Obligasyon kay ‘Goldilocks’
Kapag pinapaliwanag sa mga kabataan ang mga dahilan bakit kailangang maging aktibo sa mga isyung panlipunan, hirap unawain ng mga middle-class ang konsepto ng ‘obligasyon’: Obligasyon kanino? Saan? Anong inoobliga sa akin? Sa mga nagmula sa ganung uri, para bang galing sa ibang mundo ang mga salitang ‘hustisyang panlipunan’, ‘katarungan’, at ‘kabuhayan’. At kung binabasa mo ito, marahil middle-class ka rin.
Kapag pinapaliwanag sa mga kabataan ang mga dahilan bakit kailangang maging aktibo sa mga isyung panlipunan, hirap unawain ng mga middle-class ang konsepto ng ‘obligasyon’: Obligasyon kanino? Saan? Anong inoobliga sa akin? Sa mga nagmula sa ganung uri, para bang galing sa ibang mundo ang mga salitang ‘hustisyang panlipunan’, ‘katarungan’, at ‘kabuhayan’. At kung binabasa mo ito, marahil middle-class ka rin.
E kung mga ganitong bagay: pagkaubos ng tubig, paglubog ng buong Pilipinas sa dagat, pagtaas ng temperature ng buong mundo higit pa sa naranasan natin nung nakaraang tag-init. Mas nauunawaan ba natin? Mas nailalarawan ba natin sa isip natin?
Siguro ang ilan sa atin nabalitaan ang pagkadiskubre sa pinaka-unang planetang ‘Goldilocks’ bukod sa ating mundo. Bakit ‘Goldilocks’? Ang karakter sa kwentong pambata, kung maaalala natin, ay gusto ang ‘lugaw’ na hindi sobrang init at hindi sobrang lamig, ‘tama lang’. Ganun din ang nasabing planeta: tama lang ang mga kondisyon para mabuhay ang tao.
Sa milyon-milyong planeta na nadiskubre sa buong kalawakan, dalawa palang ang ganitong klaseng planeta. At winawasak natin ang isa doon na walang paraan para lumipat sa pangalawa.
May obligasyon ang bawat isang kabataan na lumahok sa mga isyung panlipunan tulad ng mga isyu ng kalikasan. Hangga’t hindi mo pa nadidiskubre ang paraan para mag-‘warp’ papunta sa pangalawang planetang Goldilocks, wala kang karapatang magwalang-bahala.
2.
Pero sa mga ibang kabataan, ‘uso’ na ang pagiging ‘eco-friendly’: paglahok sa mga ‘fun run’ tulad ng ‘Tour of the Butterflies’, paggamit ng bayong imbes na supot na plastik, pagbili ng ‘organic’ (hindi ginamitan ng mga pestidyo at iba pang kemikal) na gulay at prutas, pagpatupad ng mga iskemang ‘waste segregation’ at ‘no styrofoam’ sa mga paaralan, atbp.
Pero tulad ng pagsuot ng damit na may mukha ni Che Guevarra bilang pagrerebelde sa kasalukuyang sistema, walang pang-matagalan at malakihang epekto ang mga ito.
Halimbawa nalang ang pelikulang ‘An Inconvenient Truth’ ni dating bise-presidente ng U.S na si Al Gore. Ipinakita dun na ang napakalaking mayorya ng mga ‘greenhouse gases’ (yung nagdudulot ng matinding pag-bago sa klima natin) ay nagmumula sa dalawang kapitalistang higante: U.S at Tsina. Kaya kahit lumahok pa lahat ng Pilipino sa ‘Earth Hour’, at gawin ito araw-araw, para ka rin lang nagpigil mag-yosi sa kalagitnaan ng kalye ng España.
May matinding deklarasyon ang pangulo ng Venezuela na si Hugo Chavez pagkatapos ng pagbagsak ng ‘Copenhagen Talks’: rebolusyong anti-imperyalista sa buong mundo ang tanging pipigil sa pagkawasak ng pandaigdigang kalikasan. Retorika lamang ba ito ng isang ‘rabble-rouser’, tulad ng kung paano isalarawan ng mga maka-Administrasyon ngayon ang mga estudyante nagpoprotesta laban sa pagkaltas sa pondo ng edukasyon? O may pinaghuhugutan ba itong malalim?
3.
Ayon sa librong ‘Ecology for Beginners’ ni Rius, ang lohika ng kapitalismo at ideolohiyang taglay ng mga kapitalista ay nagbibigay-halaga sa iisang bagay lamang: ang kita at tubo ng kapitalista. Magkakaroon lamang ito ng ‘pakialam’ sa isang isyung panlipunan kung maaari na itong magkaroon ng malaking epekto sa kanilang kita at tubo. Halimbawa, pinagbibigyan lamang ang mga manggagawa kung ang sama-samang pagkilos nila ay banta na sa kanilang mga operasyon.
Ganito rin ang pag-tingin ng kapitalismo sa kalikasan, ayon kay Rius. Sa isang banda, pinaghuhugutan lang ito ng likas-yaman. Sa kabilang banda, pinagtatambakan lang ito ng basura. Hindi naman isda galing Rapu-Rapu ang kinakain ng mga may-ari ng kumpanyang Lafayette. Hindi naman tubig galing ilog Marindique ang iniinom ng mga may-ari ng kompanyang Marcopper. Malayo ang tahanan ng mga pamilyang Dy at Enrile sa parte ng Sierra Madre na kinakalbo nila.
Ang konklusyon ni Rius: walang kakayahan ang kapitalismo na ayusin ang suliranin ng kalikasan, tulad ng kawalan ng kakayahan nitong harapin ang suliranin ng mga manggagawa at iba pang mahirap. Tumutugma ito sa sinabi ni Chavez: tanging sa pagbagsak ng kapitalismo, at sa manipestasyon nito sa kasalukuyan na imperyalismo, mapipigilan ang patuloy na pagkawasak ng mundo.
Sabi nga ng isa pang Marxista na si Mao Zedong, “Higit sa lahat, tao ang mahalaga”. At sino mang nagpapahalaga ng tao ay magpapahalaga sa kanyang tangi at iisang tahanan (sa kasalukuan). At kung rebolusyon ang daang matuwid, tulad ng sinabi ni Chavez at ni Mao, ito ang dapat tahakin ng kabataan.