Batas militar sa Dole Philippines?


Sa bisperas ng certification election, gumagamit ang manedsment ng multinasyunal na korporasyon at militar ng “maruming taktika” para takutin ang mga manggagawang sumusuporta sa ng popular na militanteng unyon dito.

May matinding presensiya ng militar at gumagamit ang manedsment ng “maruming taktika” sa kampanya kontra sa certification election ng isang militanteng unyon ngayong Pebrero 22 sa loob ng higanteng transnasyunal na plantasyon sa Polomolok, South Cotabato.

Ito ang napag-alaman ng imbestigasyon ng Center for Trade Union and Human Rights (CTUHR) sa eleksiyon para sertipikasyon ng unyon ng mga manggagawa sa Dole Philippines.

“Ngayong umaga, nagtangka ang militar na lumapit sa lugar ng botohan sa dahilang nagtsetsek sila ng posiblang mga pasabog, pero pinaalis ang mga ito ng Tripartite Monitoring Team,” ulat ng CTUHR.

Nasaksikahan din umano ng CTUHR at iba pang saksi na may malaking presensiya ang mga elemento ng 27th Infantry Battalion ng Philippine Army sa mga komunidad ng Dole Philippines, at sa Brgy. Asuncion sa lugar.

“Tinatayang alas-singko ng hapon (noong Pebrero 21), nagsasagawa ng miting de avance ang militanteng unyon na Amado-Kadena-National Federation of Labor Unions-Kilusang Mayo Uno (AK-Naflu-KMU) nang dumating ang isang trak ng 6×6 ng militar. Noong gabi, tatlong beses dumaan ang militar sa harap ng AK-Naflu-KMU matapos mag-ikot sa komunidad,” sabi pa ng CTUHR.

Nadisukbre din ng CTUHR ang tangkang panunuhol diumano ng mga miyembro ng ng isang “dilawan at maka-manedsment” na unyon na LEAD-PH sa mga manggagawa ng Dole Philippines.

A fact finding team was immediately dispatched to [Polotana] and a woman worker (name undisclosed for security reasons) of Dolefil confirmed that four members of LEAD PH knocked on her door a few minutes earlier and offered her 1000-pesos to boycott the union elections.  The members of LEAD PH were riding two motorcycles and the residents even noticed them removing the plate numbers of their motorcycles,” ayon sa CTUHR.

Kinondena ni Elmer “Bong” Labog, tagapangulo ng KMU. ang naturang aksiyon ng militar, manedsment at LEAD-PH na nanghaharas at nananakot at paninira sa mga militanteng unyon at sa manggagawa na sumusuporta sa naturang AK-Naflu-KMU.

“Tulad sa iba pang kompanya sa buong bansa, ang mga tunay na maka-manggagawang unyon ay binabansasang prente ng mga komunista. Sa pagtatangkang gawing legal ang maruming taktika ng mga manedsment at militar upang wasakin ang mga unyon,” ani Labog.

‘Berdugo’ sa Dolephil?

Samantala, nangangamba rin ang CTUHR sa pagdeploy kamakailan ng militar sa lugar kay Col. Ricardo Visaya, isa sa naging mga susing tauhan ni retiradong Hen. Jovito Palparan na tinaguriang “berdugo” at tagalabag ng karapatang pantao sa mga lugar na dineployan niya.
“Nangangamba kami kay Col. Visaya, bilang bagong kumander at dahil hindi siya kasama sa mga lumagda sa Social Accord. Baka simpleng hindi niya kilalanin ang kasunduan. Maaaring gamitin itong dahilan ng mga militar upang ipagpatuloy ang kampanya para siraan ang AK-Naflu-KMU,” ani Daisy Arago, executive director ng CTUHR.

Lumagda umano noong Enero 31 ang manedsment at AK-Naflu-KMU ng “Social Accord” para sa “malinis at tapat na eleksiyon.”

Idinagdag naman ni Labog na ang lumalabas na dahilan ng panunupil sa mga manggagawa ng Dole  Philippines ang diumano’y mga tagumpay ng liderato ng militanteng unyon, tulad ng regularisasyon ng 1, 500 manggagawang kontraktuwal.

“Hindi matanggap ng Dole Philippines na demokratikong inihalal ng mga mangagawa ang Amado Kadena, at hindi inilagay ng manedsment. Hindi ito nangyari sa kahit anumang plantasyon nito sa buong mundo,” aniya.

May kabuuang 20,000 manggagawa ang multinasyunal na korporasyong Dole Philippines.