Sa mata ng sigwa

July 20, 2010

Shoot ng isang eksena sa First Quarter Storm sa pelikulang "Sigwa".

Shoot ng isang eksena ng First Quarter Storm sa pelikulang "Sigwa".

rebyu ng Sigwa (2010)
dinirehe ni Joel Lamangan, mula sa iskrip ni Bonifacio P. Ilagan
tampok sina Dawn Zulueta, Zsa Zsa Padilla, Megan Young, Pauleen Luna, Tirso Cruz III, Marvin Agustin, Gina Alajar, Lovi Poe, Allen Dizon, Jim Pabenco, Jay Aquitania, Tony Mabesa, Raquel Villavicencio, at iba pa
pinrodyus ng Cinemalaya, Beginnings at Twenty Plus,Inc., Star Express at Sine Totoo Production

Ibinalik ng pelikulang “Sigwa” (Rage) ang mga manunuod sa henerasyong ito sa bahaging iyon ng kasaysayan – ang first quarter storm na sa aklat ni Jose Lacaba “Days of Disquiet, Nights of Rage” ay tinawag ring makapangyarihang unos ng kasaysayan sa unang kuwarto ng dekada sitenta. Idinirehe ni Joel Lamangan at sinulat ni Bonifacio Ilagan, umikot ang istorya sa mga kabataang aktibista.

Bilang baliktanaw, ginamit din ng pelikula ang flashback na instrumento sa pagtatagni-tagni ng lumipas at kasalukuyan ng mga tauhang nabuhay sa panahong iyon na panandang-bato ng kasaysayan ng kilusang masa sa bansa. Bumalik si Dolly (Dawn Zulueta/Megan Young) mula sa Amerika para hanapin ang anak na nahiwalay sa kanya. Isa siyang Fil-Am na photographer-mamamahayag noong panahon ng sigwa na na-deploy sa bansa na nang lumaon ay sumapi sa kilusang underground.

Habang unti-unting binubulatlat ni Dolly ang mga alaala, unti-unti ring nauukilkil ang kompleksidad ng mga relasyon at sugat ng mga karanasan. Bawat isa sa mga nakasama ni Dolly ay may kuwentong nag-iwan ng mga pilat: si Rading (Jaime Pebanco, Jay Aquitania), Oliver (Tirso Cruz III, Marvin Agustin), Azon (Gina Alajar, Lovi Poe), at Cita (Zsa Zsa Padilla, Pauleen Luna). Maiiba na ang Maynila na nasa alaala ni Dolly nang datnan niya ito tatlumpu’t limang taon ang lumipas. Madidiskubre rin niya na nag-iba rin ang mga dating nakasama niya sa kilusan.

Dolly (Dawn) at Cita (Zsa-zsa): Pagtutuos sa aktibistang nakaraan.

Dolly (Dawn) at Cita (Zsa-zsa): Pagtutuos sa aktibistang nakaraan.

Si Rading, nananatiling kumikilos, pero hindi na aktibista sa salita niya, ay hiwalay sa asawa, at lagi nang di makasundo ang anak, at narahuyo sa pag-inom. Nabulag ang isa niyang mata dulot ng tortyur nang madakip siya ng mga ahente ng estado Si Oliver, sa salita ni Dolly, ay naging 360 degree ang pagbaligtad at mula sa pagkaradikal ay naging tahas-tahasang taga-endorso ng status quo. Hindi na siya nakabalik mula sa lagim ng tortyur na nagtulak sa pagtatraydor sa mga kasama hanggang sa maging presidential spokesperson pa. Ang naging karelasyon ni Oliver, si Cita, sa kabaligtaran ay lalo pang naging matatag sa kanyang pagkilos at naging kasapi ng New People’s Army. Si Azon naman ay naging masasakitin dulot ng tortyur at rape. Bukod sa panghihina ng katawan, inuukilkil din siya ng inilihim na pagtatago sa anak ng kaibigan at dating kasamang si Dolly. Maaalala rin ni Dolly si Eddie ( Allen Dizon) na naging karelasyon ni Dolly at nagpakamatay matapos iwan ni Dolly dahil sa pagiging deep penetrating agent nito.

Binigyan ng human face ng pelikula ang mga aktibista na tao rin naming umiibig, nasasaktan, at nabibigo.

Lumundo ang pagbabalik-tanaw sa burol ng propesor (Tony Mabesa) na nagpamulat sa mga tauhan sa aktibismo noong kabataan nila. Sa burol nagkita-kita muli sina Dolly, Oliver, Cita, at Rading. Duon, pinagtalunan ang relevance ng aktibismo na natagpuan nila noong kabataan. Ito marahil ang puso ng pelikula. Ang paghahanap ni Dolly sa kanyang anak ay alusyon sa paghahanap sa mga naging anak ng Sigwa. Ang pagbabalik-tanaw ay isang uri ng pag-uusisa sa pinagdaanan ng mga anak na iyon, kung paanong binago kaya o pinatatag ng dahas ng danas ng panunupil.