Maralita, umalma sa pagwaldas ng US$20,000 ng pangulo


Umalma ang mga maralitang lunsod sa napabalitang paggastos ng US$20,000 ni Pangulong Arroyo, Unang Ginoo Mike Arroyo at mga kasamahan para sa kanilang hapunan sa Le Cirque, isa sa pinakamahal na restawran sa lunsod ng New York. Ayon sa Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay), aabot sa 5,760 maralitang pamilya ang kayang pakainin mula sa halagang […]

Umalma ang mga maralitang lunsod sa napabalitang paggastos ng US$20,000 ni Pangulong Arroyo, Unang Ginoo Mike Arroyo at mga kasamahan para sa kanilang hapunan sa Le Cirque, isa sa pinakamahal na restawran sa lunsod ng New York.

Ayon sa Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay), aabot sa 5,760 maralitang pamilya ang kayang pakainin mula sa halagang ginastos ng pangulo para sa nasabing hapunan, bago sila bumalik ng bansa para dumalaw sa burol ni dating Pangulong Corazon Aquino.

Ayon pa sa grupo, katumbas ang bilang na ito ng humigi’t kumulang 30 porsiyento ng populasyon ng Payatas.

Ani Jon Vincent Marin, tagapagsalita ng Kadamay, hindi maiwasang magmura ng mga maralitang lunsod dahil sa mga katulad ng pagwawaldas ng pera ng administrasyon sa kabila ng paghihirap ng milyong mga Pilipino.

Binanggit ni Marin ang pinakahuling pag-aaral ng Social Weather Stations kaugnay ng “food poverty” na nagsasabing kailangang kumita ng isang pamilya ng P5,000 upang hindi maituring na “food-poor” o kulang sa pagkain. Sa nasabi pa ring pag-aaral na lumabas noong ika-4 ng Agosto, 39 porsiyento o 7.2 milyong pamilya ang self-rated food-poor.

Batay pa rin dito, P166.67 ang kailangan ng bawat pamilya para sa pagkain kada araw. Kaya’t mula sa $20,000 o P960,000 na ginastos ng pangulo para sa isang hapunan, 5,760 na pamilya na ang mapapakain ng agahan, tanghalian at hapunan, ayon sa Kadamay.

Samantala, kinastigo ng grupo ang pahayag ni Press Secretary Cerge Remonde na pawang mga komunista ang mga organisasyong kumikwestiyon sa paggastos ng pangulo. Ani Remonde, pawang paninira lamang ang sinasabi ng kanyang mga kritko, kabilang na ang Kadamay.

Hinamon naman ni Marin si Remonde na pumunta sa mga maralitang komunidad para makita kung tunay ngang paninira lamang ito o lalu ngang lumalala ang kagutuman ng mga maralitang Pilipino.