Proteksiyon ng migrante sa Timog Silangang Asya, kailan maisasakatuparan?
Hinikayat ng iba’t ibang grupong migrante si Pang. Benigno Aquino III na itulak ang pagsasakatuparan ng isang rehiyunal na instrumento ng Association of Southeast Asian Nations (Asean) para sa proteksiyon ng mga migranteng manggagawa. Tumungo ngayong araw si Aquino para sa ika-17 na Asean Summit sa Hanoi, Vietnam. Sa isang konsultasyon kamakailan ng mga Civil […]

Hinikayat ng iba’t ibang grupong migrante si Pang. Benigno Aquino III na itulak ang pagsasakatuparan ng isang rehiyunal na instrumento ng Association of Southeast Asian Nations (Asean) para sa proteksiyon ng mga migranteng manggagawa. Tumungo ngayong araw si Aquino para sa ika-17 na Asean Summit sa Hanoi, Vietnam.
Sa isang konsultasyon kamakailan ng mga Civil Society Organization (CSO) hinggil sa Asean Framework Instrument on Protection and Promotion of Rights of Migrant Workers, nagkaisa ang iba’t ibang grupo na kailangang umusad ang matagal nang nakabinbing implementasyon ng Declaration on the Protection and Promotion of Rights of Migrant Workers.
Ipinagtibay ng mga gobyerno ng bansang Asean ang nasabing deklarasyon sa ika-12 na Asean Summit noong Enero 2007 sa Cebu City.
Naitatag na ang Asean Committee on Migrant Workers (ACMW) noong Mayo 2008, pero hanggang ngayon ay nananatiling naka-deadlock ang mga negosasyon sa pagpapatupad ng instrumentong sang-ayon sa deklarasyon. Layon ng instrumento na iguhit ang karapatan ng mga migranteng manggagawa at ang obligasyon ng mga sending at receiving countries (mga bansang tumatanggap at nagpapadala ng mga migrante). Layon din nitong pahigpitin ang kooperasyon sa rehiyon laban sa human trafficking.
“We expect PNoy to bring up two main points for OFWs in the summit. First is to compel labor-receiving countries to abide by universal conventions and policies with respect to the protection and promotion of the rights of migrant workers. Second is for him to announce his concrete action to fully implement such policies and laws in our own concerned government agencies,” ayon kay Garry Martinez, tagapangulo ng Migrante International, grupo ng mga Overseas Filipino Worker (OFW) sa buong mundo. Kabilang ang Migrante sa mga nag-organisa sa nasabing konsultasyon sa mga CSO.
Hindi umuusad
Sa konsultasyon, inamin ni Victoria Bataclan, assistant secretary para sa Asean Affairs ng Department of Foreign Affairs (DFA), na hindi pa muling nagpupulong ang drafting team ng AMCW simula nang magkaroon ng deadlock sa pulong ng komite noong Disyembre 2009 sa Kuala Lumpur.
Sanhi ng nasabing deadlock ang pagtanggi ng gobyerno ng Malaysia at Singapore (receiving countries) sa mga panukalang inihain ng gobyerno ng Pilipinas at Indonesia (sending countries), kabilang na rito ang pagiging legally-binding ng instrumento ng Asean para sa mga migranteng manggagawa.
“Such impasse provides us with both a challenge ang opportunity to overcome. The Philippines, we all know, have a high stake in ensuring that the impasse is broken and the work that we began in Cebu in 2007 sees the realization that it truly deserves,” sabi ni Bataclan.
Idiin niya na mahalaga ang partisipasyon ng civil society para umusad ang proseso.
Sa konsultasyon, nagbigay si Gabriela Rep. Luz Ilagan ng maikling pagsilip sa mga pandaigdigang instrumento at pambansang batas at polisiya hinggil sa mga migrante. Samantala, ibinigay naman ni Tess Vistro ng Asia Pacific Forum on Women, Law and Development ang pagsilip sa Asean at mga proseso nito para sa CSO engagement kaugnay ng mga migranteng manggagawa.
“Sa zero draft ng AMCW, hindi nakapaloob sa depinisyon ng migranteng manggagawa ang marriage migrants, stateless persons, students and trainees, at women seafarers. Wala rin itong gender perspective para makilala at masiguro ang partikular na karapatan at kalagayan ng kababaihang migrante. Marami pa talagang kailangang gawin,” ayon kay Vistro sa hiwalay na panayam ng Pinoy Weekly.
Ibinigay naman ni Gina Esguerra, pangkalahatang kalihim ng Migrante, ang sitwasyon ng mga migranteng Pilipino, partikular ng kababaihan na karamihan ay domestic worker. Aniya, laganap ang human at sex trafficking, dumarami ang mga migranteng undocumented, at malaki ang social costs ng migrasyon kabilang na ang pagwasak sa pamilyang Pilipino. “Kailangang maibasura ang Labor Export Policy at mapalakas ang kilusang migrante sa antas pambansa at rehiyunal,” sabi ni Esguerra.
Problema ng kababaihang OFW
Sa isinagawang workshops sa konsultasyon, lumabas ang samu’t saring problemang kinakaharap ng kababaihang OFW. Kabilang dito ang karahasan laban sa kababaihan at bata (violence against women and children); kawalang ng mga serbisyo at programa para sa kababaihang migrante sa mga sending at receiving countries; kawalan ng kaalaman hinggil sa mga instrumento para sa kanilang karapatan; kawalan ng partisipasyon sa civil society at proseso ng gobyerno hinggil sa Asean.
Tinukoy din ang kawalan ng political will ng gobyerno para isakatuparan ang mga nananaig na batas at polisiya para sa proteksiyon ng mga OFW. Halimbawa nito ang umano’y pakikipagkutsabahan ng mga opisyal ng gobyerno ng Pilipinas sa mga human traffickers sa loob at labas ng bansa. Tinukoy din ang kawalan ng serbisyo para sa mga undocumented na migranteng manggagawa.
Naglatag ang mga grupo ng iba’t ibang panawagan sa Asean. Kabilang dito ang isang legally-binding na instrumento na sasaklaw sa buong proseso ng migrasyon, mula sa pre-departure hanggang sa reintegration o pagbabalik sa bansang pinagmulan.
Panawagan din nila ang pagpapalawak sa depinisyon ng mga migrante para maisama ang mga undocumented; pagsuporta sa karapatan na mag-organisa; pagkilala sa domestic work bilang trabaho; tanggapan ng Asean na reresponde sa mga reklamo at magpaparusa sa mga lumalabag sa kanilang karapatan; at pagtatag ng isang monitoring body para masubaybayan ang implementasyon ng instrumento.
Kulang pa
Ayon kay Liberty Casco, direktor ng Philippine Overseas Employment Agency at istap ng komiteng itinalaga ng gobyerno para kumatawan sa ACMW, sumang-ayon ang Pilipinas na ipagpatuloy ang trabaho ng drafting team sa kabila ng deadlock, at na palawakin pa ang miyembro ng komite sang-ayon sa rekomendasyon sa Asean Labor Ministers Meeting noong Mayo 2010.
Pero ayon kay Martinez, kulang pa ang ginagawa ng gobyernong Aquino para maobliga ang receiving countries na pumaloob sa mga kahilingan ng sending countries. Direkta umanong repsonsable ang gobyerno sa paglabag sa karapatang pantao ng mga migranteng Pilipino.
Kada taon, tumatanggap ang Migrante ng higit-kumulang 1,500 reklamo ng pang-aabuso sa mga OFW.
Sa buong mundo, ang Pilipinas ang pangatlo sa pinakamaraming ipinapadalang manggagawa sa ibayong-dagat, kasunod lamang ng Tsina at Mexico. Sa Timog Silangang Asya, pinakamarami ang mga OFW sa Singapore at Malaysia.