Sports

Mainit na pagtanggap ng larong futbol sa Pilipinas dahil sa Azkals


Matapos gumawa ng ingay sa nakaraang Suzuki Cup bago matapos ang nakaraang taon, binigyan ng Philippine Football Team ng panibagong pagkakatuwaan ang kababayan nilang Pilipino.

Neil Etheridge, goalkeeper ng Azkals Philippine National Football Team. (Mula sa Azkals website)
Neil Etheridge, goalkeeper ng Azkals Philippine National Football Team. (Mula sa Azkals website)

Matapos gumawa ng ingay sa nakaraang Suzuki Cup bago matapos ang nakaraang taon, binigyan ng Philippine Football Team ng panibagong pagkakatuwaan ang kababayan nilang Pilipino.

Nagwagi ang koponan, na tinaguriang Azkals, kontra sa bansang Mongolia nang dumayo ang huli sa Panaad Stadium sa Bacolod noong Pebrero 9, bilang bahagi ng paghaharap ng dalawang bansa sa Asian Football Confederation (AFC) Challenge Cup.

Isang tinatawag na “nutmeg shot” ni Emil Calindog ang unang buslo ng Pilipinas. Bihirang mangyari ang ganitong tira sa futbol, kung saan palulusutin sa pagitan ng binti ng nagbabantay na goalee ang bola upang makauntos. Sinundan ito ng isa pa ni Phil Younghusband upang selyohan ang pagwawagi.

Umaming hindi na mauulit ni Calindog sa matagal na panahon ang nagawa niyang pagbuslo. “Nagkataon lang siya, akala niya (ang goalee ng Mongolia na si Ganbayar Tseveensuren) siguro hindi maba-bounce ‘yung bola sa ground” saad ng manlalaro na tubo rin sa Iloilo . “Hinataw ko na lang, kung sisipain ko ng mahina, siguro kaya pa niyang i-save.”

Hindi magkamayaw ang nanood na mga Pilipino sa kanilang napanood. At bukod sa mga lokal, na natuwa rin sa nasaksihang pagbuslo ni Calindog,  Nanood rin at ihinayag pa ng British Broadcasting Corporation ang naturang laban.

It’s fascinating to people, especially in UK,” ang saad ng Briton na si Kate McGeon, ang taga-ulat ng BBC sa Maynila. “You know we are a football nation. And people here are getting interested in the game.

Na maaaring totoo. Dumami ang mga Pilipino na natuwa sa mga laban noong nakaraang World Cup. At nang nabalita sa mga pahayagan na pinabagsak ng mga Pilipino ang Vietnam na siyang defending champion ng Suzuki Cup, lalong lumaki ang bilang ng nagkainteres sa laro.

Kaya nang ibinalita na gaganapin sa Pilipinas ang laban para AFC Challenge Cup, maraming naghintay sa pakikitunggali ng pambansang koponan. Bagay naman na hindi binigo ng Azkals.

Maghaharap muli ang dalawang koponan sa National Sports Stadium, sa Ulan Bator, Mongolia sa ikalawang yugto ng kanilang paghaharap. Kakailanganing makalamang ng Mongolia ng tatlong puntos kung gugustuhin nilang magwagi kontra sa mga Pilipino.

Ang laban ng Pilipinas at Mongolia ay isa lamang sa apat na playoffs matches ng walong mga mababang rango na bansa. Aakyat ang mga mananalong bansa laban sa group qualifiers. Tutungo ang torneo sa 2012 AFC Challenge Cup Finals.