Clinton, pinagpapaliwanag sa VFA, karagdagang ayudang militar


Sa nakatakdang pagbisita ni US Secretary of State Hillary Clinton sa bansa, kukuwestiyunin ng grupong Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) ang Visting Forces Agreement (VFA) at karagdagang ayudang militar ng US. “Si Clinton ang pangatlong mataas na opisyal ng US na bisita ng Pilipinas ngayong taon, sumunod kina CIA (Central Intelligence Agency) Director Leon Panetta at Defense Secretary […]

Sa nakatakdang pagbisita ni US Secretary of State Hillary Clinton sa bansa, kukuwestiyunin ng grupong Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) ang Visting Forces Agreement (VFA) at karagdagang ayudang militar ng US.

“Si Clinton ang pangatlong mataas na opisyal ng US na bisita ng Pilipinas ngayong taon, sumunod kina CIA (Central Intelligence Agency) Director Leon Panetta at Defense Secretary Robert Gates. Dahil sa kakaibang sunud-sunod na pagbisita na ito, naniniwala kaming nais ng US na palawakin at pagtibayin ang presensiyang militar nito sa bansa,” sabi ni Renato M. Reyes, Jr., pangkalahatang kalihim ng Bayan.

Dadalo sa Asia-Pacific Economic Cooperation Ministerial Meeting si Clinton at bibisita sa Pilipinas sa Huwebes, Nobyembre 12.

“Hindi goodwill o solidarity visit sa mga biktima ng bagyo ang pagpunta rito ni Clinton. Naniniwala kaming pupunta siya para siguruhin ang interes panseguridad ng US,” dagdag ni Reyes.

Sumang-ayon ang grupo sa pagtingin ni Sen. Miriam Santiago na ang pagsisiguro ng VFA ang totoong layunin ni Clinton.

Ang VFA ay ang kasunduang militar sa pagitan ng US at Pilipinas na tinututulan ng iba’t ibang grupo at ipinarerepaso ng Senado dahil sa paglabag nito sa soberanya ng bansa at pagiging makaisang-panig.

“Maaaring karagdagang ayudang militar ang ialok na kapalit ng pagpapalawak ng presensiyang militar ng US sa bansa. Maaaring ibigay ang ayuda sa kabila ng masamang rekord pangkarapatang pantao ng rehimeng Arroyo,” dagdag ni Reyes.

Nanawagan din ang Bayan sa gobyernong US na linawin ang isyu hinggil sa ayuda sa Pilipinas.

Kamakailan, inihayag ni Defense Secretary Gilbert Teodoro na makakatanggap ang bansa ng $43 Milyon na ayuda mula sa US, ayon umano sa pangako ni US Sen. Daniel Inouye, tagapangulo ng US Senate Appropriations Committee.

Pinabulaanan ni Teodoro ang pahayag ni Bayan Muna Rep. Neri Colmenares na hindi ibibigay ng gobyerno ng US ang $2-M na ayuda sa susunod na taon, ayon umano sa US House Resolution 3081.

Nakasaad sa nasabing resolusyon na hindi ibibigay ang nasabing halaga ng ayuda sa 2010 hangga’t hindi naaaksiyunan ng gobyerno ng Pilipinas ang mga rekomendasyon ni Philip Alston, special rapporteur on extrajudicial killings ngUnited Nations.

Ayon kay Reyes, “Hindi karapat-dapat ang gobyernong Arroyo sa karagdagang ayudang militar dahil sa kabiguan nitong paunlarin ang rekord sa karapatang pantao.”

Pinaalalahanan ng grupo ang gobyernong US hinggil sa pagdukot at pagtortyur ng pinaghihinalaang mga ahenteng militar sa Filipino-American na si Melissa Roxas, na pinagkalooban ng writ of amparo at habeas data ng Court of Appeals.

Kailangan ding maglinaw ni Clinton hinggil sa 600 US Special Forces na itinalaga sa Mindanao, ayon sa Bayan.