Kinaltasan ng pondo, OFW magpoprotesta sa ika-100 araw ni P-Noy
Ikakasa ng mga grupo ng Overseas Filipino Workers (OFW) sa ilalim ng Migrante International ang koordinadong mga kilos-protesta sa Oktubre 8, ika-100 araw sa puwesto ni Pang. Benigno “Noynoy” Aquino III. Ipoprotesta nila ang umano’y hindi pagpaprayoritisa ng gobyerno sa mga OFW at maling alokasyon ng pondo para sa kanila. Kamakailan, binatikos ng Migrante ang […]
Ikakasa ng mga grupo ng Overseas Filipino Workers (OFW) sa ilalim ng Migrante International ang koordinadong mga kilos-protesta sa Oktubre 8, ika-100 araw sa puwesto ni Pang. Benigno “Noynoy” Aquino III. Ipoprotesta nila ang umano’y hindi pagpaprayoritisa ng gobyerno sa mga OFW at maling alokasyon ng pondo para sa kanila.
Kamakailan, binatikos ng Migrante ang “panlilinlang” ng Department of Budget and Management (DBM) para pagtakpan ang pagkaltas sa Legal Assistance Fund (LAF) ng mga OFW.
Binawasan ng Department of Foreign Affairs ang LAF mula P50 Milyon noong 2010 tungo sa P27-M na lamang para sa 2011. Agad na binatikos ito ng mga OFW sa iba’t ibang bansa, dahil labag ang pagkaltas sa Republic Act 10022 o Migrants Act, kung saan nakasaad na P100-M kada taon ang dapat ilaan ng gobyerno para sa LAF.
Bilang tugon, sinabi ng DBM sa House Committee on Appropriations kamakailan na idadagdag nila sa LAF ang cash balances o pondong hindi naggastos noong 2009 at 2010.
Pero ayon kay Garry Martinez, tagapangulo ng Migrante, dapat gamitin ang cash balances para sa mga OFW na may kagyat na pangangailangan, lalo na ang mga nasa death row, piitan o naghihintay ng repatriation. Hindi pa rin umano tapos ang taong 2010 at hindi maaaring itabi ang pondo para sa 2011.
“Labas sa cash balances, ang bagong appropriations para sa mga OFW ay nagkakahalaga lamang ng P54-M. Kaya sa aktuwal, budget cut pa rin ito dahil bumaba ang pondong ilalaan para sa LAF at ATN (Assistance to Nationals), tinataguriang life line ng ating mga OFW,” ani Martinez.
Ang LAF ay pondo para sa mga OFW na nangangailangan ng legal na tulong, habang ang ATN ay para sa repatriation, tulong medikal, at iba pang serbisyo para sa mga migranteng Pilipino.
“Ang budget cuts na ito ay nagpapatunay na hindi maka-OFW ang gobyernong Aquino. Di pa nga natatapos ang 100 days niya, malinaw na ang daang ipinatatahak niya sa atin ay magdudulot pa ng ibayong kahirapan,” ani pa ni Martinez.
Nananawagan ang grupo kay Aquino na dagdagan ang serbisyong sosyal at ipatupad ang tunay na reporma sa lupa at industriyalisasyon, para matugunan ang kawalang-trabaho sa bansa, ang ugat ng puwersahang migrasyon.