Kailangan pa nga ba ni Pacquiao si Floyd Mayweather Jr?
Isang pinsala sa orbital bone ang natamong pinsala ni Antonio Margarito sa pakikipagharap niya kay Manny Pacquiao nitong nakaraan lamang. Matapos ang 12 rounds, hindi umubra ang mas mataas na timbang at di-hamak na bentahe sa taas at haba ng abot ng suntok ng Mehikanong si Margarito sa tinaguriang Pambansang kamao ng Pilipinas. Namaga ang […]

Isang pinsala sa orbital bone ang natamong pinsala ni Antonio Margarito sa pakikipagharap niya kay Manny Pacquiao nitong nakaraan lamang. Matapos ang 12 rounds, hindi umubra ang mas mataas na timbang at di-hamak na bentahe sa taas at haba ng abot ng suntok ng Mehikanong si Margarito sa tinaguriang Pambansang kamao ng Pilipinas.
Namaga ang ilalim ng kanang mata ni Margarito matapos ang laban. Nagsimula ito sa ikaapat na round kung saan bumuka ang isang sugat rito. Sa umpisa ng 10th round, tinanong pa siya ng referee kung ilan ang nakataas na daliri nito. Sa 11th round, nilingon pa ni Pacquaio ang referree, upang maaaring itigil na ang laban. Ngunit hindi ito nangyari. “The was no way I was going to quit,” ang saad ni Margarito. “I’m a Mexican, we fight until the end.”
Isa si Margarito ang naitala ni Pacquaio sa kanyang listahan ng mga nagaping Mehikano sa kanyang karera. Nauna na sina Juan Manuel Marquez, Marco Antonio Barrera at Erik Morales sa mga pinagdaanan ni Pacquiao. Matapos ang mga laban na ito, sunud-sunod na titulo at iba’t ibang bigatin na pangalan ang hinarap niya – si David Diaz para sa kanyang lightweight na korona, sina Ricky Hatton, Miguel Cotto at Joshua Clottey.
Bakante ang WBC super welterweight, at nasungkit ni Pacquiao ang kanyang ikawalong tiulo sa iba’t ibang timbang. Mahalaga man ito sa karera ni Pacquiao, di hamak na mahalaga rin ito sa karera ng kanyang nagapi, na bumabangon mula sa pagkakalugmok ng kanyang karera sa isyu ng paglalagay ng cement wraps. May ilan pa na nagsabi na ito ang naging dahilan ng paghina ni Cotto bago pa siya labanan ni Pacquiao.
Ito marahil ang naging interesanteng tanaw sa paghaharap ng dalawa. Na hindi lang basta ang pera ang dahilan ng paghaharap nila kundi may lehitimong titulo ang nakataya.
Titulo na naabot nga ni Pacquiao at maaaring nagsemento na sa Pilipino sa rurok ng katanyagan. Sa pagtatapos ng kanyang 12-round na pagwawagi kay Margarito, tila nag-iwan si Pacquiao ng mensahe sa iniwang pinsala kay Margarito. Na sa kabila ng mga ideyang mas bumigat pa ang Mehikano, o uminom ng weight-loss supplement o kailangan pang bisitahin ni Roach upang siguraduhing walang magaganap na hand-wrap scandal, pinagwagian ni Pacman at iniwan ang sugat sa mas malaking katunggali. Bagay na maaaring nagsasaad na potent ang abilidad ng Pilipino.
At si Floyd Mayweather, Jr?
“My marching orders are to see if the Mayweather fight is feasible,” ang saad ni Bob Arum na promoter ni Pacquiao.
Maaaring ikatlong pagkakataon na ang pakikipagnegosasyon ni Arum upang makumbinsi na ang kampo ni Mayweather, matapos tila itong umayaw sa bawat bigong pakikipagharap niya kay Pacquiao.
Matapos pabagsakin ni Pacquiao si Ricky Hatton, na tinalo rin ni Floyd, siya na mismo ang nagsalita na lalabas siya sa pagreretiro upang maharap niya ang umagaw sa kanyang titulo bilang pound-for-pound king. Ngunit sa unang pagkakataon, umayaw na siya at ginawang usap-usapan ang pagsasagawa ng drug tests sa dugo ni Pacquiao, kasama na rito ang pangungutya ng kampo ni Mayweather sa Pinoy.
Sa bawat pagkakataong nabigo ang paguusap, isang boksingero ang ipinila at iniharap kay Pacquaio. Lumutang ang mga pangalan tulad nina Shane Mosley pati na ang namayapang si Edwin Valero sa listahan ng kanyang maaaring makaharap. At papataas pang timbang ang ipinila sa kanya sa mga mukha nina Cotto, Clottey, at ngayon nga’y si Margarito.
“Mayweather has ducked Margarito in the past,” dugtong pa ni Freddie Roach. “I’m sure this put more fear into him and puts him even further away from wanting to make this fight.”
Iyan ang dapat tignan ni Mayweather, hindi ang kanyang sunud-sunod na pag-ilag sa kanyang pagharap kay Pacquiao. Maraming gutom na ang publiko na makita ang dalawa na maglaban. Maaaring para sa pera, maaaring para sa pride bilang boksingero.
Ang kalungkutan nito, haharap pa sa pagdinig si Mayweather sa isang kasong kriminal sa Nevada, Texas, matapos siyang ihabla sa pagmamaltrato sa ina ng kanyang mga anak, kasama sa pananakot pa sa mga bata. Sa Enero 24 ang susunod na pagdinig ng kanyang kaso.
Ngunit mas malungkot kay Mayweather, maaaring ang pagwawagi ni Pacquiao kay Margarito ay nagbigay na ng mmensahe na hindi na siya kailangan ng Pilipino. Hindi na pinalawig ni Pacquiao ang isyu na ito sa pagtatapos ng laban. At uuwi siya na may mas makabuluhang gampanin sa kanyang bayan.
“I have another job after this,” sabi ni Pacquiao. “I’m going back to the Philippines to do my other job and be a public servant.”
Kailangan pa nga ba ni Pacquiao si Floyd Mayweather Jr?