Nominado ng Kabataan Party-list, hinaras ng pulis na tagasuporta ng ANAD


Kinondena ni Kabataan Party-list Rep. Raymond Palatino ang pananakit diumano ni Police Supt. Ariel Palcuto, anak ng kandidato sa pagka-bise-alkalde ng Cebu City na si Rico Palcuto, sa ikaapat na nominado ng Kabataan na si Renil Oliva at kasamahan niya. Naganap diumano ang insidente noong Abril 10 sa Cebu Country Club sa Banilad, Cebu City […]

Si Renil Oliva (kaliwa), ikaapat na nominado ng Kabataan sa eleksiyong party-list. (Kontribusyon)
Si Renil Oliva (kaliwa), ikaapat na nominado ng Kabataan sa eleksiyong party-list. (Kontribusyon)

Kinondena ni Kabataan Party-list Rep. Raymond Palatino ang pananakit diumano ni Police Supt. Ariel Palcuto, anak ng kandidato sa pagka-bise-alkalde ng Cebu City na si Rico Palcuto, sa ikaapat na nominado ng Kabataan na si Renil Oliva at kasamahan niya.

Naganap diumano ang insidente noong Abril 10 sa Cebu Country Club sa Banilad, Cebu City habang tinitingnan ni Oliva at isa pang boluntir ng Kabataan na si Bryan Laguna ang kanilang campaign materials na nakapaskil sa lugar.

Kilala sa lugar si Palcuto bilang nangungunang tagasuporta ng Alliance for Nationalism and Democracy o ANAD, isang party-list na sinasabing itinatag ng militar.

Sinabi ni Oliva na may lumapit sa kanila at inakusahan silang namunit ng mga campaign poster ng kanyang ama. Itinanggi ni Oliva ang akusasyon at sinang-ayunan ng isang testigo. Sa kabila nito, sinampal diumano ng mga tauhan ni Palcuto ang dalawa at sinuntok sa mukha.

“Hindi ito katanggap-tanggap, ito ang pinakamalalang uri ng police chauvinism at barbarismo. Kinokondena namin ang insidenteng ito at nais naming maparusahan ang mga salarin sa atake sa aming nominado at boluntir,” ani Palatino.

Isa umano ang insidente sa pinakamalalang kaso ng panghaharas sa kanilang mga nominado at kampanyador.

Noong Marso, naibalita din umano ang pananampal ng isang major ng Philippine Army sa isa sa mga miyembro ng Kabataan Party-list habang nagsasagawa ito ng sortie sa Sorsogon.
“Kung magagawa nila ito sa aming nominado, paano na ang regular naming mga miyembro? Bugbog-sarado sila (Oliva at Laguna), namaga ang kanilang mga mukha. Para silang binugbog ng mga sinapian ng demonyo,” sabi pa ni Palatino.

Ipinaliwanag pa ni Palatino na resulta ang mga panghaharas ng di-makatuwiran umanong pambabansag na ng militar at administrasyon “prente ng komunista” ang progresibong mga party-list.

Personal umanong tutulong si Palatino sa pagsama ng mga kasong legal laban sa mga Paculto at pagsampa ng reklamo sa Commission on Human Rights.