Istorya ng Linggo

Sundalong ‘kampanyador’ sa Kamaynilaan


Labag sa Konstitusyon ang pakikisangkot sa partisan politics ng Armed Forces of the Philippines. Pero sumusuot ang mga sundalo sa mga komunidad para magkampanya laban sa progresibong mga party-list at kandidato sa pagkasenador na sina Liza Maza at Satur Ocampo.

Mga miyembro ng 73rd Squad ng Philippine Air Force na naka-base sa isang barangay hall sa Valenzuela City ang umanoy nanghaharas sa mga miyembro ng Anakpawis Party-list (Contributed Photo)
Mga miyembro ng 73rd Squad ng Philippine Air Force na naka-base sa isang barangay hall sa Valenzuela City ang umano'y nanghaharas sa mga miyembro ng Anakpawis Party-list (Contributed Photo)

Bulalas ng kauupo pa lamang na chief of staff ng Armed Forces of the Philippines (AFP), hindi kailanman magagamit ang militar sa pagsusulong ng interes ninuman sa nalalapit na halalan.

“Sa diyos lamang ako magpapagamit,” madamdamin pang sagot ni Lt. Gen. Delfin Bangit sa mga hinalang itinalaga siyang bagong hepe ng AFP para sa balak ni Pangulong Arroyo na makapanatili sa puwesto nang lampas sa kanyang termino. Kilala si Bangit bilang “loyalista” ni Arroyo, at bahagi ng Class ’78 ng Philippine Military Academy kung saan honorary member ang pangulo.

Pero ngayon pa lamang, napuna na ng iba’t ibang grupo ang aktibong pangangampanya ng mga sundalong militar laban sa progresibong mga party-list at ilang kandidato ng oposisyon sa iba’t ibang lugar sa Kamaynilaan. Unipormado’t madalas may bitbit na armas, naghahasik umano ang mga ito ng takot sa mga mamamayan.

Naglipanang sundalo

Batay sa ulat ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay), madalas mamataang naglipana ang mga sundalo ng AFP sa iba’t ibang barangay sa Caloocan, Malabon, Navotas, Maynila at lunsod ng Quezon.

Katunayan, nakakampo na mismo sa barangay hall ng Brgy. 8 sa Caloocan ang mga sundalo ng 5th Infantry Batallion ng Philippine Army, ayon sa Kadamay. Sa tala naman ng Anakpawis, nakabase ang 73rd Squad ng Philippine Air Force sa barangay multi-purpose hall na katabi ng mismong opisina ng grupo sa Valenzuela. Umano’y nangatok at nanakot ang walong sundalo, at pinatanggal ang mga bandera ng Anakpawis sa kanilang opisina.

“Sa maraming pagkakataon, nagpapanggap ang mga militar na gumagampan ng community work sa Metro Manila. Pero sa katunayan, naglulunsad sila ng kampanya laban sa mga progresibong party-list, na isang malinaw na paglabag sa batas. Malinaw na wala silang batayan para bumase at manatili sa mga barangay sa kalunsuran,” sabi ni Cherry Clemente, pangkalahatang kalihim ng Anakpawis.

Pinagbabawal sa ilalim ng Article XVI, Section 5(3) ng 1987 Konstitutusyon ang pakikisangkot ng AFP sa mga aktibidad na matataguriang partisan politics o pagkiling nang pabor o laban sa mga kumakandidato sa eleksiyon.

Pero sa pagbabahay-bahay ng mga sundalo sa mga komunidad, isa lamang umano ang kanilang bukambibig: huwag iboto ang mga party-list na Bayan Muna, Anakpawis, Gabriela, Kabataan, ACT Teachers atbp., na binabansagan nilang mga “prenteng komunista.” Di rin nakalusot sa kanilang listahan ang mga kandidato sa pagkasenador na sina Satur Ocampo at Liza Maza na tumatakbo sa ilalim ng Koalisyong Makabayan at guest candidate ng Nacionalista Party.

Naitala ang pagbabahay-bahay at aktibong pangangampanya ng mga sundalo laban sa mga kandidato at party-list na ito sa mga lugar gaya ng Brgy. Daang Hari sa Navotas, Baseco sa Maynila, at Payatas, Brgy. Holy Spirit, at Brgy. Bagong Pag-asa sa lunsod ng Quezon.

Lumilikha na rin ng ibang pamamaraan ang mga sundalo para makakuha ng atensiyon. Sa ulat ng Kabataan Party-list sa Baseco at iba pang lugar sa Tondo, nagpapalabas ang mga sundalo ng komersiyal na mga pelikulang Hollywood gaya ng Avatar. Pagkatapos nito, saka isinasalang ang mga bidyong “black propaganda” laban sa mga progresibo. Sa Brgy. 17 sa Caloocan, isang bidyong ilinalarawan sina Ocampo at Maza bilang mga “demonyo” ang ipinalabas, ayon naman sa Anakpawis.

Samantala, kalat din sa mga komunidad ang flyers na naninira sa mga progresibo. Walang signatoryo ang kalakhan sa mga ito, pero hinihinala ng mga progresibo na inimprenta ng AFP. Tadtad rin ng kontra-progresibong mga poster ang kahabaan ng mayor na lansangan sa nabanggit na mga lunsod na pinamamalagian ng militar.