FPIC ng mina sa Benguet, peke


Isa ang Sitio Dalicno sa mga komunidad na apektado ng 581 ektaryang sasakupin ng ekspansyon ng minahan. Bukod sa Sitio Dalicno at iba pang lugar sa Brgy. Ampucao, apektado rin ang mga barangay ng Virac at Poblacion sa bayan ng Itogon.

Hindi kinikilala ng mga katutubong Igorot ang Free, Prior and Informed Consent (FPIC) na hawak ng Itogon-Suyoc Resources, Inc. (ISRI) para sa ekspansiyon ng minahan sa Sitio Dalicno, Brgy. Ampucao sa bayan ng Itogon, Benguet.

Sa isang press conference noong Peb. 13, sinabi ng komunidad na minanipula ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) ang proseso ng FPIC sa Application for Production Sharing Agreement (APSA) 103 ng ISRI na pagmamay-ari ng Apex Mining ni Enrique Razon.

Batay sa Philippine Mining Act of 1995, ang APSA ang unang yugto ng aplikasyon upang mamina ng isang lugar. Sa ilalim naman ng Indigenous Peoples Rights Act, kinakailangan ng mga entidad na may interes sa lupain ng mga katutubo na kunin ang kanilang FPIC upang maipagpatuloy ang anumang proyekto sa mga lupang ninuno.

Nasa mandato ng NCIP ang pangasiwaan ang proseso ng FPIC sa pagitan ng mga katutubong komunidad at ng anumang entidad.

Subalit, maraming paglabag sa proseso ang naoobserbahan ng komunidad ng Dalicno. Isa na rito ang kakulangan ng impormasyon hinggil sa proyekto, mga karampatang community assemblies hinggil dito, at ang maanomalyang pagpirma sa isang memorandum of agreement (MOA) sa pagitan ng komunidad at ISRI.

Ayon sa mga miyembro ng komunidad, pinawalang-saysay ni NCIP Cordillera Regional Director Atanacio Addog ang kanilang petisyon na inihain noong Okt. 9, 2023 laban sa mga anomalyang nakita nila sa prosesong FPIC. Ani Addog, wala umanong merit ang kanilang mga alegasyon. 

“Hindi kami sumasang-ayon [sa sinabi ni Regional Director Addog], at nakaka-disappoint na binabalewala lang niya ang mga naghuhumiyaw na mga anomalya sa proseso,” ani Regina Sidor, secretary general ng Dalicno Indigenous Peoples Organization (DIPO)

Dagdag pa niya, ipinapangalandakan ni Addog na isinagawa ang proseso ng FPIC ayon sa nakasanayang pagbuo ng desisyon kasama ang mga elder o nakakatandang mga katutubo ng Itogon.

“Nakakabahala [ang mga pahayag ni Addog],” ani Sidor. “Ang Sitio Dalicno ang pinaka-apektadong lugar [sa APSA 103]. Dapat mas may bigat ang aming mga opinyon at hinaing.”

Sa mga nakaraang proseso ng FPIC, partikular sa mga kaso ng Binga Dam at Sal-angan Hydropower Project, ang kolektibong pasya ng mga katutubong elder sa Itogon ay laging nakabatay sa pagpapasya ng pinakaapektadong komunidad. 

Ngunit sa APSA 103, tanging mga “NCIP authorized” elders mula sa Itogon Indigenous Peoples Organization lamang ang hiningan ng pagtingin ng NCIP. 

Para kay Ned Tuguinay ng Cordillera Peoples Alliance, winasak na ng APSA 103 ang pagkakaisa ng mga katutubo sa Itogon. 

“Tinuturing na ng iba ang DIPO bilang isang breakaway na grupo,” ani Tuguinay. “Pero dapat kilalanin pa rin ang [pagkalehitimo] ng DIPO, at huwag sanang idaan sa mga legal jargon at iba pang gymnastics, dahil lehitimong stakeholder ang mga taga-Dalicno [sa APSA 103].”

Isa ang Sitio Dalicno sa mga komunidad na apektado ng 581 ektaryang sasakupin ng APSA 103. Bukod sa Sitio Dalicno at iba pang lugar sa Brgy. Ampucao, apektado rin ang mga barangay ng Virac at Poblacion sa Itogon.

Kilala ang Itogon, Benguet bilang isang mining town kung saan sumentro ang mga naglalakihang operasyong minahan ng Benguet Corporation at Philex Mining Corporation noong 1903 at 1955.

Napagtagumpayan ng mga mamamayan ng Itogon noong dekada ‘90 na ipahinto ang malakihang open-pit mining operation ng Benguet Corporation.

Samantala, itinuturo naman ang mga minahan ng Apex Mining na rason sa pagbaha at pagguho ng lupa sa Maco, Davao de Oro noong Peb. 9.