25 Pinay, isang organisasyon: Ang paghawan sa landas ng kababaihan


Sa ika-25 anibersaryo ng Gabriela, nagbalik-tanaw ang mga miyembro at lider nito sa kasaysayan ng organisasyon — kung bakit naging kadikit ng pangalang Gabriela ang imahen ng palabang babae sa kasaysayan. Samantala, pinarangalan ng grupo ang 25 babaing humawan ng landas ng pakikibaka para sa karapatan at interes ng kababaihan at sambayanan.

Kabilang sa 25 kababaihang pinarangalan sa ika-25 anibersaryo ng Gabriela: (mula kaliwa) Kinatawan ni Lydia Canson, Atel Hijos, Lucy Francisco, Vernie Diano, at Rina Amacio. (KR Guda)
Kabilang sa 25 kababaihang pinarangalan sa ika-25 anibersaryo ng Gabriela: (mula kaliwa) Kinatawan ni Lydia Canson, Grace Noval, Atel Hijos, Lucy Francisco, Vernie Diano, at Rina Amacio. (KR Guda)

Kapag binanggit ang pangalang Gabriela, kadalasang unang naiisip ang isang imahen ng palabang babae, mapagmatyag sa kanyang karapatan bilang babae at mamamayan.

Bagamat pangalan din ito ng isang babaing lider-rebolusyonaryo noong panahon ng himagsikan laban sa kolonyalismong Espanyol, mas tumatak ang imahen ng Gabriela na palabang babae dahil sa organisasyong 25 taon nang namumuno sa paglaban ng kababaihan mula sa pang-aabuso, karahasan at panunupil.

Sa isang pagtitipon noong Oktubre 28 sa Amoranto Theater, Quezon City, ginunita ang ika-25 na anibersaryo ng Gabriela. Sa okasyong ito ipinagdiwang ang kasaysayan ng itinuturing nang nangungunang kilusang kababaihan sa bansa.

Kinilala rin sa kauna-unahang pagkakataon ang 25 babaing tagapagtanggol sa kababaihan at bayan. Sa iba’t ibang paraan at sa mahabang panahon, sila ang naghawan ng landas para umusbong at dumami ang mga kagaya nila—mga babaing mulat at lumalaban, hindi lang para sa kanilang sarili, kundi para sa lipunan.

Mga sandali sa kasaysayan

Si Sr. Mary John Mananzan, chair emeritus ng Gabriela. (KR Guda)
Si Sr. Mary John Mananzan, chair emeritus ng Gabriela. (KR Guda)

Matayog na noon pa man ang mithiin ng Gabriela, na itinayo noong Marso 11, 1984 o kasagsagan ng batas militar. “Itinayo namin ito hindi bilang isang simpleng peministang organisasyon, kundi sa konteksto ng komprehensibong pagpapalaya ng lipunan,” sabi sa Pinoy Weekly ni Sr. Mary John Mananzan, lider-simbahan na naging tagapangulo ng grupo mula 1986 hanggang 2004.

Seryoso ang tungkulin noon na mapabagsak ang diktadurang Marcos, at kalampagin naman ang sumunod na administrasyon para sa batayang mga reporma. Pero puno rin ito ng masasayang sandali.

Kuwento ni Mananzan, naaalala niya ang isang kilos-protesta sa harap ng Mendiola, kung saan inangat at itinabi nila ang iniharang na barbed wire ng pulisya. Hindi na niya maalala ang ispesipikong isyung kanilang bitbit noon—marami silang tinututulan, mula sa baseng militar ng US hanggang sa Bataan Nuclear Power Plant. “Basta’t ang naaalala ko, nakatutuwa ang kagitingan ng kababaihan kapag nagsama-sama,” aniya.

Ginagamit din nila noon sa kanilang bentahe ang mga katangiang ikinakabit sa mga babae. Nang harangin sila isang beses sa martsa patungo sa embahada ng US, sabi ni Mananzan sa pulisya, “Let us pass or we will talk here forever.” Sa huli, hinayaan silang makaraan, aniya.

Ikinararangal ng naunang mga lider ng Gabriela ang umano’y mga “buhay-at-kamatayan” na mga pakikibaka ng grupo. “Nag-iiyakan kami noon tuwing may nawawala sa aming hanay pagkatapos ng isang rali,” sabi ni Petite Perredo, naging pangakalahatang kalihim ng Gabriela ng 12 taon. Laganap noong batas militar ang pagdukot sa mga aktibista sa lansangan.

“Kami noon ang darlings of the press, kasi laging nasa mga aktibidad sina Nelia Sancho at Maita Gomez. Sikat na sikat noon ang aming street plays, ” sabi naman ni Fe Arriola, dati ring pangkalahatang kalihim ng grupo.Kilalang mga beauty queen noong dekada ’80 sina Gomez at Sancho na naging mga lider ng kilusang kababaihan.

Retirado na ngayon sina Arriola at Perredo, bagaman nananatiling masugid na tagasuporta pa rin sila ng Gabriela.

Patuloy na nakikibaka

Nanay Mameng Deunida (KR Guda)
Nanay Mameng Deunida (KR Guda)

Samantala, nagpatuloy sa pakikibaka ang mga katulad ni Carmen “Nanay Mameng” Deunida, na kinikilala at aktibo pa ring lider-maralita sa edad na 81.

Isang labandera na biktima ng pambubugbog ng asawa, itinayo ni Deunida ang Samakana o Samahan ng Maralitang Kababaihang Lumalaban noong 1983. Isa ang Samakana sa mga organisasyong nagtatag ng Gabriela.

Sinimulan ni Nanay Mameng ang grupo sa pagbabahay-bahay sa mga komunidad sa Kamaynilaan. Siniyasat niya ang problemang kinahaharap ng kababaihan sa kanilang pamilya at hanapbuhay. “Ang sabi ko sa kanila, meron tayong magagawa kung tayo’y magkakaisa,” aniya.

Nangingisi siya tuwing maaalala ang reaksiyon ng mga lalaki sa komunidad matapos maturuan ang mga babae hinggil sa kanilang mga karapatan.“Sinasabihan nila ako, ‘Kung hindi dahil sayo, hindi ako hihiwalayan ang asawa ko.’ Ang sagot ko naman, ‘Kung tinatrato mo ng maayos ang asawa mo, hindi ka hihiwalayan,’” sabi ni Deunida, ngayo’y chair emeritus ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap o Kadamay.

Isang pampublikong guro naman ang 65-anyos na si Atel Hijos, kasalukuyang pangkalahatang kalihim ng Gabriela sa rehiyon ng Caraga. Aniya, nagsimula ang organisasyon doon noong 1983 nang may pito lamang kasapi.

Laganap noon ang paglabag sa karapatang pantao na bumibiktima sa mga babae at bata. “Naramdaman naming kailangan may gawin,” sabi ni Hijos sa Pinoy Weekly.

Bukod sa paglaban sa militarisasyon at karahasan laban sa kababaihan, malakas din ang pagtutol ng kababaihan doon laban sa pagmimina at pagtotroso na sumisira sa kalikasan at kabuhayan ng mga komunidad.

Saksi rin sa paglago ng Gabriela ang 52-anyos na si Lucy Francisco, na 23 taon nang organisador ng kababaihan sa probinsiya ng Panay. Nagsimula lamang sila, aniya, sa hanay ng maralitang lungsod. Ngayon, nakikisangkot na rin sa iba’t ibang isyung panlipunan ang mga babaing manggagawa, kabataan, at propesyunal.

“Kami ang tumutol sa pagkakaroon noon ng mga bikini carwash. Kami rin ang tumulong sa mga komunidad na bumangon mula sa salanta ng bagyong Frank,” pagmamalaki niya.

Bagong hamon at tagumpay

Pinarangalan ng Gabriela noong gabing iyon sina Mananzan, Deunida, Hijos, at Francisco, at iba pang kababaihan na nag-ambag sa paglawak ng kilusang kababaihan sa bansa at patuloy na nakikibaka sa iba’t ibang paraan.

Kabilang dito sina Lita Mariano at Zen Soriano, mga nagtatag ng Amihan o Pambansang Pederasyon ng Kababaihang Magsasaka; Nitz Gonzaga, bise-presidente ng Women’s Affairs ng sentrong unyong Kilusang Mayo Uno; Nerissa Guerrero ng Samakana; at Rechilda Extramadura ng Lila Pilipina o organisasyon ng mga comfort women.

Gayundin ang mga lider ng Gabriela sa iba’t ibang rehiyon na sina Rina Amacio, Tess Pielago, Vernie Diano, Grace Noval, at Lyda Canson; lider-simbahan na si Norma Dollaga; at tagapagtaguyod ng mga karapatan ng bata na si Rosalinda Duque.

Pinarangalan din ang matatagal na naging istap at opisyal ng Gabriela—sina Rina Anastacio, Vicvic Calvo, Pining Tolentino.

Mga pinuno ng Gabriela na sina (mula kaliwa) Emmi de Jesus at Liza Maza, kasama ang isa sa mga tagasuporta ng Gabriela na si Angel Locsin. (KR Guda)
Mga pinuno ng Gabriela na sina (mula kaliwa) Emmi de Jesus at Liza Maza, kasama ang isa sa mga tagasuporta ng Gabriela na si Angel Locsin. (KR Guda)

Gayundin ang beteranong mga aktibista na sina Judy Taguiwalo, dating detenidong pulitikal, tagapagtatag ng Amihan, at ngayo’y Faculty Regent ng Unibersidad ng Pilipinas; Elisa Tita Lubi, dati ring detenidong pulitikal, humawak ng relasyong internasyunal ng Gabriela, at tagapagtatag ng Gabriela Women’s Party (GWP); at Dr. Carol Pagaduan-Araullo, kasalukuyang tagapangulo ng Bagong Alyansang Makabayan o Bayan.

(Maliban sa 25 kababaihan, kinilala rin para sa kanilang kontribusyon sa kampanya laban sa karahasan sa kababaihan sina Atty. Evalyn Ursua, abogado ng Pinay na ginahasa ng sundalong Amerkano na si ‘Nicole;’ Merle Jayme ng DM9JaymeSyfu na matagal nang tumutulong sa paggawa ng campaign advertisements ng Gabriela (panoorin ang video hinggil sa bagong patalastas na gawa niya); ang makata at dramatistang si Joi Barrios; ang aktres na si Monique Wilson; ang scriptwriter at direktor na si Bibeth Orteza; at ang artistang si Angel Locsin.)

Kabilang pa sa 25 kababaihan na ginawaran ng parangal sina Emmi de Jesus, pangkalahatang kalihim ng Gabriela at isa sa mga nominado ngayon ng GWP sa halalang party-list sa 2010; at ang dalawang representante ng GWP sa Kamara na sina Rep. Luzviminda Ilagan at Liza Maza.

pw-gabriela-luz-ilagan
si Rep. Luz Ilagan, isa sa dalawang kinatawan ng Gabriela sa Kamara. (KR Guda)

Nominado rin si Ilagan bilang kinatawan ng GWP. Si Maza naman, na inihalal na bagong tagapangulo ng Gabriela, ay tatakbo sa pagkasenador sa halalan na 2010, sa ilalim ng koalisyong Makabayan.

Sa kanyang talumpati sa simula ng pagtitipon, inihayag ni Maza, “Hindi biro ang ating dinanas, hindi matatatwa ang mga pagsubok. Kaya napakahalaga ng araw na ito, sapagkat magsisimula muli tayo sa ating mga tagumpay. Isusulong natin sa mas mataas pang antas ang pakikibaka ng sambayanang Pilipino.”

Dalawampu’t limang taon mula nang mag-umpisa, matayog pa rin ang mithiin ng mga babaing nagtayo ng Gabriela.