Mga Larawan: Pagtatanghal ng Mrs. B


Samu’t saring emosyon ng isang inang naghahanap, sa monologo na batay sa buhay ni Edita Burgos at dinukot na anak na si Jonas

Pagtatanghal ng Mrs. B noong Pebrero 12, tampok si Bibeth Orteza bilang Edita Burgos. (King Catoy)
Pagtatanghal ng Mrs. B noong Pebrero 12, tampok si Bibeth Orteza bilang Edita Burgos. (King Catoy)

Tatlong taon na ang nakakaraan mula nang dukutin noong Abril 27, 2007 ang lider-magsasaka at aktibistang si Jonas Burgos, anak ng yumaong peryodistang si Joe Burgos at kanyang asawang si Edita. Simula noon, naging pursigido si Edita, o nakilala bilang “Mrs. B,” sa paghahanap ng kanyang anak.

Hanggang walang hustisya para kay Jonas, at iba pang mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng gobyernong Arroyo, isinumpa ni Edita na ipagpapatuloy ang paghahanap at ang laban. Kamakailan, muling dinala ng mga grupong pangkarapatang pantao ang labang ito sa entablado, sa pagtatanghal ng monologong pinamagatang Mrs. B.

Kinatampukan ang re-staging ng Mrs. B ng mga beteranong aktres na sina Gina Alajar at Bibeth Orteza bilang si Edita. Noong Abril 2008 unang itinanghal ang monologo, na kinatampukan naman noon ni Pinky Amador.

Ang monologo ay kinonsepto at dinirehe ni Soc Jose, at nasa panulat nina Joi Barrios at Rowena Festin at Grundy Constantino ng Concerned Artists of the Philippines (CAP). Prodyuser ng monologo si Bienvenido Lumbera, National Artist for Literature.

Handog ng Free Jonas Burgos Movement, Desaparecidos, at CAP, pinalabas noong Pebrero 5, 6, 12 at 13 ang Mrs. B sa Bantayog ng mga Bayani Auditorium sa Quezon City. Inilalathala ng Pinoy Weekly ang ilan sa mga larawan mula monologo.