P-Noy hinamon na kondenahin ang diktadura ni Mubarak
Hinamon ng grupo ng mga Overseas Filipino Worker (OFW) si Pang. Benigno Aquino III na tumulong sa pagresolba sa tunggalian sa Egypt sa pamamagitan ng pagkondena sa 30-taong diktadura ni Hosni Mubarak. Ayon kay Garry Martinez, tagapangulo ng Migrante, ang pagbaba sa poder ni Mubarak ang tanging makapagsisiguro ng kaligtasan ng tinatayang 6,500 OFW sa […]

Hinamon ng grupo ng mga Overseas Filipino Worker (OFW) si Pang. Benigno Aquino III na tumulong sa pagresolba sa tunggalian sa Egypt sa pamamagitan ng pagkondena sa 30-taong diktadura ni Hosni Mubarak.
Ayon kay Garry Martinez, tagapangulo ng Migrante, ang pagbaba sa poder ni Mubarak ang tanging makapagsisiguro ng kaligtasan ng tinatayang 6,500 OFW sa Egypt, na ngayo’y binabayo ng malawakang protesta ng mga mamamayan.
Sa isang pahayag, sinabi ng lider-migrante na hindi sapat ang pahayag ng Department of Foreign Affairs (DFA) at embahada ng Pilipinas sa Cairo na ginagawa nito ang lahat para masiguro ang kaligtasan ng mga OFW. Naglaan na ang DFA ng P25-Milyon para sa kanilang paglikas.
“May responsabilidad din ang gobyerno na maging malinaw sa posisyon nito hinggil sa diktadurang Mubarak, at suportahan ang umiigting na pandaigdigang panawagan sa kanya na bumaba sa poder,” ani Martinez.
Puna ng grupo, ni hindi kinondena ni Aquino ang pagsara sa Internet at iba pang linya ng komunikasyon sa Egypt. Apektado sa hakbang na ito ang mga Pilipino na nais makausap ang kanilang mga mahal sa buhay sa gitna ng krisis.
“Lehitimo at makatwiran ang ipinaglalaban ng mamamayan ng Egypt. Sa halip na pahagingan pa ang mga demonstrador, na para bang kasalanan ng mga nagpoprotesta na sila ay dinarahas, tinatanggalan ng mga karapatan at pinapatay, dapat kondenahin ni Aquino ang diktadurang Mubarak,” dagdag pa ni Martinez.