Istorya ng Linggo

Papaigting na pananakop?


Sa dalawang magkabilang panig ng Armed Forces of the Philippines si Edilberto Adan Jr. at Nancy Gadian. Ang isa, tagadepensa sa sistema, at ang isa, tagabunyag sa kabulukan sa loob nito. Ngunit sa isang pagdinig sa Senado, nagkasundo ang mga pahayag nila: Papaigtigting na nga ang lantarang ‘pananakop’ sa bansa ng tropang Kano.

Si Adan, habang nagbibigay ng presentasyon hinggil sa VFA. (KR Guda)
Si Adan, habang nagbibigay ng presentasyon hinggil sa VFA. (KR Guda)

Sa likod ng paborableng “assessment sa 10-taon ng Visiting Forces Agreement (VFA), matutunton ang katotohanan sa mga pahayag ni Edilberto Adan Jr.

Marahil dahil dating tagapagsalita ng Armed Forces of the Philippines (AFP), at kalauna’y maging tagapangasiwa ng Philippine Military Academy, swabe magsalita si Adan. Noong Agosto 27, kahit na kaharap ang hanay ng mga senador at kongresista – marami sa kanila’y nauna nang nagpahayag ng kanilang mga opinyon sa isyung tatalakayin niya – nanatiling malamig at kalmado siya. Tila sigurado siya sa kanyang mga sinasabi.

Pagdinig iyon ng Joint Legislative Oversight Committee on the Visiting Forces Agreement (JLOCVFA). Nakasalang si Adan, tagapangulo ng Presidential Commission on the VFA (PCVFA). Tulad ng tapat na sundalo sa labanan, matapang na ipinagtanggol niya ang VFA. Iprinisinta ni Adan ang mga benepisyo ng pagsasagawa sa Pilipinas ng ehersisyong militar ng armadong puwersa ng US.

“Binibigyang kakayahan ang militar natin ng nagpapatuloy na suporta ng US sa AFP na makabili ng karampatang kagamitan (hardware) hindi lang para maiangat ang kakayahan nitong gampanan ang mga misyon nito ngunit para rin sa ‘pagtutulay sa puwang’ hanggang sa panahong kaya nang pinansiyahan ng Pilipinas ang sariling programa nito sa modernisasyon ng militar,” sabi ni Adan sa komite.

Niratsada rin ni Adan ang mga estadistika ng “benepisyo” sa bansa. Kabilang dito ang mahigit P1.33 Bilyon na inilaan diumano para sa mga misyong makatao (medical, dental, veterinary at engineering) magmula 2002 hanggang ngayon. Nariyan din ang $249.99-M Foreign Military Financing (magmula 1999), $76.5-M Foreign Military Sales (magmula 2002), at $76.77-M sa Excess Defense Articles (magmula 1999). Ang tatlong ito, mistulang “utang” at hindi ibinibigay nang libre ng gobyernong US, pero ang punto ni Adan, tulong pa rin ito.

Naibaon sa talumpati ng dating heneral ang isa pang estadistika: na may “25,078 Pilipino at 27,186 Amerikano ang lumahok sa mga ehersisyo na isinagawa sa iba’t ibang bahagi ng bansa.” Kalmadong binanggit ito ni Adan, na tila natural na lamang na kahihinatnan ito ng isang kasunduang militar tulad ng VFA.

Naibaon ng malamig na pananalita ni Adan ang katotohanang mahihinuha mula sa kanyang pahayag: Kung tama ang sinabi niyang 27,186 na sundalong Kano na ang lumahok sa ehersisyong militar sa Pilipinas magmula 2001, may average na 3,398 na sundalong Kano ang nag-eehersisyong militar sa Pilipinas taun-taon. Kung hahatiin sa apat na kuwarto, may average na halos 850 sundalong Kano ang nananatili sa bansa sa isang kuwarto.

Rebelasyon (o rebolusyon?) mula sa loob

Kaiba sa malamig na estadistika ni Adan ang buhay at mainit na press conference ni Navy Lt. Mary Nancy Gadian noong Agosto 26, isang araw bago ang pagdinig ng komite sa Kamara. (Basahin ang kaugnay na istorya)

Sa naturang presscon, binigyang detalye ni Gadian ang marami sa mga dati nang sumisingaw sa publiko hinggil sa presensiya ng US sa Mindanao. Tinukoy niya ang ilang nalalaman niyang mga “permanente” at “pansamantalang” istruktura at/o kampo na itinayo ng sundalong Kano sa Mindanao. Binigyan niya ng ilang anekdota o kuwentong magsasalarawan ng tila “hari-hariang” asta ng mga Kano sa presensiya ng mga Pinoy: ang pagtatangkilik, sa kanilang “pagpapahinga,” ng kababaihang napupuwersa sa prostitusyon; ang labas-masok ng mga ito sa mga kampo ng militar at nababalitang paglahok sa combat operations ng AFP; at kahit ang mismong “bastos” at nakapanliliiit na pakikitungo kay Gadian ng isang opisyal na Kano.

Hindi rin nalalayo sa estadistika ni Adan ang datos na sinabi ni Gadian. Sa kanyang kapasidad kasi bilang isa sa mga tagapaghanda ng Balikatan Exercises noong 2001 at 2002 at katuwang sa paghahanda sa Balikatan noong 2007, naitaya niyang di bababa sa 500 sundalong Kano ang nasa iba’t ibang kampo ng Mindanao sa loob ng tatlong buwan. Upang lumobo sa average na 850, maaaring maraming pagkakataong umabot sa libu-libong tropang Kano ang nasa Pilipinas.

Mahirap na makahanap pa ng mas nakakumbinsing imahen ng tahasang interbensiyong militar sa Pilipinas kundi ang imahen ng libu-libong tropang Kano na namamalagi – nag-eehersisyong militar, naniniktik sa mga kaaway ng AFP, nagsasagawa ng humanitarian missions, lumalahok sa (aktuwal man o di-direkta) na combat operations, nagsasamantala sa kababaihan – sa “iba’t ibang bahagi ng bansa,” sa salita mismo ni Adan.

Tagapangasiwa sa interbensiyon

Sa Senado, nananawagan na si Sen. Miriam Defensor-Santiago, ­co-chair ng JLOCVFA, ng terminasyon, o kahit man lang renegosasyon, ng VFA.

Noong Agosto 27, malinaw sa mga sundot niya sa pagkuwestiyon kay Gadian na gusto niyang ipalutang ang pagtinging tila may hindi magandang ginagawa sa Pilipinas ang mga Kano. Sa isang pagkakataon sa pagdinig, isinentro ni Santiago ang mga tanong kay Gadian sa isang “ahensiya” o yunit na siyang tagapangasiwa ng buong latag ng interbensiyong militar ng US sa Pilipinas: ang Joint Special Operations Task Force-Philippines (JSOTFP).

Sa kanyang isinumiteng sinumpaang salaysay sa komite, sinabi ni Gadian na JSOTFP ang siyang yunit na nagkokoordina at nagpapatakbo sa mga yunit ng tropang militar ng US sa Pilipinas. Ito ang ahensiyang sinabi ni US Defense Secretary Robert Gates, sa artikulo sa New York Times, na siyang mananatili pa nang walang taning sa bansa dahil hindi pa umano tapos ang misyon nito sa giyera kontra sa terorismo.

“Sa US Army Manual, ang task force ay ginagawa lang kung hindi magagawa ng regular na army. Halimbawa, covert operations ­– ’yung mga sikreto at palihim nilang ginagawa,” sabi ni Santiago.

Sinabi ni Gadian na sa kanyang kapasidad bilang opisyal ng AFP at ng Philippine Navy, at isa sa mga naghanda sa Balikatan noong 2001, 2002 at 2007, nagawa na niyang nakapasok sa headquarters ng JSOTFP sa loob ng Kampo Navarro ng AFP sa Zamboanga City.

Sobra umanong istriko ng seguridad sa tanggapang ito. “Limited lang ang aking accessibility. Bago ako makapasok doon, kailangan kong iwang ang aking cellphone sa labas. Kailangan akong sunduin ng aking escort officer bago ako makarating sa loob ng kanilang office. Doon sa loob, kung saan lang dapat ako – kasi ang purpose ko ay to attend a teleconference – nandoon lang ako sa loob ng conference room. Mayroon akong designated chair,” kuwento ni Gadian sa presscon noong Agosto 26.

Binigyan din ni Gadian ng silip ang publiko sa ilang nagaganap sa loob ng sikretong tanggapan na ito. “Usually, ang aming conference ay done through video teleconferencing. So (sa conference), may link ako noon mula sa US Embassy and all over Mindanao.

Kinumpirma ni Adan sa naturang pagdinig ang pagkampo ng JSOTFP sa Camp Navarro, at ang pangangasiwa nito sa mga aktibidad ng tropang Kano sa Pilipinas. Pero mariin niyang itinatanggi na “permanente” ang istruktura ng kampo, kahit na sementado naman ito, matagal nang gumagana, at matindi ang seguridad ng mga US Marines palibot ng kampong ito.

Paglahok sa operasyong militar

Sa pahayag nito matapos ang pagdinig ng JLOCVFA noong Agosto 27, sinabi ng Embahada ng US na hindi ito sangkot sa direktang operasyong militar sa Pilipinas.

Tila gusto nitong lumahok sa isang debate hinggil sa depinisyon ng terminong “combat operation.” Hindi umano ito sangkot sa mga aksiyong militar na tumutugis sa Abu Sayyaf at Moro Islamic Liberation Front. Hindi umano ito nakikipagbarilan sa New People’s Army. Hindi umano ito sumasama sa mga misyon ng iba’t ibang combat units ng AFP.

Ngunit para kay Gadian, ang paglahok lamang ng tropang US sa pag-eespiya sa mga kaaway ng AFP ay isa nang paglahok sa combat operations. Gumamit man ng Unmanned Aerial Vehicles (USV, isang kagamitang paniniktik) o aktuwal na pagkalap sa field ng impormasyon hinggil sa mga kaaway ng AFP, hindi maihihiwalay na bahagi ng operasyong militar ang intelligence work.

Ayon kay Rey Claro Casambre ng Philippine Peace Center, hindi na talaga aktuwal na pakikipagbakbakan sa mga kaaway nito ang pokus ng mga operasyong militar ng armadong puwersa ng US. “Since 1998, as a result of Vietnam War, ’yung US Military Doctrine, binago na nila. Wala nang strictly speaking na combat operations. Ang tawag nila, stability operations. Mayroong combat, mayroong support, mayroong iba-iba, tulad ng civil-military operations, at intelligence work.

Ang hindi maitatanggi, at mahihinuha sa kilos ng mga opisyal ng AFP, ng gobyernong Obama sa US, at laluna ng gobyernong Arroyo tulad ni Adan, ay higit pa sa “ehersisyong militar” ang ginagawa ng tropang Kano sa bansa.

Hindi rin maitatanggi ang permanenteng presensiya nila rito.

Panoorin ang bidyo ng kilos-protesta sa harap ng embahada ng US laban sa presensiya ng mga tropang Kano sa bansa: