DoLE, kinilala ang unyon ng tinanggal na manggagawa sa ABS-CBN

Nagpiket noong Agosto 20 sa labas ng ABS-CBN compound sa Quezon City ang mga manggagawang tinanggal sa trabaho ng higanteng television network. Kasama ang mga manggagawa ng Kilusang Mayo Uno, mamamahayag ng National Union of Journalists of the Philippines, at mag-aaral bilang tagasuporta, pinanawagan ng mga miyembro ng ABS-CBN Internal Job Market (IJM) Workers’ Union […]

picket abs-cbn ijm workers
Nakiisa sa tinanggal na mga manggagawa ng ABS-CBN ang iba pang manggagawa at mamamahayag, sa piket sa harap ng ABS-CBN noong Agosto 20. Laganap umano ang kontraktuwalisasyon sa iba pang mga kompanya. (Lady Ann Salem/Tudla Productions)

Nagpiket noong Agosto 20 sa labas ng ABS-CBN compound sa Quezon City ang mga manggagawang tinanggal sa trabaho ng higanteng television network. Kasama ang mga manggagawa ng Kilusang Mayo Uno, mamamahayag ng National Union of Journalists of the Philippines, at mag-aaral bilang tagasuporta, pinanawagan ng mga miyembro ng ABS-CBN Internal Job Market (IJM) Workers’ Union na ibalik sila sa trabaho at kilalanin ang kanilang karapatan sa pag-uunyon.

Umabot na sa 92 ang mga manggagawang tinanggal, na karamihan ay nagsilbi sa ABS-CBN ng mula pito hanggang 22 na taon.

Sa nasabing piket, inanunsyo ni Antonio Perez, presidente ng IJM Workers’ Union, ang kalalabas lang na desisyon ng Department of Labor and Employment (DoLE) na kumikilala sa employee-employer relationship sa pagitan ng ng manggagawa at ng ABS-CBN.

Unang nagpetisyon ang IJM Workers’ Union sa DoLE noong Nobyembre 23, 2009 na kilalanin ang unyon. Sinalungat ito ng ABS-CBN sa pagsasabing walang namamagitang employee-employer relationship sa kanila at sa mga manggagawa ng IJM work pool dahil sila ay ‘talents’ lamang, o kinokontrata ang serbisyo batay sa kanilang talento at hindi regular na empleyado.

Sa pinakahuling desisyon noong Agosto 18, 2010, itinaguyod ng DoLE na regular na manggagawa ang mga nasa IJM work pool dahil gumagampan sila ng mga trabahong ‘necessary and desirable to the ordinary course of business of ABS-CBN’ at nakapaglaan na sila ng higit isang taong serbisyo sa kumpanya.

Binaligtad ng DoLE ang naunang desisyon ng DoLE-National Capital Region noong Abril 14, 2010. Iniutos na rin ng ahensiya ang pagsasagawa ng certification elections.

Ayon sa unyon, unti-unti o pabugso-bugsong nagtatanggal ang ABS-CBN ng mga manggagawa nito na ayaw pumirma sa bagong mga kontrata. Nagbigay ng ultimatum si Lopez noong Hunyo 16 na dapat pumirma sa bagong kontrata ang mga manggagawa o maghanap na lamang ng ibang trabaho.

Inalok ng kontratang probationary ang mga manggagawang halos isang dekada nang nagtatrabaho sa kompanya, habang ang iba ay inalok ng dalawang buwan o ang pinakamaikli ay siyam na araw na kontrata.

Marami sa mga manggagawa ang tumangging pumirma sa bagong kontrata dahil, ayon sa kanila, laman nito na (1) tatanggalin sa rekord ang kanilang ‘years of service,’ (2) babawiin ang kasong sinampa laban sa ABS-CBN noong 2002, (3) isusuko ang pag-uunyon, (4) bababa ang inaalok na sahod ng 50 hanggang 75 porsiyento, at (5) walang kaseguruhan sa trabaho dahil kokontratahin sila kada programa na lamang.

Nauna na ring nagpiket ang IJM Workers’ Union sa harap ng bahay ni Pang. Benigno Aquino III. Pero anila, hindi sila hinarap ng pangulo. Wala pang nilalabas na anumang pahayag si Aquino hinggil sa kaso ng mga manggagawa ng ABS-CBN.

Basahin ang mga kaugnay na istorya:

Patuloy na tanggalan sa ABS-CBN: Masamang balita sa tagapaghatid ng balita
Kalupitan sa Kapamilya: Pang-aapi sa loob ng ABS-CBN?