Bumibisitang pamilya ng OFW, pinagbabayad ng gobyerno
Isang bagong rekisito para sa bumibisitang pamilya ng mga Overseas Filipino Worker (OFW) sa United Arab Emirates (UAE) at Macau ang tinawag ng mga grupong migrante na panibagong porma ng “pangongotong” ng gobyernong Aquino sa mga OFW. Kamakailan, inihayag ng embahada ng Pilipinas sa Abu Dhabi, Dubai, at Macau na kailangan munang kumuha ng isang notarized […]

Isang bagong rekisito para sa bumibisitang pamilya ng mga Overseas Filipino Worker (OFW) sa United Arab Emirates (UAE) at Macau ang tinawag ng mga grupong migrante na panibagong porma ng “pangongotong” ng gobyernong Aquino sa mga OFW.
Kamakailan, inihayag ng embahada ng Pilipinas sa Abu Dhabi, Dubai, at Macau na kailangan munang kumuha ng isang notarized na Authenticated Affidavit of Support (AOS) ang isponsor ng mga pamilya ng OFW na nais bumisita. Nagkakahalaga ang AOS ng mahigit P1,000.
Dahilan ni Consul General Benito Valeriano ng UAE, isang paraan ito para masugpo ang human trafficking, sa gitna ng mga balitang ginagawang negosyo ang pag-iisponsor sa mga kamag-anak at kaibigan ng mga OFW. Sa halip na bumisita lamang, naghahanap ng trabaho ang mga Pilipino pagdating sa ibayong dagat.
Pero ayon kay Garry Martinez, tagapangulo ng Migrante International, “Isa itong dagdag na pasanin sa mga OFW. Dapat gawin ng gobyerno ang trabaho nitong sugpuin ang human trafficking nang walang dagdag na gastos para sa ating mga OFW.”
Dagdag pa ni Martinez, lalong mahirap para sa mga OFW na pasanin ang AOS dahil papalapit na ang Pasko, kung kailan maraming kamag-anak ang bumibisita sa kanilang mga mahal sa buhay.
Umano’y labag din ang bagong rekisito sa karapatan ng bawat Pilipino na maglakbay sa ibang bansa.
Kinuwestiyon naman ni Yuri Cipriano, tagapagsalita ng Migrante-UAE, ang timing ng nasabing rekisito. “Kamakailan, kinaltasan ang badyet ng Department of Foreign Affairs ng P2-Bilyon. Tila sinisimulan na ng ating mga opisyal sa UAE na punuan ang pagkukulang sa pondo,” aniya.
Sa Macau, nauna nang ipinatupad ang AOS noong 2003, 2006, at 2009, pero itinigil din dahil sa pagtutol ng mga OFW.
“Kapansin-pansin na ibinabalik ang AOS isang taon bago ang eleksiyon,” ayon naman sa coordinator ng Migrante-Macau na si Catalina Yamat, na kinukuwestiyon din ang AOS bilang posibleng balon ng korupsiyon.
Inirereklamo ng mga migranteng Pilipino ang mandatory collection ng iba pang mga bayarin gaya ng Overseas Workers Welfare Administration membership fee, Philippine Overseas Employment Agency processing fee, Medicare, kontribusyon sa Pag-Ibig, at dagdag-singil sa e-passport.
Tinataya ng Migrante International na P32.8-B ang kinokolekta ng gobyerno taun-taon mula sa mga OFW.
“Nakakalungkot, pero wala kaming nakikitang makabuluhan at positibong pagbabago sa ilalim ng administrasyong Aquino. Gaya ng naunang mga administrasyon, tinrato niya ang mga OFW bilang mga gatasang-baka,” ani Martinez.