Uncategorized

Jeffrey Jeturian, patuloy na ipaglalaban ang karapatan laban sa MTRCB sa Pag-i-X sa kanyang pelikula


Hindi titigil si Jeffrey Jeturian sa kanyang paglaban sa paninikil ng Movie and Television Review and Classification Board kaugnay sa pagkaka-X ng kanyang pelikulang “Ganito Tayo Ngayon, Paano Kaya Bukas?” na bahagi ng omnibus documentary film ng ABS-CBN News Channel na “AmBisyon.” Kahit na anya hindi siya militante na tulad ni Lino Brocka ay naipapahayag […]

Hindi titigil si Jeffrey Jeturian sa kanyang paglaban sa paninikil ng Movie and Television Review and Classification Board kaugnay sa pagkaka-X ng kanyang pelikulang “Ganito Tayo Ngayon, Paano Kaya Bukas?” na bahagi ng omnibus documentary film ng ABS-CBN News Channel na “AmBisyon.”

Kahit na anya hindi siya militante na tulad ni Lino Brocka ay naipapahayag niya ang kanyang mga karapatan sa pagiging alagad ng sining sa pamamagitan ng kanyang mga pulitikal na pananaw sa buhay.

Matatandaan na kahit na nagtapos pa sa University of the Philippines si Jeffrey ay hindi siya aktibo sa mga kilos protesta hindi tulad ng ginawa ni Lino noon.

Para kay Jeturian, hindi niya mahihigitan si Brocka.

“Lino Brocka is a tough act,” pahayag ni Jeffrey sa isang eksklusibong panayam.

Hindi man anya siya militante ay pinipilit niyang maging makabuluhan sa lipunang ito sa pamamagitan ng pagtalakay sa mahahalagang isyu sa buhay ng sambayanan.

***

Kung ang “Ayos Ka” ni Brillante Mendoza, isa ring kaibigang matalik ni Jeturian, ay binigyan din ng klasipikasyong X ng MTRCB, binawi naman ito ng ahensiya pagkatapos ng tatlong araw na pagkakapataw dito ng sensura.

Pero nakikiayon pa rin si Brillante sa mga hakbang na pakikipaglaban ni JJ, palayaw ni Jeffrey, sa mapaniil na sistema.

Tulad ni Jeturian ay nakikilahok din sa mga balitaktakang pambansa si Mendoza bagamat hindi rin ito militante.

Pansariling paraan ng pakikibaka ang estilo ng dalawang filmmaker na parehong sabay nagsimula sa showbiz sa pagiging art director at production designer ng iba’t ibang pelikula sa larangan noong 1980s.

Kaya nga pinababayaan na lang nina JJ at Dante Mendoza na ilarawan sila ng kung anumang klase ng nakikibaka ng media bastat malinaw sa kanila na nais nilang tumulong sa ikagaganda ng buhay sa Pilipinas sa pamamagitan ng pelikula at telebisyon.

***

Ang obra ni Jeffrey ay tumatalakay sa ekonomiya ng Pilipinas sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

Nagkaideya si Jeturian na talakayin ang mga kabalintunaaang resulta ng ekonomiya ng Pilipinas nang papiliin siya ng ANC kung anong paksa ang kanyang palalawigin sa pelikula.

“Nagbabasa ako no’n ng diyaryo, nakita ko ‘yong government ad ng economic gains daw ng gobyerno. Para sa akin, maganda ang temang ‘yon kaya naman ‘yon ang napili ko.

“Kasi, masyadong false claims ‘yon ng gobyerno. Enough is enough. Hindi totoo ‘yon. Kabaligtaran ang kanilang claims sa tunay na nangyayari sa atin.

“Nang sabihin sa akin ng ANC na ngayong taon na ito ipapalabas, namili agad ako last year ng topic at economy ang napili ko. Kasi, ang lahat ng bagay ay connected sa economy kaya magandang talakayin,” pagbabalik-tanaw ng mahusay na direktor.

***

Sa oras na napagdesisyunan ni JJ na ekonomiya ang kanyang talakayin, kinausap agad niya si Rody Vera bilang scriptwriter.

Alam naman naming kilala ninyo si Rody Vera.

Si Rody Verang gumanap na isa sa mga nasa piketlayn sa klasiko nang “Sister Stella L.” ng Regal Films kung saan kasama niya sa mga eksena sina Anita Linda at Tony Santos, Sr.

Si Rody Vera na isang residenteng kasapi ng Philippine Educational Theater Association o PETA.

Si Rody Vera na nagsusulat ng mga dula at umaarte rin sa tanghalan at dulaan.

Si Rody Vera na kasali sa VirginLabfest ng Cultural Center of the Philippines.

Ngayon ay ang pelikula naman ni Jeffrey ang kanyang nilikha.

Sa totoo lang, sikat na sikat si Vera bagamat kulang siya sa publisidad. Sa loob ng larangan ay maraming nagmamahal at bilib sa kanya kaya naman marami siyang trabaho.

Nagampanan naman ni Rody ang kanyang papel na mandudulang pampelikula sa obra ni Jeturian.

Maaari ring tawaging pelikula ang “Ganito Kami Ngayon, Paano Tayo Bukas?” ni Jeffrey dahil pelikula rin ito bagamat nakamulatan natin na ang pelikula ay mga sikat ang artista, popular, madrama o maaksyon, pelikula rin ang social commentary at documentary film ni Jeturian.

Shorts ang tawag sa pormang ito na ipapalabas ng ANC, sa telebisyon at cable.

***

Sinabi ni Jeffrey na isang pedestrian o pangkaraniwang tao ang kanyang bida sa pelikula na may habang dalawampung minuto.

Bumili ani JJ ng diyaryong may government ad ang ordinaryong taong naglalakad at pagkuwan ay sumakay ito sa isang sasakyan sa siyudad  pero natambad sa kanya ang kahirapan ng lunsod.

Nasa kanyang harapan ang pahayagang nagsasabing umunlad na ang pang-ekonomikong buhay ng mga Filipino pero heto ang mga patunay na mahirap ma mahirap, naghihikahos pa rin ang sambayanan sa likod ng pahayag ng pamahalaan na umusad na ang ating ekonomiya.

Ang pedestrian ay may mga nakitang pulubi, mahihirap, mga kasamaan nang dahil sa kahirapan at iba pang krimen at masamang tanawin na hatid ng paghihikahos kaya naman nagulat at hindi makapaniwala ang pedestrian.

Pagbaba niya ay nakaapak naman siya ng tae kaya ang ipinagpunas niya sa dumi ay ang pahinang naglalaman ng huwad na pag-angkin ng pamahalaan sa kaunlaran sa Pilipinas.

***

Ayon kay Ma. Consoliza Laguardia, hepe ng MTRCB, malisyoso at minamaliit ng pelikula ang kakayahan at kapakanan ng publiko at pamahalaan kaya binigyan ito ng X.

Pero sinabi naman ni Jeffrey na ito ang kanyang paniniwala at paninindigan niya ang kanyang likhang-sining.

“I will stand by my decision. Ito ang aking stand sa mga nangyayari kaya ipaglalaban ko ang aking pelikula,” determinadong pahayag ni JJ.

“Maraming kasinungalingan ang gobyerno na dapat ilantad,” matapang na wika ni Jeffrey.

Kaya kahit na hindi siya mag-rally sa kalsada ay nasa kanya ang pakikibaka at paghahamon sa mga mapang-api at nagtatago ng katotohanan sa madla.

***

Idinugtong ni Jeturian na ano ang masama sa kanyang ginawa na ipinampunas ng pedestrian ng tae ang kanyang binabasang pahina na may nakalimbag na economic gains ng Pilipinas.

Natatawa siya sa paratang na siya ay malisyoso at nangmamaliit ng kakayahan ng pamahalaan.

Kaya naman gagawa siya ng paraan para lalo pang maipahatid sa mga tagapanood ang katotohanan sa gobyerno ni Arroyo.

Kahit na anya siya ay hindi militante ay masigasig naman siyang makikibaka sa lahat ng mga mapaniil.

***

Ngayong Lunes, ikapito ng gabi, sa Cultural Center of the Philippines ay itatanghal ang “AmBisyon” ng ANC.

Tiyak na dito huhusgahan ang tunay na kulay ng obra ni Jeturian dahil matatambad na sa mga manonood at kritiko ang tunay niyang intensyon at motibasyon sa paggawa ng pelikulang ito.

Pagkakasyahin ng lahat ang hatol sa pelikula at sa MTRCB.