Tatlong tula sa demolisyon


Tatlong tula tungkol sa demolisyon ng mga bahay ng mga maralitang taga-lungsod sa Jose Corazon de Jesus sa San Juan.

Jose Corazon de Jesus

Sa pusod ng lupa kung saan itatayo
ang nagtatayugang mga gusali, resort ng luho
at bahay-pamahalaang ang noo at bulsa ng puso
ay tatatakan ng ganito: “SAN JUAN: DAKILANG BAYAN,”
sinakal ng kanilang mga tear gas
ang bunsong hininga ng mga bata at sanggol.
Ilang bote ng dede ang nabitawan?
Ilang bote ng dede ang gumulong sa kanal?
Ilang bote ng kawalang muwang
ang binasag ng inyong pasistang karahasan?
Ilan?
Sagutin nyo ito, mga ginoo,
bago nyo sumahin at bilangin kung magkano
ang inyong kita at tubo
dulot nang inyong hindi marendahang
kasakiman at kontra-mahirap
na umano’y programang pangkaunlaran.
Dahil kung hindi, gaano man limpak-limpak
ang inyong hawak, may boteng basag
sa inyong palad; hihiwa, susugat
hanggang sa ubod ng inyong konsensya’t ulirat.

-Richard R. Gappi
10:42PM, Miyerkules, 26 Enero 2011
Angono, Rizal, Pilipinas