Hacienda Luisita Generation
Hindi mawawala ang mga salitang ‘Hacienda Luisita’ sa bokabyularyo ng mga kabataang naging aktibista nung mga taong 2004 at 2005. Marami ang naluha nung unang ipalabas ang raw footage ng naganap na masaker sa mga paaralan at komunidad. Marami ang nakaranas ng unang rali nila sa isang Lakbayan ng mga magbubukid ng Luisita. Marami rin ang sumama sa mga bisita sa nasabing asyenda para alamin ang kalagayan doon.
Hindi mawawala ang mga salitang ‘Hacienda Luisita’ sa bokabyularyo ng mga kabataang naging aktibista nung mga taong 2004 at 2005. Marami ang naluha nung unang ipalabas ang raw footage ng naganap na masaker sa mga paaralan at komunidad. Marami ang nakaranas ng unang rali nila sa isang Lakbayan ng mga magbubukid ng Luisita. Marami rin ang sumama sa mga bisita sa nasabing asyenda para alamin ang kalagayan doon.
Sa aming mga miyembro ng henerasyong ‘Hacienda Luisita’, naghahalong galit, luha, at kakaibang tawa ang nararamdaman namin sa mga pinaka-bagong balita mula sa lupaing may mantsa ng dugo.
Nakakatawa itong mga payaso na hinaharap sa midya ng management ng HLI at sinasabing mga ‘lider’ ng mga magbubukid. Ngayon lang namin narinig ang mga pangalan nila. Sino’ng paniniwalanaan namin? Yung mga daan-daang magbubukid na nakakasalamuha namin, o itong mga ‘press release leaders‘?
Nakakatawa rin itong mga ‘bagong unyon’ na nagsulputan sa asyenda at pumirma sa kasunduan sa mga Cojuangco-Aquino. Para silang mga ilang partido sa mga pampublikong pamantasan na tuwing eleksiyon lang lumilitaw. Parehong-pareho sila ng kulay: dilaw. Parehong-pareho rin sila ng papel sa buhay: para manlinlang.
Nakakaiyak panoorin kung paano manipulahin ng mga Cojuangco at ng kanilang mga alyado sa midya at gobyerno ang pampublikong opinyon. Inis na inis nga ang isang kakilala ko na nagtapos ng Journalism sa UP. Kilala niya kasi yung isa sa mga nagsulat ng mga balita hinggil sa kasunduan. Halos kinopya lang ang ‘press release‘ ng tagapagsalita ng HLI.
Kung maipinta ang pro-bono na abogado ng mga magbubukid, akala mo siya ay ‘stereotype lawyer’ na mukhang pera. Ang mga aktibista na sa matagal na panahon ang tanging umaalala at bumubuhay sa laban ng mga magbubukid, kung maipinta ay akala mo kung sinong mga tagalabas na nakikialam at nanggugulo lang sa buhay nila. At yung mga magbubukid na ilang henerasyon ng naka-gapos sa lupain bilang mga alipin at nag-buwis ng buhay para wasakan ito, kung maipinta sila ay akala mo kung sino silang mga tamad at laki sa layaw.
Nakakagalit ang lahat ng mga ito. Binabaluktot ng mga Cojuangco-Aquino ang mga batas, kasaysayan, at katwiran para mapanatili ang mga lupa sa kanila. Tinatalikuran nila ang naging kasunduan nung binili ang asyenda, na dapat ay ibigay ito sa mga magbubukid sa loob ng ilang taon. Tinatalikuran nila ang ‘common sense’ na ang dapat nagmamayari sa lupa ay yung tanging nagpapabunga nito.
At nakakagalit ang rehimeng Aquino bilang direktor ng baluktot na dula-dulaang ito. Kung sana ipinamahagi na nila ang Luisita sa mga magsasaka noon pa, hindi na sana nagwelga noong 2004. Hindi na sana naging simbolo ang kanyang pamilya ng pang-aaping 18th siglo sa bagong milenyo. Hindi na sana nadagdagan ang mga tinik sa lalamunan ng kandidatura ni Noynoy. Hindi na sana siya napapahiya ng ganitong kaaga sa kanyang ‘fairy tale presidency’.
Kung may ipanapakita itong palabas, itong moro-moro ni Aquino, ito yun: Wala silang balak bitawan ang kanilang mga prebilehiyo para lang mabigyan ng karapatan ang nakararami. At bakit nga ba nila gagawin ‘yun? Ayon nga sa kaibigan ng pamilyang Aquino na si Christian Monsod: “If you have economic and political power concentrated, you can turn the world on its head.”