Migrante

‘Anong pagbabago?’, tanong ng migranteng Pilipino


Naglunsad ng kilos-protesta sa iba’t ibang bahagi ng daigdig ang mga migranteng Pilipino sa ika-100 araw sa puwesto ni Pang. Benigno Aquino III, dahil sa malaking pagkaltas sa badyet para sa Overseas Filipino Workers. (Basahin ang kaugnay na istorya hinggil sa budget cut ng mga OFW) Inihayag ng Migrante International na naglunsad ng koordinadong mga […]

Nagpakalbo ang mga OFW sa Saudi Arabia bilang protesta sa ika-100 araw ni Pangulong Aquino (Contributed Photo)
Nagpakalbo ang mga OFW sa Saudi Arabia bilang protesta sa ika-100 araw ni Pangulong Aquino (Contributed Photo)

Naglunsad ng kilos-protesta sa iba’t ibang bahagi ng daigdig ang mga migranteng Pilipino sa ika-100 araw sa puwesto ni Pang. Benigno Aquino III, dahil sa malaking pagkaltas sa badyet para sa Overseas Filipino Workers. (Basahin ang kaugnay na istorya hinggil sa budget cut ng mga OFW)

Inihayag ng Migrante International na naglunsad ng koordinadong mga pagkilos ang mga OFW sa mga bansa sa Gitnang Silangan, Timog Silangang Asya, Europe, at sa Australia, New Zealand, Canada at Estados Unidos para ihayag na hindi pagbabago, kundi ibayong pagpapahirap, ang naramdaman nila sa ilalim ng gobyernong Aquino.

Sa Saudi Arabia, nagpakalbo ang mga OFW bilang protesta. Sa ibang mga bansa, nagpiket ang mga manggagawang Pilipino sa mga embahada o kaya’y nagsagawa ng iba’t ibang mga indoor activity, ayon sa grupo.

Ayon kay Garry Martinez, tagapangulo ng Migrante, walang nagawa si Aquino para sa 108 OFW na nasa death row, mahigit 7,000 na nasa piitan, at libu-libo pang naghihintay ng repatriation. “Sa halip, binawasan pa ang badyet (para sa Legal Assistance Fund at Assistance to Nationals), sa kabila ng milyong dolyar na kinikita ng gobyerno mula sa mga OFW remittances at sa milyon pang nakokotong nito mula sa ating mga OFW,” aniya.

Sa inaugural address ni Aquino, sinabi nitong, “I am ordering the DFA (Department of Foreign Affairs), POEA (Philippine Overseas Employment Agency), OWWA (Overseas Workers Welfare Administration), and other relevant agencies to be even more responsive to the needs and welfare of our overseas Filipino workers.”

Pero ayon kay Pol Par, tagapangulo ng Katipunan ng mga Samahang Migranteng Manggagawa sa Korea (KASAMMA-KO), tila naging hungkag ang utos na ito. “Ni hindi matulungan ng mga embahada at konsulado ang mga OFW dito sa Korea, may lakas pa siya (Aquino) ng loob na bawasan ang badyet na nakalaan para sa amin,” ani Par.

Ayon naman sa Migrante-Australia, “The anticipation, the hope, the change that we were waiting for is running late, if not, it has stumbled and had broken a leg.”

Ipinunto ng mga migrante sa Australia na nagpatuloy ang ekstrahudisyal na pamamaslang at iba pang paglabag sa karapatang pantao. Gayundin, hindi pa rin umano napaparusahan si dating pangulong Gloria Arroyo para sa mga kasalanan nito sa bayan, gaya ng ipinangako ni Aquino.

Sinabi rin ng grupo na ang kabiguan ni Aquino na tugunan ang edukasyon at kalusugan, tunay na reporma sa lupa, at paglikha ng trabaho ay patuloy na nagtutulak ng 4,500 Pilipino kada araw na mangibang-bansa.