Migrante

Annasban dapat bawalang mag-rekrut – Migrante


Dapat nang pagbawalang mag-rekrut ng migranteng Filipino ang Annasban Co., ayon sa Migrante International. Ito ang naging reaksiyon ng tagapangulo ng grupo matapos makatanggap ng balitang sisimulan na ng embahada ng Pilipinas sa Riyadh ngayong Enero 17, 2010 ang pagpapauwi sa 88 Pinay na nag-hunger strike dahil sa patuloy na paglabag sa kontrata ng Annasban […]

Dapat nang pagbawalang mag-rekrut ng migranteng Filipino ang Annasban Co., ayon sa Migrante International.

Ito ang naging reaksiyon ng tagapangulo ng grupo matapos makatanggap ng balitang sisimulan na ng embahada ng Pilipinas sa Riyadh ngayong Enero 17, 2010 ang pagpapauwi sa 88 Pinay na nag-hunger strike dahil sa patuloy na paglabag sa kontrata ng Annasban Co.

Ayon kay Martinez, ito ang kauna-unahang pagkakataon na tumugon ang gobyerno sa katulad na isyu.

Noong Oktubre 2009, tatlong magkakahiwalay na grupo ng mga OFW (overseas Filipino workers) na nagtatrabaho sa Annasban Co. ang huminto sa pagtatrabaho bilang protesta sa malubhang paglabag sa kanilang kontrata. Kabilang dito ang mas maliit na suweldo, mas mahabang oras ng paggawa, at kakulangan ng iba pang benepisyo.

“Simula noon, ikinulong na sila ng kompanya sa masikip na akomodasyon na ibinigay ng Annasban. Nagsimula ang negosasyon sa OWWA (Ovearseas Workers Welfare Adminitration) noong Nobyembre pero ngayon lamang gumawa ng hakbang ang DFA (Department of Foreign Affairs) para mapauwi ang mga OFW,” ani Martinez.

Bagamat natuwa ang mga OFW, nagpahayag din umano ng pangamba ang mga ito sa pangako ng gobyerno ng Pilipinas.

“Masaya sila nang makausap natin, pero sinabi rin nila na hindi sila titigil sa pagha-hunger strike hanggang hindi ibinabahagi ni Ambassador Villamor sa kanila ang opisyal na resulta ng pakikipag-usap sa Annasban,” sabi ni Martinez nang makausap niya sa telepono si Eppie Bellarma, tagapagsalita ng mga naturang OFW.

“Nakahanda silang ituloy ang hunger strike kapag hindi natuloy sa Enero 17, 2010 ang pagpapauwi sa kanila,” dagdag niya pa.

Sinabi pa ni Martinez na ganito rin ang saloobin ng mga pamilya ng mga OFW. “Nakahanda silang magprotesta sa harap ng DFA at kasuhan hindi lamang ang Annasban, kundi pati na rin ang mga arogante at iresponsableng opisyal ng gobyerno na sangkot sa mga ganitong kaso,” aniya pa.