Noy na makasalanan, Noynoy na ‘katubusan’


Sa mundo ni Noy at ni Noynoy, walang pagsasamantala ng tao sa kapwa; ang mayroon lamang ay kabayaran ng mga kasalanan.

Nagsasalimbayang dokumentaryo at fiction film ang pelikulang “Noy” ni Dondon Santos (noythemovie.com)
Nagsasalimbayang dokumentaryo at fiction film ang pelikulang “Noy” ni Dondon Santos (noythemovie.com)

Rebyu ng pelikulang “Noy”
Dinirehe ni Dondon Santos
Tampok sina Coco Martin, Cherry Pie Picache, Vice Ganda, Baron Geisler,
Dinistribyut ng Star Cinema, 2010

Masipag at madiskarte si Noy (Coco Martin). Gusto niyang iahon ang pamilya sa hirap. Plano niyang itakas ito sa dumi at sangsang ng bahang pumapalibot sa kanilang bahay at komunidad. Naisip niya: Tupdin ko kaya ang pangarap kong maging mamamahayag? Dahil di nakatapos sa pag-aaral, nagpanggap siyang mamamahayag, at nakapasok sa isang programang pangbalita ng telebisyon bilang dokumentarista. Ang misyon: Makalapit sa kandidato sa pagkapangulong si Benigno “Noynoy” Aquino III.

Sinundan ni Noy sa pangangampanya ang kapangalang kandidato. Nang mag-away sila ng lumpong kapatid na gustong makalakad, sinubukan niya kung gaano na siya kalapit kay Noynoy. Humingi siya ng wheelchair para sa kapatid na si Bong. Sa entablado, nagmalakas-loob na kinausap ang kandidato; madaling napapayag dahil tamang-tamang namimigay ng wheelchair ang foundation na nakapangalan sa bayaning amang si Ninoy.

Samantalang patuloy ang pagdagsa ng mga tao sa pangangampanya ni Noynoy, sa sarili niyang bahay ay unti-unting gumuguho ang mundo ni Noy. Niligawan ng nambubugbog na Amerikanong itim ang inang si Letty (Cherry Pie Picache) (“Ang-itim niya,” sabi ni Letty, kahit maitim din ang kulay ng sariling balat). Matalino ang nakababatang kapatid na si Tata, pero araw-araw na lumulusong sa baha, walang nakakaalam kung anong sakit ang dumapo sa kanya. At ang dating astiging kapatid na si Bong, nagsubok magtrabaho bilang limpya-bota, pero kalauna’y patagong nasabak sa paglalako ng droga. Ang nobya naman ni Noy, ang call center agent na si Divine, ay itinutulak ng pamilya na mangibang bansa at asawahin ang isang umaasensong OFW. Unti-unti, gumuguho na ang mundo ni Noy.

Nakakalimita ang layunin ng pelikula na patampukin ang kandidatong si Noynoy Aquino at ang simbolismo niya noong nakaraang halalan (noythemovie.com)
Nakakalimita ang layunin ng pelikula na patampukin ang kandidatong si Noynoy Aquino (noythemovie.com)

Dumulo ang istorya sa realisasyon ng halaga ng pag-ibig (tumutol siya sa pangingibang bansa ni Divine) at halaga ng integridad (itinigil ang panglalamang sa tinatrabahuan). Dahil ito sa isang bagay: Ang kampanya ni Noynoy Aquino, na nakapagbago ng pananaw niya sa sarili, sa pamilya at sa lipunan. Superficial lang naman ang pakikisalamuha ni Noy sa kandidato, hindi niya maiwasang magalak sa laksa-laksang mga taong dinudumog si Noynoy, niyayakap ang pag-asa para sa pagbabagong kinakatawan ng kandidato.