Jamby sa PCGG, Tañada sa DFA, at iba pang panukala sa gabinete ni Noynoy
“Dream cabinet” ng istap ng Pinoy Weekly ang nasa talaang ito na inirerekomenda sa papasok na pangulong Noynoy Aquino. Marangal, may karanasan at kaalaman, at progresibo ang rekomendadong mga personaheng ito. Pero tila pangarap na lamang na magiging progresibo ang gabinete ng bagong pangulo.
Bago pa man pumasok ang bagong administrasyon ni Benigno “Noynoy” Aquino III, tila nag-uunahan na sa posisyon ang iba’t ibang personaheng may vested interests na sumuporta sa nagwaging kandidato sa pagkapangulo. Indikasyon ito, marahil, na malayo sa pagiging “repormista” si Aquino. Maaasahan lamang na maghahatakan ang dati nang maimpluwensiya’t mayamang mga puwersa para makibahagi sa bagong gobyerno.
Ngunit wala namang masamang mangarap, di ba?
Kung kaya, minarapat ng istap ng Pinoy Weekly na magbuo ng isang listahan ng mga personaheng inirerekomenda nito kay Aquino para sa gabinete ng bagong administrasyon. Kuwalipikasyon namin: Bukod sa kakayahan at karanasan, dapat taglay din ng personahe ang rekord at paninindigan para sa makabayang mga adhikain.
Hindi kailangang rebolusyonaryo (kaya burado na sa listahan si Gregorio “Ka Roger” Rosal bilang Presidential Spokesperson, o Jose Maria Sison, bilang, uhm, pangulo). Basta may rekord ng progresibong paninindigan.
Dream cabinet, kumbaga.
Bilang proseso ng pamimili, nagbuo kami ng shortlist sa bawat kagawaran, at saka nagbotohan para mapili ang irerekomenda. Sa mga departamentong wala kaming maiisip na irekomenda, hindi na namin isinama.
Sa mga kapartido’t kapanalig ni Noynoy Aquino, may pakiusap kami: Pakibigay sa susunod na pangulo ang listahang ito.
Presidential Spokesperson: Boy Abunda

Sa Department of Tourism binalak ni Aquino na ilagay ang sikat na talk show host. Pero kung tunay niyang isinaisip ang talento at puhunan ni Abunda, maiging ang pagiging presidential spokesperson na lamang ang puwestong kanyang inalok. Prangka, diretso-sa-punto, malapit sa midya, at hindi natatakot kumompronta, si Abunda ang babasag sa tradisyunal na molde ng mga tagapagsalita ng Palasyo na iwas-pusoy, paliguy-ligoy, mahilig mambola o mambara ng midya, at sa kalakha’y naririyan para pagtakpan ang pangulo sa mga kontrobersiyang kinasasangkutan. Sa tinagal-tagal ni Abunda sa pangunguna sa mga showbiz expose’, tiyak na hindi niya masisikmura ang isang mundo ng paglilihim at pambobola. Ayon kay Abunda, entertainer siya at hindi karapat-dapat sa anumang posisyon sa gobyerno; pero hindi nga ba entertainer din kung maituturing ang mga tagapagsalita ng Palasyo?
Department of Justice: Romeo Capulong

Magwawakas ang mala-kalbaryong daan tungo sa hustisya ng mga biktima ng ekstra-hudisyal na pamamaslang, pagdukot, ilegal na pag-aresto, at iba pang paglabag sa karapatang pantao kung maiuupo sa Department of Justice si Romeo Capulong, ang pinakabeteranong human rights lawyer sa Pilipinas. Miyembro ng 1971 Constitutional Convention, pinahirapan siya noong diktadurang Marcos. Dahil hindi binitawan ang mga prinsipyo bilang presidente ng Public Interest Law Center, premyadong law firm na nagtatanggol sa mahihirap at inaapi, tinangka pa siyang paslangin noong 2005 ng hinihinalang mga ahente ng estado. Kilala siya sa pandaigdigang komunidad, bilang Judge ad Litem ng United Nations at tagapagtatag ng International Association of People’s Lawyers. Kung makailang beses ginamit ng gobyernong Arroyo ang batas para sa panunupil, ganoong karami rin ang pagtatangka ni Capulong na gamitin ang batas para ipagtanggol ang mga ordinaryong mamamayan at aktibista, mula sa Batasan 6 hanggang sa Morong 43.
Department of Health: Dr. Jaime Galvez-Tan

Hindi bilib si Dr. Jaime Galvez-Tan, dating kalihim ng Department of Health, sa Cheaper Medicines Act na ipinasa ni Pangulong Arroyo, dahil umano’y hindi lamang ang murang parallel drug importation ang sasagot sa problema ng mataas na presyo ng gamot, kundi pati ang pagpapaunlad sa alternatibo at lokal na industriya ng gamot. May punto si Galvez-Tan; may taglay din siyang respeto mula sa komunidad pangkalusugan dahil sa karanasan sa pagtataguyod ng community medicine, pananaliksik sa halamang gamot, at pagpapaunlad ng national health policy. Kinokonsidera rin siya ni Aquino dahil noong kampanya, pinangunahan niya ang “Health Cluster,” na ngayo’y pinag-uusapan na ang posibleng adyendang pangkalusugan ng susunod na pangulo. Ayon sa Facebook page na nanghihikat sa pagtatalaga ni Galvez-Tan sa DOH, nagpupulong ang cluster sa Bayanihan Center ng kompanyang Unilab. Indikasyon ito na marahil, mahihirapan pa rin ang sinumang maupo sa puwesto na iwaksi ang malagkit na relasyon ng ahensiya sa mga kompanyang pharmaceutical; at least ang Unilab ay hindi multinasyunal?
Philippine Information Agency: Conrado de Quiros

Si Conrado de Quiros ang isa sa unang nanghikayat kay Aquino na tumakbo sa pagkapangulo, sa pagkagulat o pakadismaya ng marami na umaasang magiging mas kritikal ang kolumnista ng Philippine Daily Inquirer. Intindihin na lamang na marahil, naging bunga ng masidhing sentimiyentong kontra-Arroyo ang kanyang pagiging mistulang propagandista ni Aquino. Mabuti na lamang at hindi siya naging daluyan ng black propaganda sa mga kalaban ni Aquino (‘di katulad ng ibang kolumnista); at nitong huli, hindi rin siya nagpapigil sa pagsiwalat ng mga biyak sa loob ng Liberal Party. Dahil lubos ang kanyang pagtitiwala kay Aquino pero kritikal pa rin sa pangkalahatang takbo ng gobyerno’t pulitika, baka nais niyang subukan ang Philippine Information Agency, isang government mouthpiece na walang naiaambag sa diskursong publiko. Sayang din ang rekursong inilalaan para sa PIA—magiging interesante kung saang direksiyon ito dadalhin ng isang taong maraming sariling opinyon.
Department of Education: Fe Hidalgo
Hindi makakalimutan ng publiko ang panghihiya ni Pangulong Arroyo kay dating acting secretary ng Department of Education na si Fe Hidalgo, nang iulat ng huli sa isang cabinet meeting na mayroong kulang na 6,832 na klasrum sa buong bansa. Ibinatay ni Hidalgo ang kanyang estadistika sa isang klasrum para sa 45 na mag-aaral. Pero ang gusto ni Arroyo, magsiksikan ang 100 mag-aaral sa isang klasrum para palabasin na walang classroom shortage. Umatras si Hidalgo matapos pagalitan ng pangulo; kalauna’y tinanggal din siya sa puwesto. Pagkakataon na ni Hidalgo na patunayang kaya niyang panindigan, sa minimum, ang pagkilala sa malulubhang problema ng sektor ng edukasyon dulot ng kawalan ng prayoridad sa pagbabadyet at korupsiyon sa loob ng ahensiya.
Department of Science and Technology: Kelvin Rodolfo

Kilalang siyentista sa loob at labas ng bansa, nagtapos siya sa Unibersidad ng Pilipinas noong 1958 at Master of Science at PhD degrees sa University of Southern California. Kasalukuyang Professor Emeritus sa Department of Earth & Environmental Sciences sa University of Illinois at Chicago, at Adjunct Professor with the National Institute of Geological Sciences sa UP Diliman. Ilan sa tampok niyang ginawang pag-aaral ay ang pagsusuri sa lahar ng mga bulkang Mayon at Pinatubo. Bilang siyentista, tinutulan ni Rodolfo ang pagtatayo, at ang muling pagbuhay sa Bataan Nuclear Power Plant (BNPP) dahil sa panganib nitong idudulot sa kalikasan at sa mamamayan.
Department of Environment and Natural Resources: Dr. Helen Mendoza

Bilang convenor ng Philippine Climate Watch Alliance, kritikal si Mendoza sa panghihimasok ng mga institusyong pampinansiya sa usapin ng kalikasan. Kilala rin siyang isa sa mga susing eksperto ng bansa sa usapin ng climate change. Naniniwala siyang hindi dapat na makialam ang mga ito sa usaping pangkalikasan ng mga mahihirap na bansa. Tutol din siya sa mga “kontra-kalikasan at kontra-mamamayang” proyekto tulad ng BNPP.
Department of Tourism: Gemma Cruz-Araneta

Bukod sa pagiging unang Filipina na nanalo bilang Miss Internatonal, kilala rin si Cruz-Araneta bilang inapo ni Dr. Jose Rizal. Dahil sa kanyang talino tinagurian siyang “kauna-unahang intelektuwal na beauty queen. Hindi magiging mahirap para kay Araneta ang pagiging kalihim ng DoT, dahil ginampanan na niya ito sa ilalim ng administrasyong Estrada. Bago pumasok sa gobyerno, naging miyembro rin si Cruz-Araneta ng Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan o Makibaka. Ayon sa kanya, patuloy siyang sumusuporta sa mga makabayang adhikain.
Department of Agrarian Reform: Rafael Mariano

Beterano ng mga masaker ng mga magsasaka sa Mendiola at Hacienda Luisita, walang dudang karapat-dapat lamang maging kalihim ng kagawarang ito si Mariano. Siya rin ang kasalukuyang tagapangulo ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas. Dahil nagmula sa uring magsasaka, alam niya ang mga suliranin at ang solusyon sa deka-dekada nang problema sa lupa. Bago naging kinatawan ng Anakpawis Party-list sa Kamara, palaging nasa rali at piket ng mga magsasaka si Mariano. Siguradong itutulak niya sa burukrasya ang pagpapatupad ng tunay na repormang agraryo.
Department of Energy: George San Mateo

Kung mayroon mang mas nakakaalam sa isyu pagtaas/pagbaba ng presyo ng langis, ito ay si George San Mateo, tagapangulo ng Pagkakaisa ng mga Tsuper at Operator Nationwide o Piston. Tamang tama siya sa posisyong ito dahil sa mariing pagtutol niya sa Oil Deregulation Law na siyang batas na nagpasimula sa walang habas na pagtaas ng presyo ng mga langis. Kaaway niya (at ng sambayanan) ang kartel ng langis sa bansa. Kung bagong pulitika talaga ang gustong ipakilala ni Noynoy sa gobyerno, mainam na italaga niya si San Mateo sa DOE.
Department of Labor and Employment: Amado Gat Inciong / Atty. Remigio Saladero Jr.

Bilang dating labor undersecretary ay malawak na karanasan si Amado Gat Inciong kapwa sa loob at labas ng gobyerno. Pero mas mabigat na batayan ng pagrekomenda sa kanya: pakikianib niya sa militanteng kilusang paggawa para hilingin ang P125 across-the board na dagdag-sahod ng mga manggagawa sa pribadong sektor. Tutol din siya sa kontraktuwalisasyon ng paggawa. Samantala, maaaring tanganan din ni Atty. Saladero ang labor portfolio. Sa kanyang mga kolum na pinamagatang Husgahan Natin, ipinamalas ni Saladero ang malawak na kaalaman ng lahat ng legal na aspekto ng paggawa. Dahil sa kanyang pagtatanggol sa karapatan sa paggawa bilang legal counsel ng Kilusang Mayo Uno, pinakulong ng gobyerno si Saladero.
Department of Foreign Affairs: Wigberto Tanada

Kung mayroon mang anak ng dakilang makabayang pulitiko na nagtaguyod sa legacy ng kanyang ama, hindi ito si Noynoy Aquino kundi si Wigberto “Bobby” Tañada. Anak ni Lorenzo Tañada, ipinamalas ng karerang pulitikal ni Bobby Tañada ang marangal at makabayang paninindigan na pinasimulan ng nakatatandang Tañada. Sa Senado noong 1991, pinangunahan niya ang pagbasura sa base militar ng US sa bansa. Naging konsistent din si Tañada sa pagtatanggol sa pambansang kasarinlan ng Pilipinas, mula sa pagtutol sa pagpasok ng bansa sa World Trade Organization, hanggang sa pakikiisa sa paglaban sa RP-US Visiting Forces Agreement. Kung totoong makabayan si Noynoy (at hindi papadala sa presyur ng gobyernong US), dapat lamang na ikonsidera si Bobby Tañada bilang kinatawan ng Department of Foreign Affairs.
Department of National Defense: Leila de Lima

Ito siyempre ang portfolio na pinakamahirap punuan: DND nga naman ang departamentong nangunguna sa mararahas na kampanyang kontra-insurhensiya sa bansa. Ngunit kung mangangarap na lang tayo, lubus-lubusin na natin. Hindi man bahagi ng national security community si Leila de Lima, masasabing kinakatawan niya ngayon ang matagal nang hangad natin sa militar: ang pananagutan sa indibidwal at institusyonal na mga paglabag nito sa mga karapatang pantao ng mga mamamayan.
Department of Social Work and Development: Liza Maza

Sa mahabang panahon at karanasan ni Liza Maza sa paglilingkod sa sektor ng malawak na kababaihan, laluna ng maralitang kababaihan, sapat lamang na maibigay sa kanya ang puwesto ng kagawarang ito. Masasabing bilang kinatawan ng Gabriela sa Kongreso, hindi na naman limitado sa mga usaping pangkababaihan ang kanyang mga ipinaglalaban. Gayunman, angkop din sa karanasan niya bilang lider-kababaihan ang kagawarang ang tradisyunal na tungkulin lamang ay pagkalinga sa mga kapuspalad na mga mamamayan. Maaaring matransporma ni Maza ang naturang kagawaran para sa pagbuo ng mga proyektong magbibigay-kapangyarihan sa taumbayan na magkaisa at kumilos para makaahon sa karalitaan. Kailangan lamang iraos ni Maza ang isang-taong ban sa appointment sa mga tumakbong pulitiko.
Presidential Adviser on the Peace Process : Satur Ocampo / Rey Claro Casambre

Masasabing higit pa sa usapang pangkapayapaan ang kuwalipikasyon ni Satur Ocampo sa paglilingkod sa gobyerno. Gayunman, isa sa susing adbokasiya niya habang kongresista ng Bayan Muna ang pagtataguyod sa negosasyong pangkapayapaan, kapwa sa National Democratic Front at Moro Islamic Liberation Front. Malaking tulong kay Aquino ang lawak ng kaalamang dala-dala ni Ocampo, kung sakaling maitalaga. Samantala, tiyak din naming kasinlawak kay Ocampo ang kaalaman at karanasan ni Rey Claro Casambre ng Philippine Peace Center. Matagal nang tagamasid at tagapayo sa lahat ng usaping pangkapayapaan si Casambre, bukod sa beterano ng mga pakikibaka noong diktadurang Marcos at sumunod na mga administrasyon.
Department of Interior and Local Government: Grace Padaca

Sa unang termino pa lang ni Grace Padaca bilang gubernador ng Isabela, nakuha niyang bayaran ang malaking pagkakautang ng kanyang probinsiya. Bukod pa rito, malaki ang ambag niya sa paggawa ng programang magbibigay ng subsidyo sa mga magsasaka ng palay at mais, at kung saan nakakuha siya ng pondo para sa panibagong imprastraktura, mas mahusay na serbisyong medikal at malaking pag-asenso sa mga magsasaka at agrikultura ng kanyang probinsiya. Sa ganitong karanasan, malaki ang maiaambag ni Padaca sa kagawaran na ang layunin ay ang maayos na pagpapalakad sa lokal na bahagi ng pamamahala.
Housing and Urban Development Coordinating Council: Carmen “Nanay Mameng” Deunida

Kung responsable ang HUDCC sa pagbubuo ng mga obhektibong pambansa ukol sa mga polisiya at istratehiya ng urban development laluna sa pabahay, wala na sigurong hihigit pa sa deka-dekadang karanasan ni Nanay Mameng dahilan na rin sa ilang taon niyang pamumuno sa mga paglaban ng maralitang tagalungsod. Kawalan ng trabaho ang isang dahilan na rin sa kawalan ng kanilang tahanan. At sa kabi-kabilang demolisyon bunsod na rin ng kabi-kabilang pagpapatupad ng mga patakaran laluna sa Quezon City, isasama ng higit otsena anyos na lider ng mga anakpawis ang pangununga sa pagsasagawa at pangangasiwa sa mga polisiya na bukod sa aprubado ng konseho ng HUDCC ay makikinabang ang mas maraming maralitang tagalungsod na mas nangangailangan ng lugar na kanilang masisilungan.
Presidential Commission on Good Government: Jamby Madrigal

Dati nang ipinanawagan ni Madrigal na ipasara ang PCGG, at nagsabing ang kagawaran ay “outlived its usefulness.” Sa paggampan ng kanyang tungkulin bilang senadora, nagkaroon ng consensus na bigyan na lamang ang kagawaran ng pisong kaukulang badyet. Pero ito ang mismong dahilan kung maaari siyang mamuno nito: Para masigurong nagawa na nga nito ang itinakdang tungkulin, tulad ng pagbawi ng ill gotten wealth ng mga Marcos.
