Zineulat

Face to Face, Juicy, Ben 10, Talentadong Pinoy: Para Sa ‘Yo, Kapatid?


Gusto namin ng mga pamangkin ko sa TV 5 (Para Sa ‘Yo, Kapatid) ang cartoons at shows-made-for-children. Dati, enjoy na enjoy kami sa “Jimmy Neutron,” pero wala na ito ngayon sa Singko. “Makiba-Oh,” “Ben 10,” “High Five,” “Yo Gabba Gabba” at “Thomas and Friends” na ang sinusubaybayan namin sa Channel 5. Bukod sa “Jimmy Neutron,” dati naming sinusubaybayan sa Singko ang “Dora the Explorer” at “Spongebob Squarepants,” na ngayon ay “pinirata” na ng dakilang union buster at monolitikong tagapamandila ng unfair labor practices, ang ABS-CBN Channel 2 ng mga Lopez.

Gusto namin ng mga pamangkin ko sa TV 5 (Para Sa ‘Yo, Kapatid) ang cartoons at shows-made-for-children. Dati, enjoy na enjoy kami sa “Jimmy Neutron,” pero wala na ito ngayon sa Singko. “Makiba-Oh,” “Ben 10,” “High Five,” “Yo Gabba Gabba” at “Thomas and Friends” na ang sinusubaybayan namin sa Channel 5. Bukod sa “Jimmy Neutron,” dati naming sinusubaybayan sa Singko ang “Dora the Explorer” at “Spongebob Squarepants,” na ngayon ay “pinirata” na ng dakilang union buster at monolitikong tagapamandila ng unfair labor practices, ang ABS-CBN Channel 2 ng mga Lopez.

Lahat ng mga nabanggit na cartoons at shows-made-for-children ay tagabitbit ng kultura ng mananakop, kultura ng globalisasyon. Sa “Jimmy Neutron,” ang isang batang genius na Caucasian ang siyang tagapagtanggol ng buong daigdig, mula sa kahit na anumang problema tulad ng invasion ng mga alien. Kaya ring alpasan ni Jimmy Neutron ang anumang balakid dahil ginagamit niya ang siyensiya at teknolohiya na monopolisado ng kanilang bansa at lahi. Parang ganun rin ang “Ben 10,” kung saan si Benjamin Tennyson ay may kakayahan na maging iba’t ibang makapangyarihang alien life form upang itaguyod ang katarungan at kagalingan ng kaniyang bansa at lahi, laban sa sinuman o anuman.

Bago pa magshuffle ng shows ang Singko, bago pa magkaroon ng “Face to Face” na hinohost ni Amy Perez, ang talagang tinututukan namin sa TV 5 ay ang “Juicy” na dati’y tanghali kung umere at ang hosts pa lang nito noon ay sina Alex Gonzaga at IC Mendoza. Ngayon ay panggabi na itong showbiz talakathon, at kasama na si Cristy Fermin bilang beteranong showbiz host at kolumnista. Ang pangkabuuang negosyo ng showbiz at tsismis sa bansa ay lumilikha ng pangkabuuang naratibo ng mga kalakhan ay artipisyal na pangangailangan at isyu. Mas gusto pang atupagin ng manonood kung sinong aktor o aktres ang nagbebenta ng katawan sa kung sinong direktor o politiko. Bagama’t maaari rin itong suriin bilang mga “siwang” sa nosyon ng ideyal na konstruksyong kapitalista: na mayroong nagbebenta ng katawan sapagkat malawak pa rin ang kahirapan kahit na ipagsigawan ng mga burgesya komprador na ang “kapitalismo ang katapusan ng kasaysayan” at na “capitalism is here to stay.”

Isa sa pinaka-hit na programa ng Singko ay ang “Talentadong Pinoy.” Tulad ng kahit na anumang game show o talent show, ang “Talentadong Pinoy” ay naghahakot ng mga talento ng extra-ordinaryong mamamayan upang itanghal sa kanilang entablado at transmitter. At itong mga talentong ito ang nagsisilbing kapital ng nasabing programa. Ito ang ibinebenta ng programa, habang binibigyan nito ng alternatibo ngunit panandaliang kabuhayan at eskapistang solusyon ang kalakhan ng mahihirap na sumasali at nagpapaloob sa naturang paligsahan. Inilalako rin ng nasabing programa na mayroong sumasali sa “Talentadong Pinoy” na nakikilala sa mundo at nagkakaroon ng pagkakataon na makapasok bilang “world class” entertainer sa mga global na kapitalistang espasyo. Samakatuwid, bukod sa limitado, temporaryo at eskapista ang itinatambol na solusyon sa kahirapan ng nasabing programa, pumapasok rin ito sa pangkabuuang imperyalista at globalisadong kanal ng pang-ekonomiyang kaayusan: ang maging murang lakas-paggawa ng mga imperyalistang kompanya.

Nirerekonstrak naman ng “Face to Face,” ang pinakamabentang show ng TV 5 sa kasalukuyan, ang isang “sabungan ng mamamayan.” Literal na pinagsasabong at pinagsasalubong ang kalakhan ay “masa” na mga bisita na humaharap sa mga suliranin at sigalot, mula sa pinakapersonal hanggang sa pinakapampubliko. Halimbawa ng mga bangayan na ipinatatampok ng programa ay ang agawan ng asawa, agawan ng suki, nakawan ng kakarampot na yaman, murahan at alaskahan, pagkakamali sa medikal na operasyon ng hindi “de-kampanilyang” medical-beauty specialists, selosan, at iba pang personal at domestikong usapin na ibinubunyag sa publiko. Mayroong tribunal o tagapayo ang nasabing programa: mayroong abogado, pari at sikolohista. Ang presensiya ng tatlong tao at propesyon na ito ay ang siyang tila “backbone” ng nasabing programa – na sa dulo ng programa – pagkatapos magsigawan, magmurahan, magsabunutan, magsapakan at mag-alimurahan ang magkaaway na magkabilang kampo – dudulog ang lente ng kamera sa tatlong persona, upang kunin ang kanilang “expert opinion” at “expert recommendation” tungkol sa marahas na karambola ng emosyon at pisikalan. Hindi rin insidental ang pagkakapili sa mga propesyon ng nasabing triumvirate sapagkat nagbibigay ito ng ilusyon ng isang pormal na panlipunang pagsasaayos. Nililigalisa ng abogado ang pampublikong espaktakulo ng bangayan. Minomoralisa ng pari ang pampublikong doble-espaktakulo ng bugbugan. Tinatakluban ng mga sikolohikal na pagsusuri ang pampublikong triple-espaktakulo ng emosyonal na pagngangaratan. Ang tatlong propesyon na ito’y ginagampanan ang lehitimasyon ng isang bayolenteng pagsasabungan sa pagitan ng mga tao.

Sa dalawang anggulo maaaring tingnan kung bakit tinatangkilik ng masa ang “Face to Face.” Una, sapagkat ito ay pang-araw-araw na kuwento, laluna’t ito’y kuwento ng tulad nilang mahihirap, hikahos, at nangangarap ng mas maginhawa at mas masaganang buhay. Maaaring sabihin na may “siwang” sa ganitong kalakaran, sapagkat bagama’t naisasapubliko at natetelebisa ang mga komprontasyong personal, natututunan ng publikong “harapin” ang kanilang mga iringan at patutsadahan. Sa isang banda’y nakabubuo ito ng “alternatibong espasyo” para pag-usapan nang “pormal” ang mga pang-araw-araw na problema ng masa – at mula rito’y makabuo ng pansamantalang resolusyon na maaari ring pangmatagalan ang epekto. Sa inisyal, at sa pinakapayak na antas, nilalayon ng programa na pagbatiin at pagkaisahin ang nagbabangayang mga kampo at indibidwal. Samakatuwid, maaaring mapisil mula sa ganitong naratibisasyon ng mga pang-araw-araw na karanasan ng masa ang isang alternatibong paraan ng pagkakaisa ng mardyinalisadong sektor sa lipunan – at maaaring nagsisilbi rin itong isang extensiyon pangkomunidad o alternatibong komunidad na nagbubukas ng mga puwang para sa mga resolusyon.

Ikalawang anggulo naman ay tinatangkilik ito ng masa sapagkat naging matagumpay ang kapitalistang gimik ng TV 5 – ang pagkasangkapan sa mga personal at domestic problem bilang produktong ibinebenta sa manonood at tumatabo rin sa takilya ng Youtube. Dahil tiyak na may audience, dalawang beses pa kung umere ang “Face to Face”: isa sa tanghali at isa sa gabi. Ang hikayat ng gabi ay ang uncensored na bersiyon nito. Itong matagumpay na pag-empleyo ng nasabing programa sa mga hinanakit at kalapastanganan sa pagitan ng kalakhan ay mahihirap na indibidwal ang siyang nagiging kapital o puhunan ng programa. Malay man o hindi, ang mga kuwento ng diskontento at ang mga akto ng bargasan at ngaratan ay nagiging mabentang produktong ibinibilad sa telebisyon ng programang nabanggit.

Kung sa unang anggulo, makikita ang “pag-aangkin” na nagmumula sa mamamayan ng manonood – inaangkin ang programa bilang alternatibong panlipunang produksyon ng komunidad ng mga nagbabangayan-pero-nagkakaayusan. Ngunit sa anumang anggulo man tingnan, maging ito’y malay o di-malay na nagiging rekonstruksyong kapitalista – sa huli’y nagmimistulang tagapamagitan, taga-tulay, tagapayo at taga-solusyon ang kapitalista ng mga nagkikiskisan at nagbubugbugang mamamayang mahihirap. Sa dulo’y tagumpay pa rin ito ng kapitalismo.

At tulad ng anumang fad at artipisyal na isinusubong espasyo’t pangangailangan, maaaring dumating ang panahon na mauumay ang manonood sa format ng “Face to Face,” sa prediktableng naratibo, sa simula-gitna-wakas na banghay, sa sigawan, murahan, bugbugan, tadyakan, pagpigil ni Amy Perez at ng mga bouncer, ekspertong opinyon at rekomendasyon ng triumvirate ng pari, abogado at sikolohista. Pagdating ng panahon ng pagkauyam na ito, maaaring magreformat ang programa. Dapat i-guest sa programang ito si Noynoy Aquino at ang mamamayang Pilipino.

At sa huli’y kailangang mapag-isip ang manonood at tagapagtangkilik: talaga bang mga “kapatid” ang turing ng TV 5 sa mga tumititig at nakikinig sa kanilang mga de-kahong kapitalistang “inobasyon?” O tulad ng anumang istasyon ng telebisyon at telekomunikasyon ay hinahaltak nito ang manonood sa loob ng kahon ng kapitalistang ilusyon?