Safe House*
Unang tulang isinulat ni Eddie Sarmiento o Ka Edong sa loob ng piitian. Si Ka Edong, isang NDFP peace consultant ng Eastern Visayas Region, ay ilegal na hinuli ng mga elemento ng ISAFP, MIG at Southern Police District sa harap ng Star Mall sa Taguig City noong Pebrero 23, 2009.
ni Eddie Sarmiento
“Arestado ka!”, ang mabagsik na turan
Ng otoridad ng estadong marahas;
”Posasan ang kamay, piringan ang mata!”,
At sapilitang insinakay sa abuhing van.
Di naglao’y pwersahang ibinaba,
Ang abang katawa’y pinaslak kung saan;
Ang kinasadlaka’y kakaibang daigdig
Na wari’y libingan o kabaong malamig.
Malagkit ang hangin, amoy pawis at sigarilyo,
Sing itim ng uling ang kulay ng mundo;
Oras ay makupad, gabi’y walang bukas,
Tenga’y binibingi ng erpong isinalpak.
Lugmok ang katawang pagod na sa hirap,
Di pinatulog sa buong magdamag;
Ang interogasyon at mental na tortyur,
Bagabag sa isip sa lahat ng oras.
Ang anasan ng gwardiya’t mga interogador
Ay hishis ng ahas na handang tumuklaw.
Ang kanilang mga tanong: “sino, saan, paano?”
Ay letal na kamandag kung di mo masalag.
Habang may hininga diwa’y di susuko,
Sa paglaban makakamit ang paglayang tunay;
Ang mabisang agimat sa takot at hirap,
Ay pag-ibig na wagas sa uring hinamak.
Bawat impormasyong hindi ibibigay,
Ay pagkait sa kaaway sa layong magwagi;
Ito ay laban ding tagumpay na ituring,
Magdadagdag lakas sa ibayong paglaban.
Sa ”safe house” ay patay ang karapatang pantao
At sadyang pinairal ang batas barbaro,
Sa layuning impormasyo’y mapiga ng kalaban,
O kaya’y mapalambot ang iyong paninindigan.
Subalit ang bihag na may mithiing matapat
Ay tulad ng bakal sa apoy di kukupas;
Bagkus mahuhulma ang tabak at talas
Ng paghihimagsik ng pusong dinahas!
*Unang tulang isinulat ni Eddie Sarmiento o Ka Edong sa loob ng piitian. Si Ka Edong, isang NDFP peace consultant ng Eastern Visayas Region, ay ilegal na hinuli ng mga elemento ng ISAFP, MIG at Southern Police District sa harap ng Star Mall sa Taguig City noong Pebrero 23, 2009. Walang warrant of arrest na ipinakita at hindi siya binasahan ng Miranda rights.