Kapirasong Kritika

Bad Boy Badiou


Sa kanyang pananalita tungkol sa kakatapos na pag-aalsang masa sa Tunisia, pinaksa ni Alain Badiou, pilosopong Pranses na dating Maoista at nagpapakilalang komunista, ang tampok na porma ng nasabing pag-aalsa: ang rayot (riot). Sa pamamagitan ng punto-palasong ito, tinutuhog na rin niya ang naganap na pag-aalsang masa sa Egypt (masyado na yatang luma at Biblikal ang salitang “Ehipsyo”) at mga aksyong masa sa iba’t ibang bansa sa nakaraang mga taon.

Sa kanyang pananalita tungkol sa kakatapos na pag-aalsang masa sa Tunisia, pinaksa ni Alain Badiou, pilosopong Pranses na dating Maoista at nagpapakilalang komunista, ang tampok na porma ng nasabing pag-aalsa: ang rayot (riot). Sa pamamagitan ng punto-palasong ito, tinutuhog na rin niya ang naganap na pag-aalsang masa sa Egypt (masyado na yatang luma at Biblikal ang salitang “Ehipsyo”) at mga aksyong masa sa iba’t ibang bansa sa nakaraang mga taon.

Rayot – “mga aksyon sa lansangan ng mga taong gustong magbagsak ng gobyerno sa pamamagitan ng iba’t ibang antas ng karahasan.”

Aniya, “Ang partikular na problema ng rayot… ay inilalantad nito ang Estado sa pampulitikang pagbabago (ang posibilidad ng pagguho nito), pero hindi nito kinakatawan ang pagbabagong iyan: hindi ibinabadya ng rayot ang pagbabago sa Estado. Ito ang mayor na kaibahan nito sa rebolusyon, na sa sarili nito ay naghahain ng alternatiba. Iyan ang dahilan kung bakit laging nagrereklamo ang mga nagrayot na ang bagong rehimen ay katulad lang ng luma.” Halimbawa niya: Sa Rusya bago ang 1917, “ang partido, ang tipong nilikha ng [Russian Social Democratic Labor Party] at pagkatapos ng mga Bolshevik, ay isang istrukturang tahas na idinisenyo para buuin ang sarili na alternatibong kapangyarihang kahalili ng Estado.”

Sabi ni Badiou, dapat kilalanin ang negatibo o mapangwasak na kapangyarihan ng rayot: “gumuguho, nang simbolikal kahit paano, ang kinasusuklamang kapangyarihan.” Pero, pahabol na tanong niya, “ano ang pinagtitibay?” Sa ibang salita, ano ang aspektong positibo ng rayot, ang itinatayo, binubuo nito?

Tila para kay Badiou, larangan pa ng tunggalian ang sagot sa tanong na ito. Sa isang banda, pwedeng ang tunguhin ng mga rayot ay ang “pagsaklaw ng Kanluran” sa Tunisia – at sa gayo’y sa Egypt at iba pa. Sa kabilang banda, pwedeng ang tunguhin ay “tunay na pagbabago” sa porma ng “de-Kanluranisasyon.”

Kanluran, sa pakahulugan ni Badiou – “ang kalipunang binuo ng ekonomiyang maka-merkado at demokrasyang parlamentaryo, kalipunang inihahain bilang di-maaalpasang kalakaran…” Tinatawag din nito ang sariling “pandaigdigang komunidad,” “sibilisasyon,” at “kapangyarihang Kanluranin.” (Hawig dito ang babala ng ekonomistang Egyptian na si Samir Amin kaugnay ng pag-aalsang masa sa bansa niya: hindi malulunasan ang mga ugat ng pag-aalsa kung mananatili ang papalit na gobyerno sa mga patakarang neoliberal.)

Mas mauunawaan ang halaga ng mga komento ni Badiou sa rayot sa Tunisia, na may pagkakahawig din sa pag-aalsang masa sa Egypt at ibang bansa sa usaping pinapatampok niya, sa konteksto ng mga sanaysay niyang “The Communist Hypothesis” [2008], “The Courage of Obscurantism” [2010] at, malamang, sa iba pang sulatin. Sa mga sanaysay na ito, naghahain siya, bukod sa iba pang bagay, ng peryodisasyon o pagyuyugto ng mga kilusan at rebolusyon sa kasaysayan na nagsulong ng tinatawag niyang “komunistang hypothesis.”

Sa bansag niyang “komunistang hypothesis,” tinutukoy ni Badiou ang bungkos ng mga prinsipyong ipinaglaban ng mga kilusan at rebolusyong mapagpalaya, sosyalista at komunista sa kasaysayan. Sa pagsasabing “hypothesis,” iniuugnay niya ang nasabing mga prinsipyo sa historikal na “pagkabigo” ng mga kilusan at rebolusyong ito. “Hypothesis” dahil kailangan pang patunayang posible sa praktika, sa paglikha ng bagong mundo.

Narito ang kanyang peryodisasyon:

(1) Rebolusyong 1848 hanggang Komuna ng Paris ng 1871 – panahon ng malawakang pagkakatatag ng komunistang hypothesis. “Iniuugnay nito ang popular na kilusang masa sa pag-agaw ng kapangyarihan, sa pamamagitan ng insureksyunistang pagbabagsak sa namamayaning kaayusan; papawiin ng rebolusyong ito ang lumang mga porma ng lipunan at itatatag ‘ang komunidad ng mga magkakapantay’.” Rumurok ito, gayunman, sa “radikal na pagkabigo” ng Komuna ng Paris.

(2) 1871 hanggang 1905/1917 – panahon ng rurok ng Europeong imperyalismo at paghahati-hati sa mga rehiyon ng mundo.

(3) 1905/1917 hanggang 1976 (pagkamatay ni Mao Zedong, pagtigil ng Dakilang Proletaryong Rebolusyong Pangkultura sa Tsina) – panahon ng pangalawang yugto ng pagsasakatuparan ng komunistang hypothesis. Dominanteng tema nito ang partidong komunista at pangunahing islogan nito ang “Disiplina ang tanging armas ng mga taong walang pag-aari.” Nakatutok ito sa tagumpay na ang “prinsipal na ekspresyon” ay ang “disiplinang bakal” ng mga partidong komunista, at sa matatag na paghawak sa kapangyarihan laban sa ganting salakay ng mga kaaway.

(4) 1976 hanggang kasalukuyan – panahon ng reaksyunaryong pagpapatatag, ng pagguho ng mga kilusan at rebolusyong komunista sa mundo, ng kontra-rebolusyonaryong pagpapalabo ng pagbasa sa naunang yugto.

(Hindi ko magawang hindi magkomento sa magkaibang rehistro ng salitang “komunismo” sa magkaibang konteksto. Sa mga abanteng kapitalistang bansa, kung saan mahina o mabaho ang mga partido komunista, may tunog na abstrakto’t pilosopikal ang pagteteorya ni Badiou sa “komunistang hypothesis” – tipong uso sa mga klasrum at kumperensya, hindi mapanganib sa mga kolektiba at komunidad. Pero sa Pilipinas, iba ang kalagayan dahil malakas ang partido komunista na sobrang kinapapraningan ng Estado at imperyalismo.

Naalala ko tuloy ang isang kaibigang aktibistang nag-organisa ng mga magsasaka. Komo Comparative Literature ang kurso niya, may dala siyang kopya ng librong Marxism and Form [1971] ni Fredric Jameson sa kanayunan – na kinailangan niyang upuan nang minsang matapat ang dyipni na sinasakyan niya at mga kasamahan sa isang checkpoint ng militar. “Ikakapahamak ko pala itong si Jameson,” buntong-hininga niya pagkatapos.)

Ayon kay Badiou, sumisibol ang “disposisyon ng mga nagrarayot” na ipinakita ng mga mamamayan sa Tunisia at iba pang bansa sa mga tinatawag niyang “yugtong pagitan (interval period)” sa kanyang peryodisasyon, ang Numero (2) at (4) sa itaas. Paliwanag niya, “May serye kung saan naililinaw ang rebolusyunaryong lohika at kung saan lantad nitong naipapakilala ang sarili na alternatiba.” Sinusundan ito, aniya, “ng yugtong pagitan kung saan hindi pa naipapasa sa kahit sino ang rebolusyunaryong ideya, at kung saan hindi pa ito natatalakay, hindi pa nahuhubog ang bagong alternatibong disposisyon.”

Paliwanag niya, “Sa mga panahong ganito, masasabi ng mga reaksyunaryo, dahil nga may depekto sa alternatiba, na nagbalik na ang mga bagay sa natural nilang katayuan.” Sa ganitong yugto raw, “umiiral ang diskuntento pero hindi ito mabigyang-hugis dahil hindi nito makuha ang pwersa nito sa isang pinagsasaluhang ideya. Ang kapangyarihan nito, sa esensya, ay negatibo” – ang pwersahing lumayas ang mga nasa gobyerno.

Bagamat tila pagbubungkos lang ng mga pangyayari sa kasaysayan ng daigdig – sa mga panahon ng paghupa at pag-agos ng mga kilusan at rebolusyong komunista, kumbaga – ang ginawa ni Badiou sa mga sulatin niya, hindi simple at sa gayo’y madaling tanggapin ang kanyang peryodisasyon. Mahigpit na kaugnay ng ganitong pagyuyugto ang sumusunod niyang hatol na laman din ng “The Communist Hypothesis”:

>> “Naging angkop na kagamitan ang partido para ibagsak ang mga napahina nang rehimeng reaksyunaryo, pero napatunayang hindi angkop sa pagbubuo ng ‘diktadura ng proletaryado’ sa pakahulugang ibig sabihin ni Marx – isang pansamantalang Estado, nag-oorganisa ng transisyon patungo sa di-Estado: ang diyalektikal nitong ‘pagpanaw.’ Sa halip, humantong ang partido-Estado sa isang bagong porma ng awtoritaryanismo… napatunayan na ang prinsipyong maka-Estado ay bangkarote at, sa matagalan, hindi epektibo.”

>> Aniya, “Ang Marxismo, kilusang manggagawa, demokrasyang pangmasa, Leninismo, partido ng proletaryado, sosyalistang Estado… ay hindi na talaga kapaki-pakinabang sa ating lahat ngayon.” Malinaw ang paghusgang laman ng pahayag na ito, kahit pa may kasunod na pabalat-bungang “Sa antas ng teorya, tiyak na karapat-dapat sila sa higit pang pag-aaral at konsiderasyon, pero sa antas ng praktikal na pulitika ay hindi na sila magamit” – na para bang isang “propesyunal na rebolsyunaryo,” sa pakahulugan ni Lenin, ang nagsasalita at hindi isang propesor ng pilosopiya.

Minsan, tinuligsa ni Badiou si Slavoj Zizek, pilosopong Slovenian na nagpapakilala ring komunista, sa paglunok ng huli sa isang butil ng propagandang kontra-Mao Zedong – at mahal talaga ni Badiou si Mao. Pero sa kanyang paghusga sa kasaysayan ng pagsasakatuparan sa komunistang hypothesis ay nilulunok din ni Badiou ang mas mapanlahat at mapaminsalang linya hinggil sa komunismo ng mga liberal na intelektwal, na lagi rin niyang tinutuligsa: “Maganda ang inyong ipinaglalaban; pero nagdudulot ng delubyo ang inyong mga pamamaraan.” Hindi siya tututulan ng mga kontra-komunista sa mga prinsipyong sinasabi niyang bahagi ng komunistang hypothesis – pero todong kakampihan din siya ng mga ito sa pagwawaksi sa mga itinuturing na armas sa arsenal ng pakikibaka para sa komunismo.

Tama si Badiou sa paglulugar ng mga rayot sa Tunisia at iba pang bansa sa kalagayang mahina sa buong mundo ang mga kilusan at rebolusyong komunista. Totoo namang walang malakas na kampo ng mga gobyerno at kilusang nagsusulong ng komunismo ngayon. Ang hinala ko, sa kaso ng Egypt, hindi napatagal nang todo ni Hosni Mubarak ang pagmamaniobra at paghawak sa kapangyarihan kung mayroong malakas na kampong sosyalista sa buong mundo – kung ang bawat maliit na kaguluhan ay kapapraningan at maagap na tatapusin ng imperyalismong US dahil magdudulot ng paglakas ng nasabing kampo.

Pero humantong lang si Badiou sa malamya at malabong bisyon ng “de-Kanluranisasyon,” dahil ibinabasura niya ang mga kagamitan ng mga manggagawa at mamamayan ng daigdig sa pakikibaka para sa tunay na pagbabago.

13 Pebrero 2011