‘Oryentasyong pagtugon sa pangingibang bansa, dahilan ng mababang kalidad ng graduwado ng narsing’


Nakakaalarma na ang pagdausdos ng kalidad ng edukasyon sa narsing sa bansa, sabi ni Gabriela Rep. Emmi de Jesus. Iniuugat ni de Jesus ang pagdausdos na ito sa oryentasyon ng pag-aaral ng narsing sa pangingibang bansa ng mga graduwado nito at hindi sa pagtugon sa pangangailangan ng pambansang programang pangkalusugan. “Ang kalidad ng edukasyon para […]

Kalidad ng mga nars, dumadausdos. (Larawan mula sa noypi.ph)
Kalidad ng mga nars, dumadausdos. (Larawan mula sa noypi.ph)

Nakakaalarma na ang pagdausdos ng kalidad ng edukasyon sa narsing sa bansa, sabi ni Gabriela Rep. Emmi de Jesus.

Iniuugat ni de Jesus ang pagdausdos na ito sa oryentasyon ng pag-aaral ng narsing sa pangingibang bansa ng mga graduwado nito at hindi sa pagtugon sa pangangailangan ng pambansang programang pangkalusugan.

“Ang kalidad ng edukasyon para sa narsing sa Pilipinas ay patuloy na dumadausdos, habang inutil ang Commission on Higher Education (CHED) sa responsabilidad nito na magmatyag,” ani de Jesus.

Dumami ang nursing schools mula 2001 hanggang sa kasalukuyan dahil diumano sa paglobo ng pangangailangan ng nars sa ibang bansa.

Ayon sa CHED, nasa 45.91% ang average national passing percentage para sa Philippine Nurses Licensure Examination mula 2004 hanggang 2008. Nakasaad naman sa CHED Memorandum Circular No. 14, Series of 2009 na simulang 2013 ay nakatakdang i-phaseout ang mga eskuwelahang pang-narsing na nasa ibabang 30% ng naturang passing average.

Napansin ni de Jesus na marami sa mga produkto ng mga paaralan ng narsing ang hindi umaabot sa kuwalipikasyon ng isang propesyunal na nars. Sa kabila nito, inihahanda ng mga naturang paaralan ang kanilang mga estudyante na mangibang bansa para doon humanap ng trabaho.

“Dapat itaguyod ng ating pamahalaan na kauna-unaha’y dapat nagsisilbi sa pangangailangan ng serbisyong pangkalusugan sa bansa ang mga nars natin,” saad ng mambabatas.

Sa budget deliberations sa Kamara para sa CHED, iginiit ni de Jesus sa naturang ahensiya na mag-ulat tungkol sa naging performance ng mga “substandard na mga paaralan.”

Nanawagan din si de Jesus sa administrasyong Aquino at sa CHED na masegurong ang mga graduwado ng narsing ay “hindi takot na magsilbi para sa kalusugan ng ating mardyinalisadong mga pamilya.”