pangulong Arroyo.

Isang liham ang kanilang isinumite sa uupong pangulo. Naglalaman ito ng mga kagyat na kahilingan ng mga tsuper at opereytor.

Ayon sa liham, isa sa mga kailangan imbestigahan ni Aquino ang overpricing ng tatlong malalaking kompanya ng langis sa pakikipagsabwatan umano ni Arroyo.

Ayon sa komputasyon ng grupong Bagong Alyansang Makabayan, nananatiling overpriced ang presyo ng mga produktong petrolyo ng P8.12 kada litro noong Enero 2010. Konsistent ding lumalabas sa naunang mga pag-aaral ng indipendiyenteng think-tank na Ibon Foundation na overpriced ang presyo ng mga produktong petrolyo, batay sa presyo nito sa pandaigdigang merkado.

“Nagbingi-bingihan si Arroyo sa sigaw ng mga tsuper at mamamayan kontra sa walang-patid na oil price hikes, gayundin sa panawagang ibasura ang Oil Deregulation Law at Expanded Value-Added Tax, na siyang tinutukoy ng Piston [na dahilan] kung bakit mataas ang presyo ng langis at patuloy na nakakapagsamantala ang Big 3,” sabi ni George San Mateo, pangkalahatang kalihim ng Piston.

Hiniling din nilang maibasura ang 250 porsiyentong pagtaas ng toll fee sa South Luzon Expressway (SLEX) na sisimulan sa June 30, araw din mismo ng panunumpa ni Aquino.

Paniniwala ng Piston, sinadya ni Arroyo na itaon ang toll hike sa araw ng panunumpa ni Aquino para ipahiwatig na handa itong guluhin ang bagong administrasyon sakaling seryosong usigin nito ang mga kasalanan ni Arroyo.

“Hanggang sa huling sandali, nag-iwan pa si Arroyo ng panibagong dagdag-pahirap sa naghihikahos nang mga tsuper at mamamayan,” sabi ni San Mateo.

Hinamon ni San Mateo si Aquino na matapos ang panunumpa, kagyat na maglabas ng kautusan para ipatigil ang desisyon ng Toll Regulatory Board na toll hike sa SLEX.

Gayundin, hiniling ng Piston kay Aquino na huwag italaga sa kanyang administasyon si 1-UTAK Rep. Vigor Mendoza sa mga posisyon sa Land Transportation Office, Land Transportation Franchising and Regulatory Board at Department of Transportation and Communication.

Ayon sa grupo, “masugid na alipores” ni Pangulong Arroyo at ng Big 3 si Mendoza at ang 1-UTAK.

“Kasama siya at ang 1-UTAK sa naglabas ng paid advertisement sa Philippine Daily Inquirer noong Pebrero 25, 2006. [Nagpahayag sila] ng suporta sa pananatili ni Pangulong Arroyo sa puwesto sa kabila ng kahilingan ng taumbayan [na magbitiw kaugnay ng kontrobersiyang ‘Hello Garci’,” ayon sa kanilang liham kay Aquino.

Umano’y nanahimik din si Mendoza at 1-UTAK hinggil sa pagtaas ng presyo ng langis, kasama ang dating kalihim ng Department of Energy na si Angelo Reyes, kontrobersiyal na nominado ng 1-UTAK sa halalang party-list.