Taktikang psywar ng gobyerno, ginagawang imposible ang usapang pangkapayapaan – NDFP
“Ginagawang imposible” ng gobyernong Arroyo ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng Government of the Republic of the Philippines at National Democratic Front of the Philippines, ayon sa pahayag ni Fidel Agcaoili, tagapangulo ng Human Rights Committee ng NDFP. Isiniwalat ng NDFP ang pagiging aktibo ng Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP) […]
“Ginagawang imposible” ng gobyernong Arroyo ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng Government of the Republic of the Philippines at National Democratic Front of the Philippines, ayon sa pahayag ni Fidel Agcaoili, tagapangulo ng Human Rights Committee ng NDFP.
Isiniwalat ng NDFP ang pagiging aktibo ng Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP) at Armed Forces of the Philippines Civil Relations Office (AFPCRS) sa paglalabas ng mga press release hinggil sa mga “tagumpay” ng Oplan Bantay Laya, programang kontra-insurhensiya ng gobyernong Arroyo.
Ipinagmamalaki umano ng OPAPP, sa pamamagitan ng tagapangulo nitong si Annabelle Abaya, ang mga “pseudo-peace talks” sa mga komunidad na bahagi ng Social Integration Program (SIP).
Samantala, patuloy namang naglalabas ng pahayag si Norberto Gonzales ng AFPCRS at kalihim ng Department of National Defense, hinggil sa umano’y “hidwaan” sa loob ng rebolusyonaryong kilusan.
Kamakailan, inihayag ni Gonzales na hindi na interesado ang GRP sa usapang pangkapayapaan dahil umano’y “wala na sa kontrol” ni Jose Ma. Sison ang Communist Party of the Philippines (CPP). Agad namang inilinaw ng NDFP na nananatiling punong pampulitikang konsultant ng NDFP si Sison, at umaani ng tiwala ng CPP.
“This tandem (OPPAP at AFPCRS) seeks to cover up the Arroyo regime’s continuing violations of human rights and international humanitarian law in its dirty war against the revolutionary movement and the Filipino people,” sabi ni Agcaoili.
Ayon sa NDFP, ang SIP ay walang pinagkaiba sa mga luma nang programa ng “amnestiya at rehabilitasyon” ng nagdaang mga rehimen. Sa isa umanong press release ng OPAPP, ito na mismo ang umamin na sa 2,506 “benepisyaryo” ng programa simula nang maitatag ito noong Hunyo 2008, 1,466 ang mula sa nakaraan pang mga rehimen na hindi nagbigyan ng ipinangako sa kanilang pera ng gobyerno.
“The same thing is happening now – the SIP is lining up the pockets of the military field officers of the Arroyo regime to buy off their loyalty with monies for fake surrenderees,” sabi ni Agcaoili.
Samantala, gaya umano noong 2005, ipinapakalat ng AFPCRS ang maling impormasyon hinggil sa rebolusyonaryong kilusan para pagtakpan ang pagtaas ng bilang ng mga ekstrahudisyal na pamamaslang at iba pang mga paglabag sa karapatang pantao.
Tinukoy ni Agcaoili ang pagtortyur at patuloy na pagdetine sa 43 propesyunal pangkalusugan at health workers na inaresto sa Morong, Rizal bilang pinakahuling tampok na kaso ng paglabag sa karapatang pantao.
Ayon sa NDFP, malinaw na “hindi interesado” ang gobyernong Arroyo sa usapang pangkapayapaan na tutugon sa mga ugat ng armadong tunggalian at magdudulot ng mga repormang sosyal, pang-ekonomiya, at pampulitika sa bansa.
“It makes the intensification of the national democratic revolution through protracted people’s war justified and necessary,” pagtatapos ni Agcaoili.