Kapag midya ang bida sa bayanihan*
Hindi maitatangi, mahalaga ang naging papel na tinanganan ng midya para tulungan ang mga kababayan nating nasalanta ng mga bagyong “Ondoy” at “Pepeng”; pero masyado nga bang lumapad ang papel na ito?
Noong kasagsagan ng pambansang bayanihan para tulungan ang mga kababayan nating nasalanta ng mga bagyong “Ondoy” at “Pepeng,” mahalaga ang papel na tinanganan ng midya. Inilahad nila ang mga imahen at salaysay na dahilan para magbigayan at magtulungan ang mga Pinoy sa loob at labas ng bansa. Inilahad din nila kung saan dadalhin at ipapadala ang mga donasyon para sa mga nasalanta ng bagyo.
Hanggang sa puntong iyan, kapuri-puri ang ginawa ng midya sa harap ng kalamidad. Pero may mga kumpanya ng midya na lumabis pa diyan ang papel na tinanganan. At malaking bahagi sila ng midya. Tinutukoy ko ang ABS-CBN at GMA – at mas ang una kaysa sa ikalawa. Ang iba pang ginawa ng mga kumpanyang ito, mula kapuri-puri, umabot sa puntong kwestyonable sa minimum at kapuna-puna na sa maksimum.
Tinutukoy ko ang mga hakbangin nila na tila ang layunin ay pagkopo sa paglikom at pamamahagi ng mga donasyon para sa mga nasalanta. Hindi man nila todo-todong nakopo ang larangang ito, malamang na sila ang naging dominante sa mga ito – salamat sa malakas o dominante pa ngang posisyon nila kumpara sa ibang midya. Ang tanong: Ito ba ang tamang kalakaran? Ang dapat? Kung hindi, ano ang dapat?
Sa usapin ng panawagan para sa donasyon: bida ang kani-kanilang foundations, ang GMA Kapuso Foundation at Sagip-Kapamilya Foundation. Tuluy-tuloy ang panawagan ng tulong patungo sa mga institusyong ito na syempre pa’y kadikit ng mga istasyon ng telebisyon. Sa usapin ng pamamahagi ng donasyon: sila ang nagtatakda kung saan, kailan, sino ang katulong at maging sino ang artistang sasama.
Tama si Prop. Sarah Raymundo – sa isang entri sa kanyang blog sa Facebook – sa pagkwestyon sa (1) saan-saang lugar dinadala ng ABS-CBN ang mga donasyong pumupunta rito, at (2) paano ang pagbabangko ng ABS-CBN sa mga perang donasyong natanggap nito. Tama rin siya sa pagtuturong dahil sa neoliberalismo, nakatakas na ang gobyerno sa tungkulin sa mga mamamayan at midya na ang inaasahan ng marami.
Ngayon, mahigit dalawang linggo matapos isulat iyun ni Prop. Raymundo, marami pa ang pwedeng idagdag: Ano ang pamantayan ng ABS-CBN sa pagpili sa kakatulungin? Minsan, pinasalamatan nito ang Armed Forces of the Philippines dahil naghatid ng mga donasyon, na para bang ahensya na ito ng gobyerno. Minsan naman, isang grupo ng mga drayber. Bakit hindi ang kabila o iba pang grupo? Ano ang mga batayan?
Ang problema ay (1) pinatampok ng ABS-CBN ang sarili sa paglikom at pamamahagi ng donasyon, sa kapinsalaan ng ibang grupo, at (2) namili ito ng mga organisasyong kakatuwangin sa pamamahagi ng donasyon. Sa halip na bigyan ng mas malaking papel ang mga organisasyon – lahat, kahit anong organisasyon – ng mga mamamayan sa paglikom at pamamahagi ng donasyon, parang itinalaga nito ang sarili na sentro nito.
At hindi ito usapin ng inggit. Bagamat hindi ito madalas tingnan bilang korporasyon, mahalagang idiin: korporasyon din ang ABS-CBN, hindi organisasyon ng mga mamamayan. Masasabi kaya na ang naganap ay corporate takeover o pagkubabaw ng korporasyon sa paglikom at pamamahagi ng donasyon, sa pambansang bayanihan? At nalagay sa laylayan ang mga mamamayan na kinakatawan ng mga organisasyon nila?
Isang usapin na binibitawan ng gobyerno ang tungkulin nitong manguna sa pagsaklolo sa mga mamamayan at itinutulak nito ang ibang pormasyon na tumangan sa tungkuling ito. Pero iba pang usapin kapag mulat na niyayakap ang tungkuling ito ng midya – sa anumang dahilan bagamat tiyak namang kasama doon ang sariling pakinabang bilang institusyon – nang inietsa-pwera ang paglahok ng mga mamamayan.
Oo nga pala, sintomas din ng ganitong pag-iisip ang “Wowowee” at iba pang palabas.
*Unang lumabas ang artikulong ito sa blog ni Teo Marasigan na Kapirasong Kritika