Nasaan Si Svetlana Taraskova?
Bagong tula mula sa manunulat na si Rogelio L. Ordoñez
Wala na ang Russian Tea House
sa gilid ng Glendale Galleria
wala na ang halimuyak
ng mainit na tsaang vanilla
wala na ang mesita
kung saan isinusulat ang mga linya
ng pangungulila at pakikibaka
wala na ang siniserang himlayan
ng naupos kong mga sigarilyo
wala na ang malaking kuwadro
ng ipinintang eksena
ng Rebolusyong Bolshevik sa Rusya
wala na ang kalantog ng kopita ng vodka
nasaan na kaya si Svetlana Taraskova?
nasaan na kaya ang malalim
niyang mga mata
na nilalanguyan ng matulaing mga alaala
ng parang bulak na dagat ng niyebe
sa mga lansangan ng Moscow
kung saan pinagulong na parang piso
ang pinutol na ulo ng kanyang Lolo
ng berdugong sundalo ng mga Romanov
sa paglalagablab ng apoy ng paglaya
sa maunos at kumikidlat na panahon
ng mga Tsar Nicholas at Tsarina Alexandra?
Wala na ang Russian Tea House
sa gilid ng Glendale Galleria
pero naroroon pa rin
ang tindahan ng mga traje de boda
isa kaya sa mga iyon
ang isinuot na ni Svetlana Taraskova?
o nagbalik siya sa Rusya
dahil ayaw palamon sa bituka ng Amerika?
di gaya ng maraming Juan at Juana
na kulturang Amerikano na
at waring di na maalaala
ang kabundukan ng Cordillera
ang kabukiran ng Bulakan at Nueva Ecija
ang karagatan ng Batanes at Sulu
at lalong banyaga sa alaala
ang mga Andres Bonifacio
ang mga Lorena Barros o Tanya Domingo
o iba pang buhay ay inialay
para sariling bansa’y magbanyuhay
at maghari ang demokrasyang tunay
at lantay na hustisya sosyal.
Wala na ang Russian Tea House
sa gilid ng Glendale Galleria
nasaan na si Svetlana Taraskova?
Sa maraming umagang sinasamyo ko
ang halimuyak ng tsaang vanilla
ilang ulit kong narinig sa kanya
ang maalab na pagmamahal
at pangungulila sa bansang himlayan
ng sanlaksang alaala
pinalangoy niya rin sa aking tsaa
sa loob ng maraming mahalumigmig na umaga
sina Vladimir Ilyich Ulyanov o Lenin
at ibang nakaukit na bayani
ng Rebolusyong Bolshevik ng Rusya
isinaysay ang mga buhay at obra
ng dakilang mga manunulat
ng lupang sinilangan
ang mga Tolstoi at Gorky at Dostoevsky
at mga Chekov at Pasternak at Turgenev
di gaya ng mga Juan at Juana doon
na walang kilala kundi sina Cristeta
at mga sikat na artista sa pelikula
gayundin ang mga nabuntis na
o tinorotot ng asawa.
Nasaan na si Svetlana Taraskova?
kapiling kaya siya ng mga Pancho Villa at Emiliano Zapata
o katalik nina Simon Bolivar at Che Guevara?
o kasamang naglalakbay nina Goyo del Pilar at Jacinto
o nakikipagpiging kina Ho Chi Minh at Mao?
Wala na ang Russian Tea House
sa gilid ng Glendale Galleria
pero naroroon pa rin ang tindahan
ng mga traje de boda
dumadaluhong sa gunita si La Gloria
at malinaw kong nakita sa balintataw
naghihimagsik ang mukha ni Svetlana Taraskova
nasaan na nga ba siya?