(Update) Cafgu na menor-de-edad, nabawi mula sa kustodiya ng AFP
Nabawi nang muli mula sa kustodiya ng Armed Forces of the Philippines (AFP) si Juvi Latiban, menor-de-edad na kasapi ng Civilian Armed Forces Geographical Unit o Cafgu. Ito ay matapos maalarma ang mga grupong nagsusulong ng karapatang pambata sa muling pagkustodiya ng militar sa bata na pinalaya ng New People’s Army (NPA) noong Hulyo 16 […]
Nabawi nang muli mula sa kustodiya ng Armed Forces of the Philippines (AFP) si Juvi Latiban, menor-de-edad na kasapi ng Civilian Armed Forces Geographical Unit o Cafgu.
Ito ay matapos maalarma ang mga grupong nagsusulong ng karapatang pambata sa muling pagkustodiya ng militar sa bata na pinalaya ng New People’s Army (NPA) noong Hulyo 16 sa isang lugar sa Compostela Valley.
Ayon sa ulat na natanggap ng Pinoy Weekly, nasa kustodiya na si Latiban ng Department of Social Welfare and Development at ilalagay sa pangangalaga ng Children’s Rehabilitation Center (CRC) sa Davao City.
Naunang pinalaya ng mga NPA ang 17 taong gulang na si Juvi Latiban nang matuklasan na siya ay isang menor-de-edad at hindi maikokonsiderang prisoner of war sang-ayon sa internasyunal na mga kasunduan sa giyera. Sinaksihan ng mga representante ng lokal na gobyerno, simbahan, at iba pang organisasyon ang pagpapalaya kay Latiban.
Pero ayon sa ulat ng KABIBA Alliance for Children’s Concerns kahapon, Hulyo 21, muling kinuha ng 10th Infantry Division si Latiban. Agad na nagpatawag ng press conference ang grupo para kondenahin ang pangyayari.
Naaresto ng NPA si Latiban kasama ni S/Sgt. Bienvinido Gentugao Arguelles noong Hunyo 19 sa isang tsekpoynt ng mga rebelde sa Monkayo, Compostela Valley. Batay sa pahayag ng menor-de-edad sa NPA, narekrut siya sa CAFGU noong 2008 sa edad na 15 gulang lamang at dumaan sa 45 na araw na sa pagsasanay sa himpilan ng 101st Infantry Brigade sa bayan ng Mawab. Isa lamang umano ni Latiban sa 18 menor-de-edad na opisyal na tinanggap bilang miyembro ng Cafgu.
Kinupirma muli ito ni Latiban sa isang panayam sa Philippine Daily Inquirer matapos ang kanyang pagpapalaya.
Ayon sa pahayag ni Rigoberto Sanchez, tagapagsalita ng Merardo Arce Command, ang pangyayari ay naglalantad sa kasinungalingan ng Armed Forces of the Philippines hinggil sa rekrutment ng mga bata sa kanilang hanay. “We found the smoking gun, so to speak, in so far as the evidence of the AFP’s covert policy of minor recruitment is concerned,” aniya.
Ikinatuwa naman ng mga organisasyong nagsusulong ng karapatang pambata ang boluntaryong pagpapalaya ng NPA kay Latiban.
“Ang kaso niya ay isa lamang sa maraming insidente ng paggamit ng AFP sa mga menor-de-edad sa kanilang operasyong militar at propaganda,” ayon kay Suazo.
Ibinigay na halimbawa ng grupo ang inulat at bineripika ng United Nations Security Council na noong Disyembre 2007, nirekluta sa Cafgu ng mga elemento ng 16th at 59th Infantry Batallion ang mga menor-de-edad na mga katutubo sa probinsya ng Quezon. Noong Enero 2008 naman, isang 17 taong gulang na batang lalaki ang ginamit ng mga elemento ng 3rd Scout Rangers Battalion sa Sorsogon upang magbuhat ng mga backpack ng mga sundalo sa kasagsagan ng kanilang operasyong militar.
Nakikipagtulungan ang KABIBA sa CRC at UN Monitoring and Reporting Mechanism sa pagmonitor sa mga batang apektado sa giyera.
Nanawagan ang grupo na itigil ng AFP ang paggamit sa mga bata sa operasyong militar.