Mga magsasaka sugatan, 2 inaresto sa usapin sa Hacienda Yulo

May 21, 2010

Daan-daang magsasaka ang nasugatan, ilan ang pinosasan habang dalawa ang ikinulong sa istasyon ng pulis matapos magkagulo kaninang umaga sa Sitio Buntog, Brgy. Canlubang sa Calamba, Laguna dahil sa usapin kaugnay ng Hacienda Yulo.

Ayon kay Axel Pinpin, dating detenidong pulitikal at pangkalahatang kalihim ng Kasama-TK, nagpoprotesta malapit sa mayor na kalsada ng sityo ang mga magsasaka nang dumating ang mga surveyors sa pangunguna ni Dan Calvo, isang arkitekto na konektado umano sa Laguna Estate Development Corp. at San Cristobal Realty Corp. na pag-aari ng mga Yulo, kasama ang hindi bababa sa 50 pinagsanib na puwersa ng SWAT, lokal na pulis at pribadong mga guwardiya.

Sinabi ni Pinpin na nilapitan umano ni Calvo ang mga magsasaka at sinabihang umalis. “Inaaway niya at pinagmumura ang mga magsasaka. Hindi siya nakipag-usap sa amin. Nagpakita kami ng mga legal na dokumento kay Calvo pero pinilas niya ang mga ito. Nang hindi natinag ang mga magsasaka, doon na gumamit ng dahas ang mga pulis at guwardiya,” paliwanag ni Pinpin.

Dalawa sa mga magsasaka na kinilalang sina Gilbert Caraan at Mario Manggubat ang dinala ng mga pulis sa lokal na istasyon ng pulis. Daan-daan, kabilang ang mga babae at bata ang sugatan. Habang sinusulat ang balitang ito, tinatayang 10 magsasaka pa rin ang nakaposas.

Ayon kay Pinpin, nagsimulang magkampo-protesta ang mga magsasaka simula noong Abril 7, 2010 para pigilan ang mga Yulo na ikumbert ang mahigit 7,000 ektaryang asyenda tungong subdibisyon. Idinagdag niya pa na may nakabinbing apela sa korte ang mga magsasaka laban sa kumbersiyon.

Sinabi naman ni Eric Laurel, lider ng Samahan ng mga Mamamayan ng Buntog, inaprubahan ang kumbersiyon sa pamamagitan ng CARP (Comprehensive Agrarian Reform Program) kahit pa produktibo ang naturang lupain.

“Produktibo ang plantasyon ng niyog dito. Mawawala ang aming kasbuhayan at manganganib ang aming buhay kapag natuloy ang kumbersiyon,” ani Laurel. Tinatayang 400 pamilya ang nakatira sa Sityo Buntog at sumasaklaw sa lima hanggang pitong porsiyento ng Hacienda Yulo.

Binatikos naman ni Pinpin ang umiiral na repormang agraryo sa bansa dahil isa lamang umano ang usapin sa Hacienda Yulo sa maraming patunay na pabor sa mga asendero ang CARP at CARPer (CARP with extension and reforms).

“Ang repormang agraryo ay isang mahalagang usapin na sa tingin namin ay maisasantabi lamang sa susunod na administrasyon. Si Sen. Noynoy Aquino, at ilan pa sa Liberal Party kabilang na si Akbayan Rep. Risa Hontiveros ay kabilang sa mga nagsulong at arkitekto ng Carper law, paano kami makakaasa ng anumang pabor sa mga magsasaka mula sa kanila? Pero maaaring patunayan ni Noynoy na mali kami kung sa unang araw niya sa Malakanyang ay ipamamahagi niya ang mga lupa, kabilang na ang kanilang Hacienda Luisita,” ani Pinpin.

Sa kasalukuyan, nagtitipun-tipong muli ang mga naturang magsasaka para ipagpatuloy ang kanilang protesta.