Pandaigdigang alyansa ng kababaihan itinatag sa Montreal, Canada
Isang pandaigdigang alyansa ng kababaihan ang itinatag ng mahigit 350 indibidwal mula sa 32 bansa, bilang pagtatapos ng Montreal International Women’s Conference sa Montreal, Canada noong Agosto 16 (Agosto 17 sa Pilipinas).
Isang pandaigdigang alyansa ng kababaihan ang itinatag ng mahigit 350 indibidwal mula sa 32 bansa, bilang pagtatapos ng Montreal International Women’s Conference sa Montreal, Canada noong Agosto 16 (Agosto 17 sa Pilipinas).
Tinaguriang International Women’s Alliance (IWA), binuo umano ang alyansa para tipunin ang pinakamalaking bilang ng kababaihan ng mundo para itaguyod ang isang pandaigdigang militanteng kilusang kababaihan, ayon sa mga organisador ng kumperensiya.
Kabilang sa mga bansang may delegado sa kumperensiya ang Pakistan, India, Kyrgyzstan, Mali, Czech Republic, the Netherlands, Germany, Cuba, Guatemala, Ecuador, Mexico, US, Canada, at Pilipinas.
Binuo umano ang alyansa para “paunlarin ang paglikha at pagkokoordina ng mga lokal, rehiyunal at pandaigdigang kampanya, para itaguyod ang suporta sa isa’t isa at pagbabahagi ng mga estratehiya sa pagtutol, at mobilisahin ang kababaihan sa buong mundo sa pakikibaka laban sa imperyalismo, karahasan at kapitalistang globalisasyon,” pahayag ng naturang alyansa.
Sa naturang komperensiya nabuo ang batayan ng pagkakaisa ng IWA, at nagkaisa sa maraming resolusyon at deklarasyon.
Kabilang sa mga kagyat na isyung pinagkaisahan ang pagsuporta sa 490 Tamil refugee mula sa Sri Lanka na dumating sa Vancouver, Canada, sakay ng MV Sun Sea at pagbatikos sa pagkulong ng gobyerno ng Canada sa kanila.
Naging resolusyon din ang pagsuporta sa kababaihan ng Palestine, gayundin ang pagsuporta sa tungkulin ng kababaihan bilang tagapagtanggol ng Pachamama (Mother Earth).
“Dagdag pa, pinatotoo din ng mga participant ang pakikipagkaisa nila sa katutubong komunidad ng Algonquin ng Barrière Lake, Québec, habang nanawagan din para sa pagpapalaaya sa 43 mangagagawang pangkalusugan na ilegal na kinulong sa Pilpinas,” pahayag pa ng mga organisador ng kumprerensiya.
Sinabi rin nila na inaasahang makapaglunsad ang IWA ng unang pangkalahatang asembleya sa loob ng isang taon matapos ang kumperensiya sa Montreal.
Isinagawa mula Agosto 13 hanggang 16 sa Montreal, Canada, inisponsor ng Committee of Women of Diverse Origins ang kauna-unahang Montreal International Women’s Conference na may temang “Building a Global Militant Women’s Movement in the 21st Century.”
Kasama sa tapaglunsad ng kumperensiya ang mga organisasyong Gabriela Philippines, Asian Rural Women’s Network at Action Network for Marriage Migrants Rights and Empowerment (Amorre).