Laban sa Laiban Dam
Sa harap ng Department of Environment and Natural Resources, nagpipiket ang mga katutubong Dumagat para harangan ang pagtatayo ng San Miguel Corporation sa dam na magpapalayas sa kanila.

Mahigpit ang pagbabantay ng mga katutubong Dumagat at Remontado sa harap ng tanggapan ng DENR (Department of Environment and Natural Resources) sa Quezon City. Mula sa kabundukan, bumaba sila para hilingin sa gobyerno na itigil ang pagtatayo ng Laiban Dam sa lalawigan ng Rizal.
Inaasahan kasi nilang malapit nang ibigay ng naturang ahensiya ang ECC (environmental compliance certificate) na magbibigay ng hudyat na maaari nang ipagpatuloy ang proyektong Laiban Dam.
“Wawasakin ng pagtatayo ng dam ang aming lupaing ninuno,” ayon kay Benny Pipino, 50 taong gulang, at kabilang sa mga nagpipiket. “Kung itutuloy nila ang dam, saan kami maninirahan? Saan maninirahan, mangingisda at magtatanim ang susunod naming salinlahi?”
Buhay Dumagat
Nabubuhay ang tipikal na Dumagat at Remontado (tawag sa mga anak ng purong Dumagat at ibang lahi), sa pagkakaingin at pagtatanim ng palay, mais, kamote at iba pang klase ng gulay. Nag-aalaga rin sila ng mga hayop tulad ng manok, baboy o kambing na kinokonsumo rin nila o ibinebenta sa ilang pagkakataon.
Mahirap ang buhay sa kabundukan. Ni hindi sila nakakapunta sa bayan para bumili ng mga pangangailangan sa araw-araw. Nagpapabili na lamang sila sa mga lumuluwas ng bayan para makatipid. Isang dyip lang ang bumibiyahe mula sa kabundukan papunta sa bayan, isang beses paluwas at isang beses pabalik. Sitenta pesos ang pamasahe kaya nanghihinayang sila. “Pambili na rin ng mas mahalagang gamit sa bahay,” sabi ni Mang Benny.
Mahirap pero mas gusto na nila iyon kaysa mapalayas. “Wala kaming pinag-aralan para makahanap ng ibang kabuhayan. Sa bundok, malaya kaming nakapagtatanim at nakakapangisda sa mga ilog.”
Konstruksiyon ng dam
Ayon sa website ng MWSS (Metropolitan Waterworks and Sewerage System, layunin ng proyektong Laiban Dam na punuan ang matagalang pangangailangan ng tubig ng Metro Manila sa pamamagitan ng pagtatayo ng dam gamit ang Kaliwa River Basin sa Tanay, Rizal. Tinatayang 21 kubiko metro kada segundo o 1,830 MLD (million liters per day) ng suplay ng tubig at 25 megawatts para sa paglikha ng kuryente ang maibibigay ng dam.
Iniutos ni Pangulong Arroyo na buhayin ang proyektong nagsimula pa noong panahon ng panunungkulan ni dating Pangulong Ferdinand Marcos. Tugon umano ito sa krisis sa tubig sa Metro Manila dulot ng penomenong El Nino.
Noong 1989, itinigil ang proyektong Laiban Dam para bigyang-daan ang iba pang proyekto katulad ng Angat Water Supply Optimization Project at Umiray-Angat Transbasin Project. Muling nabuhay ang proyekto sa panahon ni Pangulong Estrada at sa panahon ni Pangulong Arroyo, inaprubahan ito ng National Economic Development Authority-Investment Coordination Committee sa halagang P48 Bilyon na popondohan ng utang mula sa Tsina.
Itinuloy ng MWSS ang proyekto sa pamamagitan ng Joint Venture Agreement na binuo ng NEDA. Ang joint venture na ito ang sinunggaban ng San Miguel Bulk Water Co. Inc. ng San Miguel Corporation noong maagang bahagi ng 2009. Naghain ito ng Unsolicited Proposal na walang ibang kompanyang nagpahayag ng interes.
Reklamo ng ilang grupo, masyadong mabilis ang panahong ibinigay para magkaroon ng interes ang ibang kompanya rito. Limang araw lamang ang itinakda para rito, mula Hulyo 2 hanggang Hulyo 8, 2009.
Sa kasalukuyan, ipinoproseso na ng DENR ang bagong ECC para sa naturang proyekto.