Unyon sa ABS-CBN, dinudurog?


Tinanggal sa trabaho noong nakaraang Miyerkules ang 22 unyonista ng higanteng TV network na ABS-CBN sa isang umano’y “walang pusong” tangka na durugin ang unyon at hadlangan ang matagal nang hiling ng mga manggagawa na maregularisa sa trabaho. Sa isang pahayag sa midya, sinabi ni Antonio Perez, tagapangulo ng ABS-CBN Internal Job Market Union, na hindi […]

Tinanggal sa trabaho noong nakaraang Miyerkules ang 22 unyonista ng higanteng TV network na ABS-CBN sa isang umano’y “walang pusong” tangka na durugin ang unyon at hadlangan ang matagal nang hiling ng mga manggagawa na maregularisa sa trabaho.

Sa isang pahayag sa midya, sinabi ni Antonio Perez, tagapangulo ng ABS-CBN Internal Job Market Union, na hindi na sila pinapasok sa compound ng ABS-CBN at kinansela ang kanilang mga iskedyul simula Hunyo 16, na umano’y katumbas ng pagtanggal sa kanila sa trabaho.

Noong Hunyo 15 ng tanghali, nakipag-online chat si Eugenio “Gabby” Lopez III, chairman ng ABS-CBN, sa mga manggagawa. Dito, umano’y sinabi niyang matatanggal sa trabaho ang mga manggagawang hindi tatanggap ng kanilang “regular status” bago mag-hatinggabi kinabukasan.

Pero ayon sa unyon, “bogus” ang naturang alok ni Lopez dahil nangangahulugan itong kinikilala nilang hindi sila regular na mga manggagawa. Noong nakaraang Nobyembre 2009, naghain ng petisyon ang ABS-CBN IJM Workers Union na kilalanin bilang isang yunit na may karapatang pumasok sa collective bargaining agreement, pero hinarang ito ng manedsment.

Bago pa man ang dedlayn ni Lopez, nakatanggap na umano ang ilang manggagawa ng advisory na nagkakansela sa kanilang iskedyul sa trabaho. Noong Huwebes, isang memorandum ang inilabas ng manedsment. “As mandated by management, please do not schedule the following workers immediately,” ayon dito.

May 1,400 miyembro ang unyon ng ABS-CBN IJM sa National Capital Region na nagpapatakbo ng mga kamera, ilaw, at iba ang kagamitan ng TV network.

“Behind the compassionate and pleasing image ABS-CBN projects to the viewing public everyday, its management are really ruthless people who do not recognize basic workers’ rights and who are capable of destroying the jobs and livelihood of its employees in the name of profiteering,” ayon kay Perez.

Inulat pa ng unyon na nagsimula na ang ABS-CBN na mag-outsource ng mga manggagawa mula sa HRH Agency Personnel.

Samantala, sinuportahan ng College Editors Guild of the Philippines (CEGP) ang mga manggagawa ng ABS-CBN.

“It is ironic that one of the bastions of press freedom is repressing its own employees. It seems as if the owners do not remember how it is to have their rights violated, which happened during the Martial Law. The owners should realize that the right to form a union is also covered by freedom of expression,” sabi ni Trina Federis, pambansang tagapangulo ng CEGP.

Hinamon ng CEGP si president-elect Benigno “Noynoy” Aquino III na hindi lamang aksiyunan ang pagpaslang sa mga miyembro ng midya, kundi siguruhin ang kanilang pang-ekonomikong mga karapatan.