Hustisya kay Beng Hernandez patuloy na ipinagkakait


Panayam kay Evangeline Hernandez, ina ng isa sa pinakaunang biktima ng extrajudicial killings sa panahon ng administrasyon ni Gloria Arroyo.

Si Evangeline Hernandez sa tanggapan ng Hustisya sa Quezon City. (Macky Macaspac)
Si Evangeline Hernandez sa tanggapan ng Hustisya sa Quezon City. (Macky Macaspac)

Inilabas kamakailan ng United Nations Human Rights Committee ang isang resolusyon na nagsasabing may pananagutan ang ang gobyerno ng Pilipinas sa pagpaslang kay Benjaline “Beng” Hernandez at tatlo pang kasamahan nito.

Si Beng ay pangalawang pangkalahatang  kalihim noon ng Karapatan-Southern Mindanao Region at pangalawang pangulo ng College Editors Guild of the Philippines nang paslangin siya. Noong Abril 2, 2002, habang nananaliksik hinggil sa tinatakbo ng usapang pangkapayapaan sa isang komunidad sa Arakan Valley si Beng at tatlo pa nitong kasamahan.   Pinaulanan ng bala ang bahay na kanilang tinutuluyan.  Ayon sa imbestigasyon at kahit sa mediko-legal, malapitang pinagbabaril si Beng at iba pang kasamahan niya.

Ikinatuwa ng mga kaanak ni Beng, pati ng ina niya na si Evangeline Hernandez, ang desisyon ng UNHRC. Gayunman, naputol agad ang pagkagalak niya. Napag-alaman kamakailan mula sa mga abogado ng kaso naipinawalang-sala ng lokal na korte ang mga sundalong maysala sa pamamaslang sa isa sa pinakaunang biktima ng ekstrahudisyal na pamamaslang sa ilalim ng administrasyong Gloria Arroyo.

Sa isang panayam ng Pinoy Weekly, ipinahayag ni Evangeline, na ngayo’y convenor ng Hustisya, grupo ng mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao, ang kanyang saloobin hinggil sa kaso.

PW:  Maari bang baybayin ninyo ang prosesong dinaanan ng kaso ni Beng Hernandez, bago ang pinal na desisyon ng UNHRC?

Evangeline Hernandez: Ang kasong multiple murder o massacre ay unang naisampa dito sa DOJ (Department of Justice), taong 2003 nang maisampa ang kaso. Dahil noong 2002, kailangang masinsin ang pag-aayos ng requirements kaya inabutan ng 2003 at habang nakasampa ang kaso sa DOJ, ibinalik ang kaso sa Regional Trial Court sa Kidapawan, kung saan naganap ang krimen/insidente at doon nilitis.  Dininig ang kaso mula 2003 hanggang 2006, apat na taon na wala kaming nakikitang magandang nangyayari sa kaso. Iyong pangunahing suspek na si T/Sgt. Antonio Torilla, ay nakulong pansamantala dahil may warrant of arrest laban sa kanya at may nakitang probable cause sa multiple murder na kasong isinampa laban sa kanya.

Ang nakakapagtaka,  at nakakalungkot para sa pamilya dahil nakapaglagak sila ng tig-P600,000 bawat isa, nakakalap sila ng P1.2 Milyon kaya nakalaya sila (mga suspek).  Kaya nakakalungkot iyon dahil mabigat na kaso, nabigyan sila ng bail.

Kaya noong 2007, nagpasya kaming mga pamilya ni Beng at ng Karapatan, na magsampa ng kaso sa United Nation Human Rights Commission, dahil hindi kami kampante sa mangyayari sa kaso rito. Alam naman natin na noong panahong iyon ay malala ang paglabag sa karapatang pantao at hindi lang iyon, walang napapanagot at nananatiling walang nananagot hanggang sa panahong ito, sa mga taong maysala sa mga paglabag ng karapatang pantao.

Beng Hernandez: Isa sa pinakaunang biktima ng ekstrahudisyal na pamamaslang sa panahon ng administrasyong Arroyo.
Beng Hernandez: Isa sa pinakaunang biktima ng ekstrahudisyal na pamamaslang sa panahon ng administrasyong Arroyo.

PW: Kailan inilabas ang pinal na ruling ng UNHRC sa kaso ni Beng? Ano ang nilalaman ng desisyon?

EH: Noong July 2010, nagbaba ng resolusyon ang UNHRC. July pa pala iyan (pero) August na ito ibinigay sa mismong opisina ng Karapatan, kaya isang buwan muna bago nakarating sa amin at pagkatapos nang buwan ng Agosto.  Isang buwan ang nakaraan, nalaman din namin doon sa lawyer namin sa Davao na humawak sa kaso ni Beng, na nagbaba din nang desisyon  ang Kidapawan Regional Trial Court ng “not guilty” doon kay Sgt.  AntonioTorilla.

Kaya sa halip na medyo sumaya kaming pamilya ng biktima, bigla kaming nalungkot dahil nagbaba din sila nang kasalungat doon sa pagpapanagot  sa nakaraang gobyerno ni Arroyo na may pananagutan sila sa pagpaslang kay Beng at tatlo pa niyang kasamahan, kasalungat naman dito sa ibinabang “not guilty”.  Kaya medyo nahihirapan kami kung paano dalhin ang magkasalungat na desisyon.

Ako personally, naiintindihan ko kung anong mayroon tayong judicial system na umiiral sa Pilipinas ngayon. Totoo nga na justice delayed is justice denied, at hindi nga patas ang laban dito; tama nga ang mga kasabihan pagdating sa judicial system dito. Hindi patas ang hustisya.