Peace talks sa NDF, barado dahil sa ‘terminasyon’ ng GPH sa Jasig


Malaking balakid sa usapang pangkapayapaan sa pagitan ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at Government of the Philippines (GPH) dahil sa pahayag ni Atty . Alex Padilla, punong negosyador ng GPH, na wala nang bisa (inoperative) ang Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (Jasig), kasunduan na pinirmahan ng magkabilang panig noong Abril 1995 […]

Punong negosyador ng NDFP na si Luis Jalandoni, sa isang porum sa Davao City kamakailan (Karlos Manlupig)

Malaking balakid sa usapang pangkapayapaan sa pagitan ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at Government of the Philippines (GPH) dahil sa pahayag ni Atty . Alex Padilla, punong negosyador ng GPH, na wala nang bisa (inoperative) ang Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (Jasig), kasunduan na pinirmahan ng magkabilang panig noong Abril 1995 na nagbibigay ng proteksiyon sa mga kalahok sa usapang pangkapayapaan.

Pahayag ni Fidel Agcaoili, tagapagsalita ng NDFP Negotiating Panel, “It is becoming clear that the Aquino regime lacks the political will to continue with the peace negotiations. The regime does not have the integrity and word of honor to comply with signed agreements.”

Ayon pa kay Agcaoili, “The Aquino regime has practically terminated the Jasig by declaring it ‘inoperative’, thereby putting at risk the lives of all those protected by the Jasig, including those from both sides who are publicly known to be involved in the peace negotiations, from the armed agents and/or unscrupulous elements in the GPH.”

Hinahadlangan ang ikalawang round

Sinabi ni Agcaoili na inihayag na ni Luis Jalandoni, tagapangulo ng negotiating panel ng NDFP, na nais ng NDFP na magkaroon ng pangalawang round ng pormal na usapang pangkapayapaan sa Oslo mula Setyembre 12 hanggang 24. Pero patuloy umano itong hinahadlangan ng gobyernong Aquino.

Ito ay manipestasyon ng pagiging “sunud-sunuran” ni Aquino sa Estados Unidos, na nais na patuloy na ipatupad ang programang kontra-insurhensiyang Oplan Bayanihan. “The Aquino regime has no use for the peace negotiations except for psywar for a while but to scuttle these ultimately in order to further escalate military campaigns of suppression and the most brazen human rights violations against the people,” ani Agcaoili.

Balakid rin ang terminasyon ng Jasig sa kagyat na paglaya ng mga bilanggong pulitikal, ayon naman sa grupong Selda ( Samahan ng mga Ex-detainees Laban sa Detensiyon at Aresto).

“Masugid naming binabantayan ang anumang resulta ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng NDF at GPH, dahil alam namin na isa sa adyenda ng usapan ang isyu ng mga bilanggong pulitikal.  Maaantala ang usapang pangkapayapaang sa deklarasyong wala nang silbi ang Jasig,” dismayadong pahayag ni Angie Ipong, pangkalahatang kalihim ng Selda.

Sinabi pa ni Ipong na nagbibigay ng hudyat ang pagpapawalang-bisa ng Jasig sa patuloy na pagbilanggo at paglabag sa karapatan ng mga bilanggong pulitikal, gayundin ang pag-aresto sa mga taong maaaring may kaugnayan sa negosasyon.

Mayroong 17 Jasig holders ang nasa piitan pa rin, ayon sa Selda. Dapat umano silang palayain sa ilalim ng Jasig at sa kasunduan ng magkabilang panig sa pormal na usapang pangkapayapaan nito lamang Pebrero.

Paliwanag ni Padilla

Paliwanag naman ni Padilla, hindi niya winakasan ang usapang pangkapayapaan.  Nabigo lamang daw ang magkabilang panig na iberipika ang katauhan ng mga taong gumagamit ng alyas na nasa listahan ng NDFP na diumano’y may proteksiyon ng Jasig. “With no verification, there can be no Jasig protection,” aniya.

Ayon kay Padilla, mayroon pa ring bisa ang Jasig para sa mga taong ang totoong pangalan ang nakalista.

Ngunit iginiit rin ng NDFP na kailangang ipatupad ang pinirmahang kasunduan ng magkabilang panig. “Compliance with signed agreements is an absolute requirement in any  peace negotiations. It puts the sincerity of the parties to the test,” ani Agcaoili.

Ayon naman kay Ipong, ang deklarasyon ni Padilla ay nagpapakita na umiiwas ang gobyernong Aquino na palayain ang mga bilanggong pulitikal.  Nanawagan ang Selda ng general, unconditional at omnibus na paglaya ng mahigit 300 na bilanggong pulitikal, kasama na ang mga konsultant ng NDFP na mayroong Jasig.

Sa mga bilanggong pulitikal, 11 ang maysakit ay  matatanda na, 28 ang nakakaranas ng iba’t ibang karamdaman, at 27 ang kababaihan.