Migrante

Inhinyerong Pinoy nagwelga sa Saudi Arabia


Sinimulan noong Pebrero 6 ng mahigit 200 Overseas Filipino Workers (OFW), karamiha’y inhinyero, bisor, at manggagawa sa konstruksiyon, ang welga laban sa isang kompanya sa Saudi Arabia dahil sa umano’y mga paglabag sa kontrata kabilang ang di-pagbayad at delayed na suweldo, ilegal na kaltas sa suweldo, at di-pagbayad ng overtime pay. Ayon sa ulat na […]

Sinimulan noong Pebrero 6 ng mahigit 200 Overseas Filipino Workers (OFW), karamiha’y inhinyero, bisor, at manggagawa sa konstruksiyon, ang welga laban sa isang kompanya sa Saudi Arabia dahil sa umano’y mga paglabag sa kontrata kabilang ang di-pagbayad at delayed na suweldo, ilegal na kaltas sa suweldo, at di-pagbayad ng overtime pay.

Ayon sa ulat na natanggap ng Kapatiran sa Gitnang Silangan, tsaper ng Migrante International, nakawelga ang mga manggagawa ng Al Arab Contracting Company sa Riyadh, kapital ng Saudi Arabia, at mga siyudad ng Hofuf at Taif sa silangang rehiyon ng nasabing bansa.

Inirereklamo rin ng mga OFW ang kawalan ng aksiyon ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa kanilang mga kaso.

Sa sulat ng mga OFW sa KGS noong Pebrero 2, sinabi ng mga ito na hindi pa sila napapasuwelduhan simula noong Nobyembre 2009. Nagtatrabaho rin umano ang mga inhinyero ng 10 oras kada araw, pero hindi nakakatanggap ng overtime pay.

“This action is not solely for the benefit of the Filipinos but for other nationalities also that are experiencing the same problem,” ayon sa mga OFW.

Nakasaad din sa kanilang sulat na hindi umano sinusunod ng kompanya ang tamang suweldo sa ilalim ng batas ng Saudi Arabia para sa mga posisyon na Mechanical Engineer, Civil Engineer, Electrical Engineer, Procurement Engineer, Architect, Document Controller, at Secretary.

Inirereklamo rin nila ang di-ligtas na kondisyon sa paggawa at ang kawalan ng mga kagamitang pangkaligtasan (safety equipment).

“Nananawagan kami sa POLO sa Riyadh na aksiyunan ang lehitimong mga panawagan ng mga manggagawang ito at katawanin ang ating mga OFW sa pakikipag-usap sa kanilang employer,” sabi naman ni John Leonard Monterona, coordinator ng Migrante-Middle East.

Dagdag pa ni Monterano, ipinapakita ng welga ang umano’y “desperasyon” ng mga OFW na inaabuso at hindi nakakatanggap ng karampatang proteksiyon mula sa gobyerno.