Gabriela nangangamba para sa dalawang detinidong ina sa Morong 43


Nababahala ang militanteng alyansang pangkababihan na Gabriela sa kawalan umano ng aksiyon ng Malakanyang sa rekomendasyon ni Sek. Leila de Lima ng Department of Justice na palayain ang 43 detinidong manggagawang pangkalusugan na tinaguriang “Morong 43.”

Nanawagan ang Gabriela na agarang palayain ang mga detinidong bagong ina na kabilang sa Morong 43. (Macky Macaspac)
Nanawagan ang Gabriela na agarang palayain ang mga detinidong bagong ina na kabilang sa Morong 43. (Macky Macaspac)

Nababahala ang militanteng alyansang pangkababihan na Gabriela sa kawalan umano ng aksiyon ng Malakanyang sa rekomendasyon ni Sek. Leila de Lima ng  Department of Justice na palayain ang 43 detinidong manggagawang pangkalusugan na tinaguriang “Morong 43.”

Binisita ng mga miyembro ng Gabriela ang dalawang detinidong bagong panganak na sina Judilyn Oliveros at Mercy Castro na naka-hospital arrest sa Philippine General Hospital. Napag-alaman nilang maaaring ibalik sa loob ng Camp Bagong Diwa sa Bicutan anumang oras.

Kung gayon, maaaring paghiwalayin ang dalawang sanggol sa kanilang mga ina. “Hanggang sa kasalukuyan, nanatili ang order ng korte na ibalik si Judilyn sa Bicutan,” pahayag ni Lana Linaban, pangkalahatang kalihim ng Gabriela.

Batay sa order ng Morong Regional Trial Court na hospital arrest kay Judilyn, na ipinalabas noong

Agosto. Tatlong buwan lang maaaring alagaan at pasusuhin ni Judilyn ang kanyang anak, taliwas sa rekomendasyon ng mga doktor na dapat ay anim na buwan ang minimum.

Ganundin, ayon sa grupo, hanggang sa kasalukuyan wala pa ring utos ang korte hinggil naman sa kalagayan ng mag-inang Mercy Castro. “Anumang oras o araw ay maaaring paghiwalayin ang dalawang mag-ina sa kanilang mga inosenteng sanggol,” ani Linaban.

Ayon pa sa mga kababaihang dumalaw sa mag-iina, maraming restriksiyon diumano ang kilos ng mag-iina.

Sinabi ni Linaban na naikuwento ng dalawang ina na kailangan pa nilang makipagtalo sa mga pulis na nagbabantay sa kanila upang payagang mapaarawan ang kanilang mga sanggol. Diumano, hindi pinapayagan si Judilyn na samahan ang kanyang anak kung ito ay babakunahan.

Hindi raw umano kasama sa patakaran ng BJMP ang pagsama ng mga ina sa anumang panig ng ospital. “Dahil sa mga restriksiyon sa mag-iina, ang PGH ay ekstensiyon ng BJMP,” pahayag ni Linaban.

Ipinunto naman ni Gabriela Women’s Party Rep. Emmi de Jesus na sa puntong ito, walang dahilan upang manatiling nakabilanggo ang “Morong 43.” Ayon kay De Jesus, matagal na silang nagsampa ng resolusyon sa Kamara upang palayain ang mga detinido lalo na ang mga kababaihang buntis.

Sina Judilyn (kaliwa) at Mercy, nang bisitahin ng mga miyembro ng Gabriela sa Philippine General Hospital noong Oktubre 26. (Kontribusyon)
Sina Judilyn (kaliwa) at Mercy, nang bisitahin ng mga miyembro ng Gabriela sa Philippine General Hospital noong Oktubre 26. (Kontribusyon)

“Hangga’t hindi nakakalaya at walang sagkang naisasabuhay ng dalawang ina ang pagpapamilya, patuloy naming ipaglalaban ang kanilang kaso,” ani De Jesus.

Drop all charges – ito ang aming kahilingan sa ngayon at kagyat na palayain ang Morong 43,” dagdag ni De Jesus.

Panawagan naman ni Nikki Luna, isang sikat na visual artist at kasama ng Gabriela na dumalaw sa mag-iina na dapt nang palayain ang mag-iina: “Kuwarenta’y singko na sila kasama ang dalawang walang kamuwang-muwang na bata at lalo na iyong mga babae, sana mabigyan na ng katarungan at palayain na sila dahil wala naman silang sala,” pahayag ni Luna.

Idinagdag pa ni Luna na dapat nang pabilisin ang anumang proseso para sa pagpapalaya sa Morong 43.

“Sana mapabilis, kung anumang proseso iyon dahil may mga bata nang involved. Para sa akin, sana unahin ang welfare ng inosenteng mga bata. Hindi naman puwedeng ihiwalay sa nanay ang mga yan,” aniya.

Ang Morong 43 ay mga manggagawang pangkalusugan mula sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas na nagsasagawa ng pagsasanay-medikal noong Pebrero 2010 nang salakayin sila, arestuhin at diumano’u tortyurin ng mga elemento ng militar. Patuloy na nakapiit ang mayorya sa Morong 43 sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City.