Kapirasong Kritika

Malay ng Musmos


Ang mga bata ang pinakamahusay na teorista, dahil hindi pa sila nabigyan ng edukasyon para tanggapin ang ating mga nakagawiang praktikang panlipunan bilang ‘natural,’ kaya naggigiit na tapatan ang nasabing mga praktika ng nakakahiyang mga tanong na pangkalahatan at pundamental

/1/

Tulad ng marami sa kahenerasyon niyang Aprikano-Amerikano, laki sa hirap at rasismo si Hosea Williams, isa sa mga naging lider ng Kilusang Civil Rights sa US sa maagang bahagi ng dekada ’60.

Natatandaan niya kung paano, halimbawa, basta na lang ikinukulong ng mga pulis ang mga Itim para pagkatapos ay pyansahan ng mayayamang Puti sa mga usapang pabulong at malihim. Sasabihan ang Itim na hindi na niya kailangang isipin ang pyansa, basta magtrabaho siya sa sakahan ng Puti. At hindi basta magtrabaho: pupunta ka sa sakahan nang madilim, hindi makita ang sariling kamay at aalis ka sa sakahan nang madilim, hindi makita ang sariling kamay. Kung paanong naglalakad siya nang dalawa’t kalahating milya, araw-araw, sa pagpasok sa eskwelahan – para lang daanan, araw-araw, ng mga batang Puti na sakay ng bus na nambabato, nandudura at nangungutya.

Kaya nagsumikap siya, nagtapos ng pag-aaral, naging propesyunal na chemist sa Bureau of Entomology sa Department of Agriculture sa kanyang bayan ng Savannah, Georgia, at naglathala ng maraming publikasyon. Inilarawan niya ang sarili bilang “social climbin’, middle-class Negro.” Pag-amin niya, “Akala ko, pwede mong takasan ang Itim na Amerika sa pamamagitan ng pagiging edukado at propesyunal at pagiging mayaman…” Nakabili siya ng malaking bahay at bagong kotse.

Nang minsang dinidiligan niya ang malawak niyang hardin, natuklasan niyang kapos ang kanyang nabiling hose, kailangan ng ekstensyon. Dinala niya ang dalawang anak, edad anim at walo, sa isang drugstore. Sa nasabing drugstore, may lunch counter, kung saan may mga upuang pwedeng paikutin, at sa panahong iyun ng segregasyon ng Itim at Puti sa Amerika, mga Puti lang ang pwedeng maupo at kumain dito. Naabutan nila ang mga “batang Puti, nakaupo sa mga upuan, nagpapaikut-ikot, kumakain ng hot dog at umiinom ng Coca-cola.”

Hiniling ng mga anak niyang bumili ng sandwich at Coke. Pero alam niya, sa kaloob-looban niya, na ang gusto talaga ng mga anak niya ay maglaro sa mga upuang umiikot. Sabi niya sa mga anak, hindi pwede. Umiyak ang isa. Nangako siyang pagdating sa bahay, magluluto ang nanay ng hot dog at bibili ng Coke. Umiyak ang dalawa at naglupasay sa sahig – na bihirang gawin ng mga anak niya. “At naaalala kong yumuko ako at nagsimulang umiyak, dahil naisip kong hindi ko kayang sabihin sa kanila ang totoo. Ang totoo, Itim sila at hindi pinapayagan ang mga Itim na gumamit ng mga lunch counter.” Binuhat niya ang mga bata at isinakay sa kotse. “Babalik tayo,” pangako niya sa mga anak niya. Noon siya nagsimulang kumilos at naging bahagi ng Kilusang Civil Rights.

/2/

Sa sanaysay niyang “The Significance of Theory” [1990], sabi ng Marxistang intelektwal na si Terry Eagleton,

“Sa lipunang makatarungan, hindi na kailangang gumawa ng mga teoristang radikal ng nakakapagod na paglalantad ng mga mekanismong panlipunan kung paanong sistematikong dinodomina ng isang grupo ng tao ang isa pa, dahil magigimbal o hindi maniniwala ang mga tao kapag inisip na posibleng mangyari ito. Ang mga taong tumitingin sa ganitong pananaw na napaka-romantiko o utopyano ay nakakalimot na may milyun-milyong tao sa mundo ngayon na walang pag-unawa sa mga sistema ng pagdomina at masusuklam dito. Ang mga taong ito ay ang mga bata. Ang mga bata ang pinakamahusay na teorista, dahil hindi pa sila nabigyan ng edukasyon para tanggapin ang ating mga nakagawiang praktikang panlipunan bilang ‘natural,’ kaya naggigiit na tapatan ang nasabing mga praktika ng nakakahiyang mga tanong na pangkalahatan at pundamental, tinitingnan ang mga ito nang may pagtatakang distansya (estrangement) na matagal nang nakalimutan nating matatanda. Dahil hindi pa nila niyayakap ang ating praktikang panlipunan bilang di-maiiwasan, hindi nila nakikita kung bakit hindi natin pwedeng gawin ang mga bagay nang naiiba. ‘Saan nanggaling ang kapitalismo, Nanay?’ kung gayon ang pinakamagandang halimbawang teoretikal na tanong, na kadalasang nakakatanggap ng masasabing Wittgensteinian na sagot: ‘Ganoon lang talaga ang mga bagay, utoy/ineng.’ Ang mga batang nananatiling di-kuntento sa mabuway na sagot na pangmagulang na ito ang mas malamang na maging mapagpalayang teorista, hindi kayang pangibabawan ang pagkamangha sa di-pinapansin ng iba… Ang punto ng mapagpalayang teorya ay ibalik tayo sa pagkabata… Ang tunay na kahirapan ng teorya… ay nagmumula hindi sa pagiging sopistikado nito, kundi sa kabaligtaran – sa hiling nitong bumalik tayo sa pagkabata sa pamamagitan ng pagbasura sa tila natural at sa pagtangging mapayapa ng pabagu-bagong sagot ng matatandang may magandang intensyon.”

/3/

Kumilos si Hosea Williams sa Southern Christian Leadership Conference sa pamumuno ni Martin Luther King, Jr. Sa nasabing organisasyon, si Williams ang boses ng militansya. Ang gawain niya, “imulat ang mga tao, pumunta sa mga bayan at basagin ang pagsakmal ng istruktura ng kapangyarihan sa mga tao… udyukan silang magmartsa, magpiket, magdemonstrasyon, at magpakulong” – dahil mahalaga ang pagpapakulong sa pilosopiya ng civil disobedience ng Kilusang Civil Rights. Siya mismo, nakulong nang hindi bababa sa 96 na beses.

Pero bago pa man niya makilala si King, namuno na siya sa matagumpay na kilusang civil disobedience sa kanyang bayan. Ang plano, maglunsad ng iba’t ibang porma ng sama-samang pagkilos at paglabag sa batas ng segregasyon, kahit humantong sa pagpapabugbog at pagpapakulong – sa bingit, syempre pa, ng kamatayan.

Katakut-takot na aksyon ang inilunsad nila, na nilahukan ng daan-daan at libu-libong tao. Minsan, 400 o 500 estudyanteng hayskul ang kailangang ikulong dahil sa pag-upo bilang protesta sa mga lunch counters na iniyakan ng mga anak ni Williams. Natatawa niyang ikinwento: halos mabaliw ang hepe ng pulisya sa dami ng inaresto at kung ano ang gagawin! Minsan, ikinwadra lang ang mga inaresto sa bakanteng lote na parang mga baka, walang kubeta. Pinapakain sila ng galon-galong pork and beans: bubuksan ang takip ng lata na sasalukan mo ng kamay para makakain.

Hanggang isang madaling araw, inaresto siya. Ang paniwala niya, papatayin na siya. Pinili niyang sumama sa nang-aresto dahil ayaw niyang magkaroon ng alaala ang asawa’t mga anak niya ng pagsabog ng sentido at pagkalat ng utak at dugo niya sa bahay. Sa sukalan na lang kaysa sa bahay. Ikinulong siya at pinahirapang makapagpyansa. Samu’t saring problema ang naisip niya sa kulungan – na itinuring niyang “pagsubok” sa Kristiyanong pag-unawa niya, para sa naghihintay pang mas malalaking laban.

Gustung-gusto na niyang makalabas sa piitan nang may mayamang Puti na nag-alok sa kanya ng pyansa. Sagot niya rito sa telepono, “G. Lane, kung ilalabas ninyo ako rito ngayon pero may segregasyon pa rin sa mga lunch counter at restawran at iba pa, ibabalik lang din ninyo ako bukas dito dahil mamumuno ako ng isa pang martsa.” Tumatawang sabi niya pagkatapos, “Hindi ako naniniwalang gagawin ko iyun kung nailabas ako, pero sinabi ko sa kanya iyun.” At naghapag ang mayamang Puti ng plano para sa desegregasyon.

Isang araw, ilang taon pagkatapos, bumalik siya at ang mga anak niya sa drugstore. Nakaupo na silang mag-aama sa lunch counter. Nakapagpaikut-ikot na sila sa mga upuan. Wala nang magawa ang Puting may-ari, dahil nabasag na noon ang segregasyon.

/4/

Galing ang salaysay tungkol kay Hosea Williams sa libro ng kasaysayang oral na My Soul is Rested: Movement Days in Deep South Remembered [1977] na inedit ni Howell Raines. Lumalabas sa ibang artikulo, gayunman, na napariwara sa Kanan paglaon ang pulitika ni Williams. Syempre pa, hindi rin sa desegregasyon natapos ang rasismo kontra sa mga Aprikano-Amerikano; nagpapatuloy ngayon ito sa iba’t ibang porma. Hindi namemenos ng mga katotohanang ito, gayunman, ang ambag ni Williams at ang halaga ng tagumpay ng desegregasyon sa US.

Maligaya at mapagpalayang Pasko sa lahat!

23 Disyembre 2010