Sports

Smart Gilas bigong magkampeon sa Dubai


Dubai, UAE – Bigo ang Smart Gilas-Pilipinas na masungkit ang kampeonato sa ika-22 Dubai International Basketball Championship na ginanap sa Al Ahli Club Sabado ng gabi. Ginamit ng Al Etihad Egypt ang kanilang taas at nagpaulan ng sunod-sunod na 3-points para masilat ang Smart Gilas sa iskor na, 84-75. Una na ring tinalo ng Al […]

Ang koponan ng Smart-Gilas na nakakuha ng ikalawang puwesto sa katatapos na 22 Dubai International Basketball Championship.

Dubai, UAE – Bigo ang Smart Gilas-Pilipinas na masungkit ang kampeonato sa ika-22 Dubai International Basketball Championship na ginanap sa Al Ahli Club Sabado ng gabi.

Ginamit ng Al Etihad Egypt ang kanilang taas at nagpaulan ng sunod-sunod na 3-points para masilat ang Smart Gilas sa iskor na, 84-75.

Una na ring tinalo ng Al Etihad ang Smart Gilas sa una nilang pagtatagpo noong elimination round.

Pukpukan at mainitan ang labanan. Nagkainitan pa nga ang parehong import ng magkabaling team na sina Marcus Douthit ng Smart Gilas at Darren Kelly ng Egypt na kapwa pinaalis sa basketball court ilang minuto pa lamang ang nakalilipas sa laro.

Dahil sa kawalan ng dating LA Lakers draftee na si Douthit, kinulang ng taga-rebound ang Smart Gilas at nahirapan silang makatira  sa loob.

Subalit nauna namang nakalamang ang Smart Gilas sa unang hati ng laban. Pinagtulungan nina Mac Baracael, Cris Tiu at Aldrech Ramos na mabigyan ng limang puntos na kalamangan ang Pinas sa iskor na 21-16, sa first quarter. Lumobo pa ang kanilang kalamangan sa pagtatapos ng second quarter sa iskor na 44-33.

Bigla namang nabago ang ihip ng hangin sa third quarter, nang magsimula nang magpaulan ng sunod-sunod na 3-points ang Egypt at pinahirapan nang makakuha ng rebounds ang Smart Gilas.

Lumamang ang Al Etihad ng dalawang putos, 57-55, sa pagtatapos ng third quarter at hindi na nila hinayaang makabawi ang Smart Gilas.

Sinisi ni Smart Gilas coach Rajko Toroman sa kanilang pagkatalo ang hindi patas na tawag ng mga referee at pagkakasipa kay Douthit na una naman umanong siniko ng manlalaro ng Egypt.

Hindi naman magkahumayaw ang suportang ibinigay ng libu-libong Pinoy sa Dubai na laging dumadagsa sa lahat ng laban ng kanilang koponan.

Ang torneo ay dinaluhan ng mga koponan na tig-dalawang koponan mula sa UAE at Syria, at tatlo mula sa Lebanon. Tig-isang koponan lamang ang ipinadala ng Egypt at ng Pilipinas.

Susunod na maglalaro ang Smart Gilas sa darating na PBA Conference at sasabak naman sila sa Fiba Asia Championship mula September 15- 25 sa Wuhan, China. Target nilang mag-kampeon para makapasok sa 2012 London Olympics.