Migrante

1,000 Pinoy sa HK: ‘Sagipin ang aming trabaho’


Mahigit 1,000 Overseas Filipino Worker (OFW) ang nagmartsa sa Central, Hong Kong noong Disyembre 12 para tutulan ang mandatory insurance na nagresulta sa pagkabinbin ng mga kontrata sa trabaho ng daan-daang Pilipino sa nasabing bansa. “The new mandatory insurance scheme has already resulted to employers backing out from hiring OFWs while other OFWs have been […]

Mahigit 1,000 OFW, nagmartsa sa Central, Hong Kong dahil sa pagkabinbin ng kanilang mga kontrata dahil sa mandatory insurance. (Contributed Photo)
Mahigit 1,000 OFW, nagmartsa sa Central, Hong Kong dahil sa pagkabinbin ng kanilang mga kontrata dahil sa mandatory insurance. (Contributed Photo)

Mahigit 1,000 Overseas Filipino Worker (OFW) ang nagmartsa sa Central, Hong Kong noong Disyembre 12 para tutulan ang mandatory insurance na nagresulta sa pagkabinbin ng mga kontrata sa trabaho ng daan-daang Pilipino sa nasabing bansa.

“The new mandatory insurance scheme has already resulted to employers backing out from hiring OFWs while other OFWs have been informed that their getting rehired is still in question,” ayon sa manipesto na pinirmahan ng 130 organisasyong migrante sa Hong Kong.

Inihayag ng mga OFW na hindi kinakailangan ang mandatory insurance. Umano’y isang dagdag na pabigat ang $144 na pinababayaran ng gobyerno bilang rekisito sa pagtatrabaho, at na isa itong “polisiya ng ganid na gobyerno.”

Ipinatupad ng Philippine Overseas Employment Agency (POEA) ang mandatory insurance noong Nobyembre 8 sa bisa ng Memorandum Circular 09.

Ngunit ayon sa mga OFW, mayroon nang dalawang tipo ng insurance na sumasaklaw sa mga migranteng manggagawa sa nasabing bansa. Ang isa ay binabayaran nila sang-ayon sa Employment Ordinance ng Hong Kong hinggil sa mga dayuhang manggagawa, habang ang isa ay binabayaran nila sa Overseas Workers Welfare Administration.

Dagdag pa nila, bagaman inoobliga ng POEA ang mga employer na bayaran ang mandatory insurance, nangangamba silang ipapasa rin ng mga employer sa kanila ang nasabing bayarin.

Pagsusuri ng mga OFW, bahagi ang mandatory insurance sa plano ng gobyernong Aquino na ilipat sa pribadong sektor ang responsabilidad ng pagbibigay ng serbisyo at proteksiyon sa mga OFW. Ebidensiya umano nito ang pagkaltas ng halos P100 Milyon sa badyet ng Department of Foreign Affairs na nakalaan para sa mga OFW. (Basahin ang kaugnay na istorya)

Sentimiyento ng mga OFW, ipinapasa ng gobyerno sa kanila ang responsabilidad ng proteksiyon. (Contributed Photo)
Sentimiyento ng mga OFW, ipinapasa ng gobyerno sa kanila ang responsabilidad ng proteksiyon. (Contributed Photo)

“The Philippine government should uphold its responsibility to OFWs. It should not pass this on to the private sector and especially not to OFWs,” ayon sa manipesto.

Kabilang sa mga sumama sa kilos-protesta at pumirma sa manipesto na isinumite sa konsulado ng Pilipinas sa Hong Kong ang United Filipinos in Hong Kong (UNIFIL-MIGRANTE-HK), Filipino Migrant Workers’ Union, Filipino Women Migrant Workers Association, Gabriela Hong Kong, Abra Migrant Workers Welfare Association, Association of Concerned Filipinos, Methodist International Church Filipino Fellowship, Kabayan Overseas Workers Association, Consolidated Filipino Community Brigade, at iba pa.