Migrante

Pinay, pinayuhan ng opisyal ng OWWA na ‘tumalon sa gusali’


Pormal na sinampahan ng reklamo ng isang Pinay caregiver ang isang opisyal ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa Riyadh, Saudi Arabia matapos siyang payuhan na tumalon na lamang mula sa ikatlong palapag ng gusali, sa halip na isaklolo mula sa pang-aabuso ng employer. Sinamahan ng mga manggagawa ng Annasban Group of Companies ang kanilang […]

Pormal na sinampahan ng reklamo ng isang Pinay caregiver ang isang opisyal ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa Riyadh, Saudi Arabia matapos siyang payuhan na tumalon na lamang mula sa ikatlong palapag ng gusali, sa halip na isaklolo mula sa pang-aabuso ng employer.

Sinamahan ng mga manggagawa ng Annasban Group of Companies ang kanilang kasamahan na si Merlinda Aquino, na nakauwi sa bansa ilang araw lang ang nakakaraan, para sampahan si welfare officer Nestor Burayag ng grave misconduct at neglect of duties.

“Tinawagan ko si Mr. Burayag para magpasaklolo dahil hindi ko na matagalan ang pang-aabuso ng employer ko sa akin. Pero sinabihan niya lang ako na tumalon mula sa 3rd floor ng aming building para daw may dahilan para matulungan niya ako,” sabi ni Aquino.

Aniya, pisikal siyang sinasaktan ng kanyang site manager simula Enero. Kinumpiska din umano ang kanyang mobile phone at ATM. Inireklamo niya ito sa manedsment ng Annasban, pero hindi umano ito tumugon, kaya naisip niyang humingi ng tulong sa OWWA.

Nauna nang nakauwi ang kanyang mga kasamahan matapos maglunsad ng work stoppage at hunger strike dahil sa mga paglabag sa kontrata ng kanilang employer, na diumano’y pinagtatrabaho sila ng mahahabang oras nang walang sahod. Pero nagdesisyon siyang hindi sumama sa welga dahil sa “takot” at “kawalang pag-asa,” ayon kay Aquino.

Nauna nang inireklamo ng mga manggagawa ng Annasban si Burayag dahil sa kabiguang puwersahin ang kompanya na ibigay ang kanilang exit visa, at sa pagpuwersa sa mga OFW na bayaran ang kanilang pamasahe pauwi ng bansa.

Nanatili sa barracks ng kompanya ang 30 pang kababaihang manggagawa, ayon sa Migrante International.

“Sinasalamin ng aktitud ni Burayag ang kabuuang aktitud ng administrasyong Arroyo sa mga OFW. Wala silang pakialam sa aming kapakanan, at sa totoo, nakikipagsabwatan pa sa mga dayuhang employer. Kalakal ang turing sa mga OFW, hindi tao. Habol lang nila ang kita na makukuha mula sa pagsasamantala sa aming lakas-paggawa,” sabi ni Garry Martinez, tagapangulo ng Migrante.

Hinamon ng grupo ang papasok na administrasyong Aquino na imbestigahan at sibakin sa puwesto ang mga opisyal ng gobyerno na nagpabaya ng mga OFW, at ibasura ang OWWA Omnibus Policies na naglimita sa serbisyong ibinibigay sa mga OFW.