Patuloy na tanggalan sa ABS-CBN: Masamang balita sa tagapaghatid ng balita


Nasa 92 na ang bilang ng tinanggal na manggagawa ng ABS-CBN, pinakahuli ang mula sa News and Current Affairs Department. Pinakain muna sila ng manedsment sa mga mamahaling hotel bago ihatid ang masamang balita.

Nagsampa ng kasong illegal dismissal ang mga manggagawa ng ABS-CBN sa National Labor Relations Commission noong Agosto 13. (Jose Cosido)
Nagsampa ng kasong illegal dismissal ang mga manggagawa ng ABS-CBN sa National Labor Relations Commission noong Agosto 13. (Jose Cosido)

Nagmamadaling bumalik sa ABS-CBN compound si Melchor Saloritos noong Biyernes, Agosto 13, bandang alas-sais ng gabi para kunin ang kanyang mga naiwang gamit. Hindi na siya nagtaka kung bakit hindi na gumagana ang kayang access card o nang kumpirmahin ng guwardiya na nasa listahan siya ng mga kinansela ang access card. Kasisibak lamang kasi niya sa trabaho. “Pinakuha ko na lang sa aking kasamahan na nasa loob ang mga naiwang gamit ko,” ani Saloritos.

Galing si Saloritos noong gabing iyon sa isang pribadong pakikipag-usap sa isang kinatawan ng manedsment ng ABS-CBN sa Astoria Plaza Hotel sa Ortigas Center, Pasig City. Pinakain siya ng masasarap na pagkain, bago ipinabatid sa kanya na hindi na kailangan ng estasyon ang kanyang serbisyo. Ipapatawag na lamang umano siya sakaling may bakanteng posisyon para sa kanya.

Isa lamang si Saloritos sa dagdag na 37 empleyado mula sa News and Current Affairs Department (NCAD) na sinibak ng Kapamilya network noong gabing iyon. Lahat sila, isa-isang inimbitahan ng mga kinatawan ng manedsment sa pribadong mga pag-uusap sa iba’t ibang mamahaling hotel sa Kamaynilaan, gaya ng Shangri-La Plaza Hotel sa Makati City, Discovery Suites sa Pasig City at Hyatt Hotel sa Roxas Blvd, Pasay City.

Kapalit ng ‘tapat na paninilbihan’

May 18 taon nang naninilbihan si Saloritos sa Kapamilya network. Nagsimula siya bilang lighting technician sa Production noong 1992, at inilipat sa NCAD noong 2006 sa parehas na trabaho. Sa tagal ng kanyang paninilbihan sa estasyon, tatlong beses nang nakatanggap si Saloritos ng Kapamilya Award. Una nang inabot niya ang limang taon, pangalawa nang makasampung taon, at ang huli, para sa kanyang 18 taong “tapat na paninilbihan.”

Halos ganito rin ang nangyari kay Medel Gotel, audioman na pumasok sa estasyon noong 1998 at katulad ni Saloritos ay nakatanggap na rin ng Kapamilya award.

Kinausap si Gotel ng manedsment sa Shangri-la Plaza Hotel, at saka ipinabatid ang masamang balita. Tinanong niya ang kinatawan kung ano ang basehan ng manedsment para mairegularisa ang isang empleyado, dahil kalakhan sa kanila ay matagal nang kontraktuwal sa ilalim ng ABS-CBN Internal Job Market (IJM). Ang mga sumusunod ang isinagot sa kanya: grading ng supervisor at executive producer, character at workmanship.

“Naisip ko, kung ang mga ito lamang ang basehan, marami sa mga natanggal ang karapat-dapat na mairegularisa,” aniya.

Nasa 92 na ang bilang ng mga nasibak sa trabaho sa nakalipas na dalawang buwan; itong pinakahuling batch ang pinakamarami.

Sa isang press release, sinabi ni Bong Osorio, hepe ng ABS-CBN Corporate Communications na isinagawa ang tanggalan sa ligal na pamamaraan at nang isinasaalang-alang ang kapakanan ng kompanya at ng publiko. We chose this difficult path to prepare our organization for the new demands of a changing media landscape,” sabi ni Osorio.