Ano ang kolon kanser?


Noong isang linggo, inihimlay na si Tita Cory sa kanyang huling hantungan. Isang taon siyang nakipaglaban sa sakit na kolon kanser bago siya tuluyang sumuko. Alam ba ninyo ang kolon kanser? Ang kolon kanser ay isang tipo ng kanser na matatagpuan sa kolon, isang bahagi ng malaking bituka kung saan dumadaan ang dumi ng tao. […]

Noong isang linggo, inihimlay na si Tita Cory sa kanyang huling hantungan. Isang taon siyang nakipaglaban sa sakit na kolon kanser bago siya tuluyang sumuko.

Alam ba ninyo ang kolon kanser?

Ang kolon kanser ay isang tipo ng kanser na matatagpuan sa kolon, isang bahagi ng malaking bituka kung saan dumadaan ang dumi ng tao. Gaya ng iba pang tipo ng kanser, ito ay ang mabilis at hindi kontroladong paglaki at pagdami ng mga cells sa mismong kolon.

Ang paglaki at pagdami ng cells ay dapat naaayon sa pangangailangan ng katawan. Kung ang paglaki ng mga cells ay hindi kontrolado, ito ay nagiging tumor o isang neoplasm.

Ang isang tumor ay maaring benign o malignant. Kung ito’y benign, mabagal itong lumaki at hindi sumasakop sa iba pang parte ng katawan maliban sa kanyang tinubuan. Pero kung ang tumor naman ay malignant, ito’y mabilis lumaki at maaring kumalat sa iba’t iba pang parte ng katawan o maaring mag-metastasize.

Ang mga kanser ay malignant na mga tumor.

Ang mga taong may kolon kanser ay maaring makaramdam ng madaliang pagkapagod, panghihina, paghihingal, pagbabago sa pagdumi na maaring diarrhea o constipation, pagbaba ng timbang, pananakit ng tiyan at pagkakaroon ng dugo sa dumi. Sa paglaki ng kanser, maari itong bumara sa daanan ng dumi kung kaya nagbabago ang katangian ng dumi. Kung minsan, nasusugatan ang kanser o ang mga haligi ng kolon kaya nagkakaroon ng dugo kapag dumudumi.

Ayon sa mga pag-aaral, ang mga taong madalas makakitaan ng kolon kanser ay ang mga may edad 50 pataas, mga mahihilig kumain ng taba, mga taong may inflammatory bowel disease o nagkaroon ng Streptococcus bovis bacteremia, mga naninigarilyo at mga taong may kapamilyang mayroon ding kolon kanser.

Ang kolon kanser ay mayroon staging at ang prognosis. Ang tsansa ng paggaling o paghaba ng buhay ng isang pasyente ay nakabatay dito. Kung mababa ang stage, ang sinakop ng kanser ay hindi pa malalim at hindi pa kumakalat, kaya’t ito ay may magandang prognosis. Kung mataas naman stage, karaniwan ay kumalat na ito sa iba pang parte ng katawan, kaya’t may pangit na prognosis.

Ang kolon kanser ay maaring mapuksa sa pamamagitan ng surgery, chemo at radiotheraphy pero ang pinakamainam ay ang maagang pag-diagnose o pagkakakita ng kanser dahil kung ito’y maliit pa, mas madali itong matanggal at mas kaunti ang komplikasyon. Nagiging mahirap ang gamutan kung ang kanser ay kumalat na sa iba pang bahagi ng katawan.

Kaya kabayan, kung ikaw ay kasama sa mga kadalasang kinakikitaan mga sintomas ng kolon kanser, mas mabuting dumulog na sa iyong doktor o sa pinakamalapit na health center.

(Kontribusyon ni Ilaya Mo, isang mag-aaral ng medisina ng Unibersidad ng Philippinas-Philippine General Hospital.