Uncategorized

Pampamulat sa showbiz ang “AmBisyon 2010” nina Jeffrey Jeturian, Brillante Mendoza at iba para sa ABS-CBN News Channel


Hindi lang sa showbiz nakakapagpamulat ang espesyal na dokyumentaryong likha ng dalawampung kabataang filmmaker na lumahok sa “AmBisyon 2010” ng ABS-CBN News Channel para sa ABS-CBN. Ang mahusay na manunulat na si Patricia Evangelista ang prodyuser ng pelikula para sa ANC. Sa paglulunsad ng proyekto sa Dream Theater ng Cultural Center of the Philippines kamakailan, […]

Jeffrey Jeturian
Jeffrey Jeturian

Hindi lang sa showbiz nakakapagpamulat ang espesyal na dokyumentaryong likha ng dalawampung kabataang filmmaker na lumahok sa “AmBisyon 2010” ng ABS-CBN News Channel para sa ABS-CBN.

Ang mahusay na manunulat na si Patricia Evangelista ang prodyuser ng pelikula para sa ANC.

Sa paglulunsad ng proyekto sa Dream Theater ng Cultural Center of the Philippines kamakailan, si Patricia rin ang isa sa mga guro ng palatuntunan katambal si Tony Velasquez.

Siyempre, dumalo ang pinuno ng ANC na si Glenda Gloria at ang ulo ng ABS-CBN News and Current Affairs na si Maria Ressa.

Pagdiriwang ito sa lahat ng mga independent o indie filmmaker na siyang nagbibigay ng gulugod at bisyon sa showbiz ngayon katuwang ang marami pang mga direktor sa larangan dahil sila ang naghahatid ng mga panooring sa publiko na nagbibigay ng liwanag at emosyon sa mga manonood.

***

Hindi nawala sa programa ng paglulunsad ang mga pangunahing tagalikha ng mga pelikula ngayon na sina Jeffrey Jeturian at Brillante Mendoza.

Sila ang dalawang napag-initan ng Movie and Television Review and Classification Board sa paglikha nila ng mga bisyon para sa taumbayan.

Noong una ay pareho silang nagkamit ng ekis o X mula sa MTRCB bilang gawad sa kanilang mapangahas na pagpalaot sa mga paksang hindi tumutugma sa mga adhikain at simulain ng pamahalaan na ang kapakanang pansarili ng mga nakaluklok ang pinag-aaksayahan ng panahon.

“Ganito Tayo Ngayon, Paano Tayo Bukas?” ang obra ni Jeffrey samantalang “Ayos Ka” ang likhang-sining ni Brillante.

Ang una ay tungkol sa kabulastugan ng mga pang-ekonomikong pagtaas ng kabuhayan ng Pilipinas sa administrasyon ni Gloria Macapagal-Arroyo samantalang naghuhumiyaw ang mararahas at masasakit na katotohanan na nagdarahop ang Pilipinas.

Ang ikalawa ay tungkol sa kabalintunaan na ipinamamalas ng biswal na paglalakbay ng kamera ni Brillante sa kahirapan ng bansa subalit ang mga titik ng awiting rap ay kabaligtaran ng nasasaksihan ng balana.

Sinasabi ng awit na maganda ang Pilipinas, walang problema at masinop pamuhayan pero sa bidyo at mga larawang imahe ay nagnanaknak sa kawalang pag-asa at karukhaan ang kapaligiran.

***

Ayon sa peryodistang pampelikula na si Dennis Adobas, nagbigay ang ANC ng halagang P300,000.00 sa bawat filmmaker para maisatinig ang kani-kanilang bisyon sa lipunang Filipino sa pamamagitan ng kani-kanilang napiling paksang tatalakayin mula sa hanay ng populasyon, ekonomiya, karapatang pantao at katarungan, kalikasan, edukasyon at iba pang napapanahong tema.

Kaya nga ba’t nagsasaya ang mga dakilang filmmaker na ito.

Bukod sa naibigay sa kanila ang laya na maghain ng kanilang kaisipan damdamin sa publiko ay nasunod pa ang pinansiyal na pagkalinga sa paggawa ng pelikula sa showbiz.

Halos kumpleto silang lahat sa gabi ng paglulunsad.

Si Kiri Dalena ay talagang bumabangga sa sistema at tradisyon ng pananamit nang kanyang isuot ang kanyang kimona o tabas terno sa pang-itaas na bahagi ng kanyang baro at naka-jeans naman siyang itim sa kanyang pang-ibabang kasuotan.

“Requiem for M” ang titulo ng obra ni Kiri na tumatalakay sa pagpatay nang maramihan sa Maguindanao.

Napansin nga ni Dennis ang suot ni Kiri at nang lumapit sa may amin ang alagad ng sining, inayos pang mabuti ni Adobas ang manggas ng damit ni Dalena.

Suportado si Kiri ng kanyang mga kasamahan sa showbiz at ng kanyang pamilya.

***

Samantala, kahit magkahiwalay ang opisyal na lahok ay magkapareho ang pamagat ng pelikula ng tambalan dati sa pelikula na sina Paolo Villaluna at Ellen Ramos.

Sa pagkakataong ito, magkahiwalay ang kanilang trabaho pero iisa ang titulo—“Wasteland.”

Ang “Wasteland” ni Paolo ay tungkol sa baha-bahaging kasaysayan ng Pilipinas at kung paano ang bawat yugto ay nagdudulot ng pasakit sa mga Filipino na hindi masyadong naiintindihan ang kahulugan ng bawat kabanata ng historya ng bayan.

Ang “Wasteland” naman ni Ellen ay animasyon tungkol sa edukasyon.

Samantalang gumamit si Villaluna ng mga artistang tulad nina Snooky Serna, Gerald Madrid at iba pang mga ordinaryong artista pero taga-showbiz ding mga tauha, siyempre’y karton lang ang kay Ramos pero kapwa mga epektibong behikulo sa pagmumulat sa mga katotohanan ng buhay sa lipunang ito.

Payat ngayon si Paolo.

Marahil ay sa dami ng trabaho.

***

Napili naman ni Emmanuel de la Cruz na gawing mga pangunahing tauhan ang mga laruan bilang mga artista sa pelikula na nagpapahayag ng karahasan sa Maguindanao sa pananaw ng mga paslit na naglalaro ng mga trak-trakan, backhoe, jeep-jeepan, Supermang laruan at ibang pambatang gimik sa pelikulang “Laruan.”

Ang kay Raymond Red ay ang “Pusila” na talagang nagpapakita ng pag-aagawan sa kapangyarihan ng mga Filipino nang dahil sa pera kahit na mapatay sa mga tauhan ng paghahangad ng kapayapaan.

Samantala, ang sa kapatid ni Raymond na si Jon Red ay ang pagpapakita ng pagproteksyon ng isang inaapi sa isang nang-aapi pero sa katuusan ay siya rin ang nang-aapi.

Aba’t sina Pam Miras, Aissa Peñafiel, Sunshine Matutina ay nagpahayag din ng kanilang mga pagtingin sa mga bagay-bagay sa mundong ito ng showbiz na showbiz na Pilipinas.

Showbiz na showbiz dahil malalim, malawak, matunggali, makulay, madrama, madula, masalimuot at iba pang mga katangian ng isang buhay na may kontradiksyon at mga tunggalian tungo sa isang maganda at mapayapang buhay pero makakamtan lang sa pagpupunyagi at pakikibaka.

***

Nakakaantig ng damdamin at isip ang “Faculty” ni Jerrald Tarog dahil sa malinaw na tunggalian ng mga paniniwalang pulitikal, sosyal, kultural at iba pang mga pagganap sa buhay na ito na nagbibigay ng mas makahulugang pagtanaw sa mga uri ng tao sa lipunan at kung paano ang istratipikasyon ay nakapagpapaigting ng proseso ng kasaysayan sa bawat nilalang anuman ang propesyon na sinisimbolo ng mga guro sa paaralan lalo na sa mga mauring eskuwelahan.

Si Erik Matti, may entry rin at nakakapagpamulat din ng buhay ng showbiz at ang kanyang pakikipag-ulayaw sa mundong ito na kahit nasa labas ka ng showbiz ay nasa loob ka rin.

Si John Torres ay maganda rin ang likhang sining gayundin ang nakakabighaning gawa ni Henry Grafas o mukhang nakalimutan na namin ang baybay ng kanyang pangalan pero ang kanyang paksa ay tungkol sa pagbebenta ng isang ahente ng punerarya sa serbisyong libing ng kanyang kumpanya at dahil sa kanyang katapatan ay wala siyang nakuhang benta kundi nang siya ay mamatay na lang.

***

Bastat napapanahon ang “AmBisyon 2010” dahil pati si Conrado de Quiros ay pinatulan ang panonood nito kasabay ang iba pang peryodista tulad nina Iskho Lopez, Kristine Servando at marami pang iba.

Ayon kay Jeturian, nagpapasalamat siya sa ANC dahil nabigyan siya ng pagkakataon na maipakita ang kanyang mga ideya sa “real sorry state of the country today.”