Militar nahuling nangangampanya vs progresibong party-list
Davao City–Nahuli ng mga miyembro ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) ang 69th Infantry Batallion na nangangampanya laban sa progresibong mga party-list sa loob ng Philippine College of Technology noong Abril 6. Nasaksihan mismo ni John Birondo, tagapagsalita ng Bayan-Southern Mindanao Region, ang porum kung saan isang sundalong may apelyidong Santiago ang nanghimok sa mga estudyante […]

Davao City–Nahuli ng mga miyembro ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) ang 69th Infantry Batallion na nangangampanya laban sa progresibong mga party-list sa loob ng Philippine College of Technology noong Abril 6.
Nasaksihan mismo ni John Birondo, tagapagsalita ng Bayan-Southern Mindanao Region, ang porum kung saan isang sundalong may apelyidong Santiago ang nanghimok sa mga estudyante ng PCT na huwag iboto sa darating na halalan ang progresibong mga party-list gaya ng Bayan Muna, Gabriela Women’s Party, Kabataan, at Anakpawis, na diumano’y mga “prenteng komunista.”
Inakusahan din umano ng sundalo ang mga party-list na kinukurakot ang Priority Development Assistance Fund o pork barrel nito.
“Tahasang paglabag ito sa Omnibus Election Code, na pinagbabawalan ang mga sundalo na makilahok sa partisanong pamumulitika at pangangampanya,” sabi ni Birondo.
Hinikayat ni Birondo ang mga mamamayan ng Davao City na isadokumento ang kaparehang mga insidente, at nanawagan sa liderato ng Armed Forces of the Philippines na idisiplina ang kanilang mga hanay.
Pinabulaanan naman ni Ariel Casilao, regional coordinator ng Bayan Muna sa rehiyon at tumatakbo bilang konsehal sa District 2, ang alegasyong kinukurakot ng party-list ang pork barrel nito.
“Alam ng lahat na itinigil ng Malakanyang ang pagbibigay ng referral mula sa progresibong mga party-list para sa mga proyektong pang-edukasyon, medikal, at imprastruktura, simula nang pangunahan namin ang impeachment laban kay Pangulong Arroyo,” sabi ni Casilao.
Dagdag niya, “Sa kabila ng panggigipit na ito, patuloy na lumawak at lumakas ang prorgresibong mga party-list, at nagbigay ng sapat na serbisyo sa mga mamamayan sa pamamagitan ng aming kasigasigan at prinsipyadong pakikipag-alyansa sa iba’t ibang grupong pampulitika sa nakaraang limang taon.”
Sa pinakahuling sarbey ng Pulse Asia, nangunguna ang progresibong mga party-list na Gabriela (7.81 porsiyento ng boto para sa party-list), Bayan Muna (7.25 porsiyento), at Anakpawis (3.91 porsiyento). Sinasabing makakapagpaupo ang mga ito ng tatlong kinatawan sa Kongreso, ang maksimum para sa isang party-list.
Samantala, nanawagan si Liza Maza, kinatawan ng Gabriela at tumatakbong senador, sa Commission on Elections na imbestigahan ang pangyayari.
Ayon sa Seksyon 261 ng Omnibus Election Code, lumalabag sa batas ang sinumang miyembro ng AFP na direkta o di-direktang nakikisangkot sa pangangampanya (“directly or indirectly, intervenes in any election campaign or engages in any partisan political activity, except to vote or to preserve public order, if he is a peace officer”).
“Ang malisyosong pag-uunay ng progresibong mga party-list sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army ay isang lumang isyu na hindi pa napapatunayan ng mga nais sumira sa kredibilidad ng mga indibidwal at grupong tunay na naglilingkod sa bayan,” sabi pa ni Maza.
Ipinunto rin ng kandidato sa pagkasenador na pabor ang Gabriela at iba pang progresibong party-list sa abolisyon ng pork barrel.